26.9 C
Manila
Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang babaw mo, Panelo 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
Katapusang Bahagi
“ANONG sinulid pang seguridad ang nagtatahi sa tatlong mga nakaraang presidente (Joseph Ejercito Estrada, Gloria Macapagal Arroyo at Rodrigo Roa Duterte) at kay Sara upang sila ay tanggalin sa NSC?”
Inuulit natin ang pangwakas na tanong sa nakaraang kolum upang sariwain ang daloy ng nagpapatuloy na diskusyon.
Iyon ang tanong na dapat pinagtutuunan ng pansin upang malutas ang palaisipan kung bakit tinanggal na kasapi ng National Security Council (NSC) si Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang programa sa SMNI, sinabi ni Panelo na
sa loob ng 74 taon, ang mga nabubuhay na mga naging presidente ay laging kasapi ng NSC; sa loob ng 37 taon, ang Bise Presidente ay naging kasapi na rin ng konseho. Ano ngayon at biglang-bigla ay aalisin sila sa nangungunang ahensya ng pamahalaan sa pag-intindi ng pambansang seguridad?
Maliwanag na pamumulitika lamang ang lahat. Na mali, wika niya. Tanggapin na, aniya, na magkakasalungat tayo sa pulitika, subalit sa usapin ng seguridad ng bayan, ang salungatang ito ay dapat na isinaisantabi dahil pare-pareho tayong Pilipino.
Unang nabuo ang National Security Council sa pamamagitan ng Executive Order ni Presidente Elpidio Quirino noong July 1, 1950. At wasto si Panelo sa kanyang pagturing na naging bahagi na ng kasapian nito ang mga naging presidente ng bansa, at noon ngang 1986, sa bisa ng Executive Order 115, naibilang na rin sa kasapian ng NSC ang Bise Presidente. Subalit kagaya ng ipinakikita ng mga paglalahad na ito, ang pagkakabuo at pamamalakad ng NSC mula’t sapul ay tanging sa ganap na pagpapasya ng Pangulo. Kung nagkaroon man ng pagkakataon na mapabilang sa NSC ang Bise Presidente, iyun ay tanging sa basbas lamang ng Presidente.
Walang puwang sa usaping ito ang pulitika. Ang ipinag-iingay ngayon ni Panelo ay sa katunayan nagpapakita lamang ng tendesya ng kampo ng mga Duterte na, tama si Panelo, pulitikahin ang bawat isyu upang pagtakpan ang dapat na matago.
Nalantad na korapsyon sa DepEd, iyak ng mga Duterte, persekusyong politikal. Pangontra sa anomalya sa confidential fund ng Office of the Vice President, bantang pagpaslang sa Presidente, Unang Ginang at Ispiker ng Kamara.
Eto ngayon tayo sa isyu ng pagtanggal kay Sara sa NSC. Pulitika na naman ang panagot ng mga Duterte.
Malaking kamalasan na  kalakhan pa rin ng sambayanan ay napakamatapat sa sarili at sa gayun ay madaling maniwala na kung gaano sila katotoo sa paniniwala sa mga pulitiko ay ganun ang mga pulitiko sa kanila.
Sa nangyayaring banggaan nina Bongbong at Sara, maliwanag na ibabaw si Bongbong.
At sa usapin ng pagtanggal kay Sara sa NSC, hindi ang Pangulo ang kailangang mamuliitika kundi ang Bise Presidente.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, si dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo ay walang awtoridad na moral para batikusin si Presidente Marcos sa desisyon nito na ireorganisa ang NSC.
Tinukoy ni Bersamin ang paninindigan ni Panelo noong nakaraang administrasyong Duterte na huwag pahawakin ng anumang puwesto sa gabinete si Bise Presidente Leni Robredo. Kung nagawa nga naman ni Panelo noon na suportahan ang pagpwera sa bise presidente noon, anong karapatan niya  ngayon na batikusin ang pagpwera naman sa Pangalawang Pangulo sa NSC?
Ayon kay Bersamin, ang NSC ay nagsisilbing ahensyang tagapayo sa Presidente bilang Commander-in-Chief ng Sandatahang Lakas.
“Tungkulin ng Pangulo na tiyakin na ang bawat isang nagbibigay payo sa kanya ay ganap niyang mapagkakatiwalaan,” wika ni Bersamin.
Sa usapin ng pambansang seguridad, mahalagang unawain na ang eksklusibismo o pagkakanya-kanya ng mga bansa sa sariling seguridad ay palusaw na upang magbigay-daan sa “di-nahahati na seguridad.”
Ibig sabihin, seguridad na hindi pang-isahang bansa kundi pang-lahatan; sa saklaw ng rehiyon, seguridad na rehiyonal, ng mundo, seguridad na internasyonal.
Sa kasalukuyan, ang pinakapinangangambahang banta sa seguridad ng Pilipinas ay ang pagsambulat sa isang armadong kumprontasyon ng hidwaan ng Amerika at China sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, partikular sa South China Sea at Taiwan Strait. Sa maraming pagkakataon ay nagmuntik-muntikan nang mauwi sa kumprontasyong militar ang giriang sibilyan sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at Pholippine Coast Guard (PCG). At sa kada pagkakataon na ito, agad na tunguhin ng Amerika ang hingiin na paganahin na ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951. Sa bisa ng kasunduan na ito, obligado ang Estados Unidos na sumaklolo sa Pilipinas kapag inatake ng isang banyagang bansa.
Huwag na tayong magbanggit ng pangalan, subalit isipin na lamang na ang magpapayo kay Bongbong ay isang kung makamura sa Amerika ay para lamang na namumulutan ng mani sa inuman.
Malaking pasalamat ng bansa sa Pangulo na sa bawat paghingi ng Amerika na paganahin na ang MDT, hinahon ng disposisyon ang naging kasagutan.
Hanggang sa ngayon, nanatiling nasa kontroladong kalagayan ang ugnayang Chino-Pilipino.
Ipinakikita lamang nito na sa usaping seguridad ng bansa, nasa wastong pagdadala ang ginagawa ni Bongbong.
At totoong isang bahaw na tinig lamang ang pag-iingay ni Panelo tungkol sa pagkatanggal kay Sara sa NSC.
Simple lang talaga ang isyu. Pangunahing responsibilidad ng Pangulo ang seguridad ng Pilipinas. Lahat ng sagabal sa gawaing ito, tanggalin.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -