31.4 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Paanong hindi pala Father’s Day?

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI Father’s Day sa Pilipinas kapag Hunyo. Ganunpaman, tara at mag-celebrate!

Kung pagbabasehan ang pinakahuling proklamasyon ng isang Pangulo ng Pilipinas, hindi ngayong Hunyo ang Araw ng mga ama sa bansa.

Naunang ipinroklama ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng Proclamation No. 2037 ang unang linggo ng Disyembre na Araw ng mga Ama.

Nang maupo naman si dating Pangulong Corazon Aquino ay idineklara nya sa pamamagitan ng Proclamation No. 266 taong 1988 na ang ikatlong Linggo ng Hunyo ang Father’s Day.

Ngunit noong maupo naman si dating Pangulong Joseph Estrada, idineklara nya sa pamamagitan ng Proclamation No. 58 na ang Mother’s Day at Father’s Day ay ipagdiriwang tuwing unang Lunes ng Disyembre.


Sa kabila nang lahat ng ito, karamihan sa mga Pilipino ay nagdiriwang pa rin ng Araw ng mga Ama tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo at ngayong taon ito ay pumatak sa Hunyo 18.

Sa kulturang Pilipino, mataas ang tingin ng mga Pilipino sa kanilang haligi ng tahanan. Ang salita ng isang ama ay parang batas na sinusunod ng bawat miyembro ng pamilya. Ang ganoong pagsunod ay pagpapakita ng respeto at pagmamahal ng mga anak na humahanga sa mabubuting gawa at pagsusumikap ng kanilang tatay para sa pamilya kahit hindi pa uso noon ang Father’s Day.

Ngunit nitong mga 1980s nagsimulang magdiwang ng Father’s Day ang mga Pilipino. Walang ganitong mga tala sa kasaysayan ng mga panahong nauna. Ang pagdiriwang na ito sa Pilipinas ay isinunod sa selebrasyon sa Estados Unidos na ginagawa tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo. Nagsimula ito sa estado ng Washington sa Amerika noong 1910.

Ayon sa history.com, hindi naging mabilis ang pagtanggap dito ng mga tao partikular na sa mga kalalakihan. Hindi ito nagkaroon ng mainit na pagtanggap tulad ng Mother’s Day. Ito ay dahil inisip ng mga kalalakihan na hindi bagay sa kanila na makatanggap ng mga bulaklak at regalo bukod sa tila magagamit lamang sila para palakasin ang benta ng mga tindahan.

- Advertisement -

Sa kabila nito, nagpatuloy ang bagong tradisyon at pagkaraan ng 58 taon saka lamang ito naging national holiday sa Amerika.

Samantala, sa mga bansa sa Europa at Latin America, ang mga ama ay binibigyang parangal at pagpapahalaga kasabay ng St. Joseph’s Day, isang tradisyonal na pagdiriwang ng Simbahang Katoliko na ginaganap tuwing Marso 19.

Bagama’t hindi nakaugalian noon ng mga Pilipino na magdiwang ng Father’s Day, ito ay madali namang natanggap bilang bagong tradisyon sa Pilipinas.

Hindi ito kataka-taka dahil mataas ang pagtingin at respeto ng mga Pilipino sa kanilang ama.

Kaya naman ang Father’s Day, kahit ano pa mang petsa iyan, ay isang pagkakataon para ipamalas ng mga anak ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanilang ama sa pamamagitan ng mga regalo at higit sa lahat, respeto at pagmamahal.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -