25.2 C
Manila
Linggo, Enero 5, 2025

  Ang istetoskop ni Jose Rizal

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KAGYAT na pumasok sa isip ko si Dr. Jose Rizal nang mag-landing ang eroplano namin sa paliparan ng Frankfurt kamakailan. Nasa Germany ako noon para makibahagi sa pinakamalaking bookfair sa daigdig – ang Frankfurt Buchmesse o Frankfurt Book Fair. Bakit hindi sasagi sa isip ko si Rizal gayong ilang taon din ang ginugol niya sa paninirahan sa bansang ito? Sa Berlin niya sinulat at inilathala ang nobelang ‘Noli Me Tangere.’ Sa Heidelberg naman siya nagpakadalubhasa sa larang ng Optalmolohiya, ang sangay ng Medisina na nakatuon sa pag-aaral ng mga kondisyon at sakit sa mata.

Sa gabay ng isang kaibigang nurse na nagtatrabaho sa isang bayan ng Germany, sinamahan niya kami para makita ang bayan ng Wilhelmsfeld upang bakasin ang alaala ng ating dakilang bayani. Mula sa central train station sa Frankfurt, sumakay kami ng train at bus upang marating ang monumento ni Rizal sa Wilhelmsfeld. Noon ko nakita ang malaking momunento ng ating bayani sa Jose Rizal Park malapit sa Jose Rizal Street. May signage pa nga sa di kalayuan na makikitang nakasulat ang ‘City of Calamba.’

Bilang manggagamot, ang istetoskop ang isa sa unang instrumentong ipinabili sa amin ng aming mga guro sa medical school. Medical student pa lang kami ay nakasabit/nakasampay na sa aming mga balikat ang istetoskop na ito. Ito rin ang isang instrumento na kumakatawan sa medical profession. Isang banggit sa istetoskop at kagyat na papasok ang imahen ng isang doktor na nakasuot ng puting blazer o hospital gown.  Pero nasaan ang istetoskop ni Dr. Rizal?

Sinimulan kong hanapin ang ‘nawawalang’ istetoskop ni Rizal. Maraming larawan ang ating pambansang bayani mula sa iba’t ibang yugto ng kaniyang buhay – mula pagkabata hanggang sa maging doktor. Parang dokumentado nga ng mga litrato ang kanyang buhay (at wala pang cellphone noon, ha). Pero kailanman ay wala akong nakitang istetoskop na nakasabit sa kanyang balikat o tainga. Wala bang istetoskop si Rizal?

Ang madalas kong nakikita patungkol sa kanya bilang manggagamot ay ang isang painting na ipinapakitang sinusuri niya (o inooperahan?) ang mata ng kanyang ina na si Teodora Alonzo. Hindi ito aktuwal na larawan kundi interpretasyon lamang ng isang pintor patungkol sa panggagamot ni Dr. Rizal sa ina. Imposible namang walang istetoskop si Rizal dahil naimbento na noon pa mang taong 1881 ang sphygmomanometer, ang aparatong ginagamit upang kumuha ng blood pressure. Hindi ka makakakuha ng blood pressure kung walang tulong ng istetoskop.


Sa mga eskuwelahan, plaza, at parke, nakikita ko ang rebulto ni Dr Rizal na nakasuot ng trench coat na itim (ang kanyang kasuotan habang nasa Europa). Sa mga larawang ito, makikitang hawak niya ang kanyang mga aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nakadikit sa katawan o kaya’y nakapatong ang busto niya sa kanyang dalawang dakilang nobela. Wala na naman ang kanyang istetoskop. Siguro’y sanay lang akong nakikitang ang istetoskop ay nakasampay sa balikat ng mga doktor kapag nasa klinika o ospital?

Nang magsaliksik ako sa kung ano ang hitsura ng istetoskop noong panahong ‘yun, nagulat ako. Hindi pala ito katulad ng istetoskop na ginagamit natin ngayon. Pahaba ito. Hugis-torotot! Ang isang dulo ay idinidikit sa tainga ng doktor habang ang kabilang dulo naman ay nakatutok sa dibdib. Ilalapit ng doktor ang kanyang ulo malapit sa bahagi ng katawan kung saan mapakikinggan ang mga pinong breath sounds (mula sa baga), heart sounds (murmur), at stomach sounds. Noon pala, mono-aural ang mga naunang istetoskop; ibig sabihin, isang tainga lang ang kailangang gamitin sa pakikinig. Walang mahabang tangkay na itinututok sa likod o dibdib.

Ang istetoskop na kinagisnan ko’y moderno na. Wala na ang disenyong mala-torotot o trumpeta. Bi-aural na ito. Ibig sabihin, ginagamit ang dalawang tainga sa pakikinig sa mga tunog na galing sa katawan. Isinasabit sa dalawang tainga ang naturang gamit. Tapos, may mahabang tangkay ito na sa dulo ay may chest piece na siyang itinututok sa dibdib, sa likod, o sa tiyan. Hindi ko naisip na may malaking pagkakaiba sa hitsura ng gamit na ito noon sa ngayon.

Kung ganoong hugis-torotot o trumpeta nga ang hitsura ng istetoskop noong araw, maaaring ito’y nasa loob lang palagi ng estutse (itim na bag) ni Dr. Rizal kahalo ng iba pang medical instruments niya.  Ito ang dahilan kung bakit di ko nakikitang may istetoskop si Jose Rizal sa kanyang mga larawan.

- Advertisement -

Nang magdaos ang bansa ng sentenaryo ng kabayanihan ni Dr. Rizal, naisip kong sumulat ng isang kuwentong pambata bilang alay sa ating bayani. Nakita ko kasi na nagpakita ng masidhing interes si Rizal sa panitikang pambata. Ginawa niya ang muling pagsasalaysay (o retelling) ng kuwentong Si Matsing at Si Pagong (The Monkey and The Tortoise) na may kaakibat pang drowing. Muli rin niyang isinalaysay ang ‘Alamat ni Maria Makiling’ na nalathala pa sa diyaryong La Solidaridad. At isinalin niya sa Tagalog (mula sa German edition) ang limang maririkit na fairy tales ni Hans Christian Andersen. Nilagyan pa niya ng drowing ang bawat kuwento at ipinadala sa mga pamangkin niya dito sa Pilipinas bilang pamaskong regalo.

Ito ang dahilan kung bakit kuwentong pambata rin ang naisip kong ihandog kay Rizal nang ipagdiwang ng bansa ang sentenaryo ng kaniyang pagiging bayani. Pero sa dami ng puwedeng ikuwento tungkol kay Rizal, naisip kong pagtuunan ng pansin ang kanyang istetoskop at ang aking kuryosidad sa kung nasaan ang istetoskop ng ating bayani.

Nang pinaplano kong gawin ang kuwento, pumasok sa isip ko na piliin ang figure of speech na ‘personification’ upang buhayin ang mga medical instruments ni Dr. Rizal, partikular ang gamit na istetoskop. Ano kaya kung sa pananaw ng naturang istetoskop ni Pepe ilalahad ang buong kuwento? Ano kaya ang kanyang mga narinig?

Dito na nga isinilang ang aklat pambata kong pinamagatang  ‘Ang Ambisyosong Istetoskop’ na inilathala ng Adarna House. Ang kuwentong ito  ay mula sa pananaw ng isang ubod ng yabang na istetoskop (pinangalanan kong ‘Istet’) na nais sumikat at makilala sa buong daigdig pero labis na nadismaya nang bilhin ng isang lalaking maliit ang tindig at kayumanggi ang balat. Hanggang sa di-sinasadyang napalahok si Istet sa kasaysayan ng ating bansa; at kanyang napakinggan, di lamang ang mga ‘tunog, tibok, at hinga’ ng mga kababayan ni Dr. Rizal kundi pati ang kanilang mga ‘hinaing’ sa pagmamalabis ng mga Kastila.

Heto ang mga dahilan kung bakit napagdiskitahan kong gawing bida ang istetoskop:

  • Ang istetoskop ay ginagamit sa pakikinig sa tibok-hininga-ungol ng tiyan at iba pang mahihinang tunog na nasa loob ng katawan
  • Sensitibong gamit ito. Ina-amplify nito (pinalalakas) ang pinong tunog
  • Malaking tulong ito sa doktor upang ma-diagnose ang sakit ng isang tao: sakit sa puso, pulmonya, hika, atbp

Naisip kong hanggang ngayon, marami pa rin ang bingi at nagbibingi-bingihan sa lipunan.  Pinagbigkis ko sa kuwento ang pagiging ‘social reformist’ ni Dr. Rizal at ang pagiging ‘sensitibo sa pandinig’ ng instrumentong istetoskop. Dahil dito’y napakinggan ni Istet ang mga hinaing ng mga inaping kababayan ni Dr. Rizal dahil sa mapagmalabis na pamamahala ng mga Espanyol sa ating bansa.

- Advertisement -

“Alam mo, Istet, may sakit ang ating bayan. Pero ito ay hindi simpleng ubo, sipon, tigdas, o pagtatae lamang.” Ito’y mga kataga ng pagpapaalala mula kay Penpen Panulat (ang pluma ni Rizal sa kuwento) para kay Istet. Isang linya itong mababasa sa aking aklat pambatang ‘Ang Ambisyosong Istetoskop.’

Sa ating paggunita sa ika-128 taon ng kabayanin ni Dr. Jose Rizal, marinig sana natin nang malinaw ang mga hinaing ng ating mga kababayan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -