Juan, Kamusta na bonus mo?
Huh, Uncle? Ano yun? Haha! Ubos na!
Ha? Di na umabot ng Pasko? Ano ba yan, Juan?
Oo nga, Uncle. Dami ko kasing biniling regalo. At ang mamahal na din ngayon.
Yan na nga ang sinasabi ko. Ganyan nga ang karaniwang nangyayari. Kaya pagbukas pa lang ng bagong taon, nganga na. At puro bayarin sa credit card ang sasalubong sa yo. Haay! Yan talaga ang mga tinatawag kong mga “wealth busters”!
“Wealth buster”, Uncle? Parang “ghost busters” ba yan?
Oo, Juan. Maraming sumisira o pumapatay sa mga hangarin natin na mas gumanda ang buhay, makaipon ng marami, at magkaroon ng matibay na pundasyon para sa ating pinansyal na pamumuhay.
Lalo na pag dumadating ang panahon ng Kapaskuhan, dyan lumalabas ang mga “wealth busters” at pilit na nang-aakit, nambubudol at nagbibigay ng mga di kanais-nais na impluwensiya sa sana’y matuwid nating daan tungkol sa mas angat na buhay.
Ano ba ang mga halimbawa ng “wealth busters”?
- Namumuhay ng labis sa kakayahan. Marami ang nalalagay sa alanganin dahil sa paggastos na sobra sa kinikita. Bakit nga ba? Nagyayabang? Nagkukumpara sa iba? Nagiilusyon? Nanggagaya ng mga nakikita sa social media? Iwasan natin ito. Kung hindi kaya, huwag pilitin. May tamang panahon para sa lahat.
- Nagbubulag-bulagan sa budget. Bakit? Ayaw? Hindi marunong? Kulang? Mahalaga ang pagba-budget. Walang kulang o sobra kung alam natin kung paano pagkakasyahin ang ating kinikita . Sabi nga nila, pag ayaw, maraming dahilan. Laging isapuso ang formula natin, Kita – Ipon = Gastos.
- Walang ipon. Ito na yata ang pinakamasaklap sa lahat kung wala tayong ipon para sa emergency o retirement. Kadalasan kasi pag tumaas ang ating suweldo o nagkaroon tayo ng “windfall” katulad ng bonus, gastos kaagad ang ating iniisip. Unahin ang pag-iipon para sa kinabukasan. Hindi parati na tayo’y may trabaho, may bonus o di kaya’y walang manggugulat sa atin na mga situwasyon tulad ng biglaang pagkakasakit.
- Walang financial literacy. Hindi na mahirap ang magkaroon ng kaalaman sa maraming bagay tulad na lang ng tungkol sa financial na aspeto. Nandyan ang internet, ang mga vlogs ng mga natatanging financial experts, ang mga artikulo tulad ng ginagawa natin, may mga forum na libre na binubuo ng Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang institusyon o iyong mga financial advisors ng mga insurance companies na handang magturo ng nararapat gawin. Siguro minsan bigyan natin ng panahon ang mga makakadagdag ng ating kaalaman o ideya tungkol sa financial matters.
- Paggastos ng wala sa plano o impulse spending. Magaling talaga ang mga malls, ang mga online sellers o mga ads sa social media sa panghihikayat na lumabas ka at gumastos. Sino ba naman ang makakatanggi sa mga sale at mga diskuwento? Mahirap pero kaya kung papalitan natin ang mindset tungkol sa pagbubudget at pagiipon. Hindi tama ang paghohoard ng gamit na hindi naman talaga kailangan. O iyong pagbili kasi mura lang. O iyong YOLO o iyong “you only live once” attitude kaya bahala na lang kung malulubog ka sa utang. Kailangan nakaplano ang paggastos na naaayon sa budget.
- Paglubog sa utang. Mahirap din pag masyadong malakas ang loob mo sa pangungutang at saka mo na lang iisipin kung paano babayaran ang mga ito. Nasa huli parati ang pagsisisi. Marami ang mga nadedepress sa mga ganitong klaseng problema at iyong iba pa nga’y umaabot sa pagpapakamatay. Laging isipin na kapag walang kakayahang magbayad, huwag mangutang at iprioritize ang mga gastusin.
- “Now” mentality. Totoo na marami ang nakatuon ang pansin sa kasalukuyang panahon at walang paghahanda para sa kinabukasan. Bahala na? May awa ang Diyos? May tutulong namang iba? Maaga rin naman akong papanaw? Dapat baguhin ang ganitong pag-iisip kasi wala kang dapat sisihin sa mangyayari sa iyo kundi sarili mo lang at ang mga naging choices o desisyon mo sa buhay.
- Nagmamadaling yumaman. Kaya maraming nai-scascam, naloloko at naba-bankrupt. Walang short-cut sa mga gustong yumaman. Lahat ay pinagta-trabahuhan at walang overnight success. Empleyado man o negosyante. Iwasan ang mga investment na nagsasabing dodoble o tritriple ang pera mo sa isang buwan lang. Walang ganon.
- Hindi nag-iinvest habang kumikita pa. Time is gold ika nga. Pag may sobra tayong kita at tayo’y nakaipon na, maganda rin na tingnan na mag-invest sa real estate o iyong mga financial instruments katulad ng time deposit o kung may kaalaman ka sa mga stocks o bonds ng gobyerno o private corporations o sa mga funds ng mga insurance companies, puwede din. Ang mahalaga ay alam natin ang pinapasukan natin, lalo na sa tinatawag na “risks” na dapat iniisip natin sa ating mga desisiyon.
- Ang “poverty” vs. “abundance” mindset. Naniniwala ako na kapag parati mong iniisip o sinasabi na wala kang pera, yun talaga ang mangyayari sa yo. Dapat mas positibo ang ating pag-iisip tungkol sa pera. Yun yung “law of attraction”. Pag inisip o sinabi mong marami kang pera, mas maraming oportunidad na darating sa yo para kumita ng mas malaki. What you think, you attract.
O, Juan, iwasan mo ang mga “wealth busters” na naglipana ngayong holiday season. Good luck.