25.3 C
Manila
Huwebes, Pebrero 6, 2025

Hamon kay Bongbong:Manahin mo ang tatay mo 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
Unang bahagi
“NAHAHARAP ako ngayon sa kagimbal-gimbal na pananagutan na punuan ang mga sapatos ng aking ama.”
Bongbong, sa murang gulang mo noong 1989, inantig mo ang mga puso ng mga tagapakinig sa panatang iyun na binitiwan mo sa burol ng iyong namayapang ama.
Sa buong panahon ng iyong pagpalaot na upang sundan ang mga yapak ng Dakilang FM, taglay ko ang pananalig na buong tapat mong tutuparin ang sumpang iyon.
Kaya nga sa buong haba ng anim na taong pakikipaglaban sa pandarayang dinanas mo sa eleksyong sa pagiging Pangalawang Pangulo, kabilang ang mga panulat ko sa walang puknat na suporta sa laban mo.
Anupa’t sa 31 milyon na bumoto sa yo sa Panguluhan noong 2021, hindi kalabisang ulit-ulitin na isa ako roon.
At laki ng aking karangalan na sa pagtanggap ko ng parangal na APPCU (Award for Promoting Philippine-China Understanding) noong June 10, 2021 isa ka sa matamang nakikinig katabi ni Ambassador Huang Xilian sa aking talumpati ng pagtanggap na nagsasabing kung papalarin at abutin ko ang edad ng kamatayan ng aking ina na 97, o anong milagro pa ang maaari kong iambag sa pagdurog sa imperyalismong Amerikano,  at samakatuwid sa higit pang pag-unlad ng unawaang Chino-Filipino.
Amerika ang puno’t dulo ng mga paninira laban sa China. Mangyari pa, ang sigalot ay nasa pagnanais ng Amerika na mapanatli ang kanyang paghahari sa daigdig, na sa pangmundong kalakalan ay nauungusan na ng China.
Lalo’t higit sa pagsapit ng ika-21 siglo na ang China ay pumaimbulog na bilang namumunong ekonomiya sa mundo, ang pagbagsak ng Amerika ay totoong dama na sa paikot ng sanlibutan, pangatlo na lamang sa ibaba ng India, na nasa pangalawa.
Kapit- tuko samakatuwid ang Amerika sa anumang mapangunguyapitan upang mapigil ang kanyang pagbulusok paibaba. Damang-dama mo ito sa islogan ni Trump na “America First”, ibig sabihin intindihin na muna ang Amerika dahil lugmok na nga, at “America will be great again”, ibig sabihin hindi na nga dakila ang Amerika.
Ang mga giyera sa Ukraine at Gitnang Silangan na sa panahon ni Biden ay ipinagmalaking pagwawagian ng Amerika ay nasa tigil-putukan na. Walang natamo ni katiting ng tagumpay na inasahan ni Presidente Volodymyr Zelensky ng Ukraine sa isang panig at ni Premier Benjamin Netanyahu ng Israel sa kabilang panig. Sa pag-amin ng Commander ng III US Marines Expeditionary Forces, tatlong giyera ang ikinasa ng Amerika sa pagsapit ng 2014, ang giyera sa Ukraine, ang giyera ng Israel at Palestine at ang giyera sa Taiwan Strait, na ano pa ba kundi kontra China. Ngayong lumilitaw na talo na ang Amerika sa Ukraine at Israel, ang giyera na lamang ng US kontra China ang hindi pa napasasabog.
Malaking kasamaang palad para sa Pilipinas na siya ang hinihinging mitsa upang ang giyera sa Taiwan Strait ay paputukin. Itinatadhana ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 na ang anumang pagsalakay sa Pilipinas ng alinmang dayuhang bansa ay ituturing na pagsalakay din sa Amerika, na obligadong magtanggol. Kaya nga pursigidong pinalilitaw ng Amerika na ang girian ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa South China Sea ay pananalakay na ng China. Nagbibigay-katwiran iyun sa Amerika na giyerahin ang China.
Napakalungkot kung ito ang totoo. Mula pa sa mga kanunununuan, ang China at Pilipinas ay halos magkaputol na ng pusod. Di tulad ng ilan sa mga kapitbahay ng China, halimbawa Vietnam, India at Nepal na kinasaksihan ng ilang mga sandali ng digmaan, ang Pilipinas ay hindi nagkaroon ng anumang seryosong alitan sa China kundi nito lamang mga kasalukuyang panahon ng pang-uudyok ng Amerika na giyerahin ng Pilipinas ang China.
Dito pumapasok ang ating hamon sa yo,  Bongbong.
Halos paslit ka pa lamang noong 1975 nang ang buong Pamilya Marcos ay dumalaw sa China at buong rangyang tinanggap ni Chairman Mao Tse Tung. Ang pagdalaw na iyun ang nagpanimula ng relasyong diplomatiko sa pagitan ng China at Pilipinas.
Bongbong, ang iyong ama na si Ferdinand Edralin Marcos Sr. ang siyang buong tapang at pagmamalaking nangahas na kumalas sa pundiyo ng Amerika upang buong pusong yakapin ang diwa ng pandaigdigang pakikipagkapatiran hindi lamang sa mga demokratikong bansa na pinamumunuan ng Amerika kundi gayundin sa mga sosyalistang lipunan na nasa magkasabay na paggabay ng Unyong Sobyet at China.
Sa pagdaloy ng kasaysayan, napatunayang wasto ang daang tinahak ng iyong ama. Ang palitan ng dolyar sa piso ay 1-2. Ibig lang sabihin, ganun kaaliwalas ang pamumuhay ng mga Pilipino. Kailangan mo lang ng dalawang piso upang bitbitin ang isang dolyar, di tulad ngayon na kailangan mo ng P59 para mo madala ang isang dolyar.
Wow, bigat.
Kaya lagi kong ipinagmamalaki na sa edad kong 83 na ngayon, nasaksihan ko ang bawat yugto ng pagsulong ng lipunang Pilipino at tahasan kong sinasabi na wala pang higit na asensong tinamo ang Pilipinas kaysa sa administrasyong martial law ng iyong ama.
Masigla ang mga industriya sa steel, tela, mina, automotive, etc. Higing ko pa nga, may nagpapanimula nang programang pangkalawakan ang iyong ama. Sa kanyang pagkaalis sa puwesto at paghalili ni Cirazon C. Aquino, pulbos ang lahat ng mga nabanggit na industriya. Ang pambansang ekonomiya ay halos binubuo na lamang ng apat na sektor:kalakalang tingi, real estate, padala ng mga overseas Filipino workers (OFW) at utang panlabas.
Bongbong, minana mo ang buhay na likha ng kawing-kawing ng mga administrasyon na pinapagsilbi hindi upang itawid ang bansa sa mas magagandang panahon kundi upang higit pang ilubog ang Pilipinas sa kumunoy ng kahirapan.
Dalawa ang iyong mapagpipilian, Bongbong.
Una, maging bahagi ka ng kawing-kawing ng mga nagdaang atrasadong administrasyon na lahat ay mga pansulong tanging sa adyenda ng Amerika.
Pangalawa, bumalik ka sa matapang, mapanlikha at lantarang pagkalas sa pundiyo ng Amerika sa larangan ng pulitikang pangmundo na siyang pamamahala ng iyong ama.
Bongbong, ginagamit ka ng Amerika sa kanyang kasalukuyang pangangailangan na giyerahin ang China upang isulong ang intensyong hegemoniya sa Indo-Pasipiko.
Pagagamit ka ba sa Amerika o tatanggapin mo ang kaloob ng China na isang pangmundong komunidad na may pantay-pantay na pinaghahatiang kinabukasan?
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -