27.5 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

‘Gawad Teodora Alonso’ para sa mga gurong manunulat, gurong ilustrador at gurong storyteller

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 2 bahagi

DATI-RATI, kapag ako’y naaanyayahan sa mga public schools bilang awtor ng aklat pambata, nakikita kong naka-display sa kabinet ng mga guro ang kanilang ginawang aklat-aklatan (mock books). Karamihan dito ay nasa anyong big books pa. Mga kartolina o manila paper itong pinagsama-sama na matapos sulatan ng kuwento ay lalakipan ng ilustrasyon, at saka ibu-bookbind. Sariling sikap. Labor of love, kumbaga. Kung kapos sa mga storybooks, sila na mismo ang may inisyatiba na lumikha ng mga kuwentong maiibigan ng kanilang mga estudyante.

Ang mayamang ani ng aklat pambata na iniakda ng ating mga guro sa public schools

Madalas ay tinatanong ko rin kung sino ang gumuhit ng mga ito. Minsan daw ay kung may estudyante silang may talento sa pagguhit, siya ang nahihilingan ng teacher na magdrowing. Minsan naman ay isang co-teacher o isang DepEd non-teaching personnel na nagkataong mahilig at mahusay ring magdrowing. Maaari ring isang kabaranggay na kilalang mahusay ang kamay sa pagguhit. Humahanga ako sa kanilang mga pagtatangka na gumawa ng kanya-kanyang storybooks. Ayon pa sa kanila, nagiging padron daw nila ang mga nailalathalang aklat-pambata na nabibili nila sa bookstores. Hayun, may title page pa ang kanilang aklat-aklatan at may ‘about the author’ din sa dulo ng libro.

Kasama ni Dr Gatmaitan, isa sa mga national judges sa Gawad Teodora Alonso, si Usec Gina Gonong, ang Undersecretary ng DepEd para sa Curriculum and Teaching

Mabuti na lamang at isinilang ang isang pambansang paligsahan sa pagsulat ng kuwentong pambata, gayon din sa pagguhit ng aklat pambata, na itinataguyod ng Bureau of Learning Resources ng DepEd. Sa pamamagitan ng Gawad Teodora Alonso (GTA), ang ating mga guro ay nagkaroon ng venue upang ihayag ang kanilang pagkamalikhain at seryosohin ang bagong-tuklas na kasanayang ito. Aba, kaya pala nilang maging awtor at ilustrador ng mga aklat pambata!

Magkakapartner sa Gawad Teodora Alonso ang sumusunod: Director Ryan Esteban ng NBDB, Usec Gina Gonong ng DepEd, Chair Luis Gatmaitan ng NCCT, at Jejomar Cordova Alda ng DepEd Bureau of Learning Resources

Ang inisyatibang ito ay nanggaling kay Marietta Publico, isang empleyado sa central office ng DepEd sa ilalim ng Bureau of Learning Resources (BLR). Hindi niya akalaing ang simpleng hakbang nang pagtitipon ng mga kuwento mula sa mismong mga guro ay mauuwi sa isang pambansang paligsahan sa pagsulat ng kuwento. Hanggang ngayon ay nakasubaysay si Marietta Publico, mas kilala sa tawag na “Mama Bear” ng mga kasamahan sa GTA, sa patuloy na pag-unlad ng kumpetisyong itinaguyod nila. Kasama niya sa pagpapatupad nito ang isa pang opisyal ng BLR na si Jejomar Cordova Alda. Ito’y sa ilalim nang pamumuno ng Bureau Chief na si Besy Agamata at ng Bureau Directors na sina Atty. Ariz Delson Acay Cawilan at Edward Jimenez.


Book exhibit ng mga nagwaging aklat pambata

Ang sining ng pagkukuwento (storytelling) at pagsulat ng kuwento (storywriting) ay kasanayang mahalagang mahasa sa ating lahat, guro man o hindi. Isa itong mabisang kasangkapan upang maabot natin ang mga bata’t kabataaan. Kapag dinaan sa kuwento ang maraming kaalaman at konsepto, madali itong matutuhan at matandaan ng mga bata.

At bakit makapangyarihan ang kuwento kaysa mga facts at figures na ipinamememorya ng mga guro sa kanila? Ginigising kasi nito ang pitong bahagi ng ating utak kung kaya’t hindi natin kagyat nalilimot ang mga kuwentong narinig o binasa. Kung ang mga learning competencies sa bawat grade level ay lalahukan ng mga kuwento na relatable sa mga bata, bakit ba hindi magiging kasiya-siya ang pag-aaral?

Kasama ng kolumnistang ito ang mga opisyal ng DepEd na sina Usec Gina Gonong at Director Ariz Delson Acay Cawilan

Ang Gawad Teodora Alonso ay nagsimula bilang “National Competition on Storybook Writing” (NCSW) noong 2018. Noong unang taon nito, sa antas ng Kinder hanggang Grade Two lamang nakabukas ang kumpetisyon. Tapos, nadagdagan ito nang kategorya para sa Grade 4-6. Taon-taon, habang lalo nilang pinaghuhusay ang kumpetisyon, mas nadaragdagan ng kategoriya ang naturang contest. Nagkaroon ng kategorya para sa Wordless Picture Book. Mayroon ding kategorya na Narrative Text (na manuskrito lamang) para sa DepEd non-teaching personnel at para sa mga guro sa private schools.

Kasama ni Gatmaitan ang gurong manununlat na si Jaylord Losabia ng Iloilo na kinilala rin ang akda ng Palanca Awards at ng National Children’s Book Awards

Ngayong taong ito, may kategorya nang binuksan para sa Recorded Storytelling at Storytelling Live Sessions, katuwang ang National Council for Children’s Television (NCCT) kung saan naging hurado sina Sally Lopez (guro, broadcast media expert, at NCCT Council Member) at Daisy Atienza (exec director ng NCCT). Nakatutuwang makita ang mga nagwaging lahok sa kategoryang ito. Heto ang itinanghal na tatlong pinamahuhusay na storytelling videos mula sa napakaraming lahok nationwide: “Ang mga Kalaro ni Tatay” (kuwento ni Alexander Blanco; guhit ni Mark Ronell Bernaldez ng Cavite; isinalaysay ni Joanne Vilan); “Ang Lumilipad na Palda” (kuwento ni Juish Dela Victoria ng Agusan Del Norte at guhit ni Neil Arado ng Agusan Del Norte; si Juish Dela Victoria rin ang nagsalaysay); at “Mimay Manananggal” (kuwento’t guhit ni Jhucel Rosario ng Cavite; isinalaysay ni Daisy Abenojar).

- Advertisement -
Ang ilan sa mga naging hurado sa 2024 Gawad Teodora Alonso kasama si Usec Gina Gonong: Gatmaitan, MJ Tumamac, Danielle Florendo, Pepot Atienza, Tin Javier, at Grace Chong

“We aim to inspire lifelong readers who find purpose and joy in every book,” ayon kay Gina Gonong, undersecretary for Curriculum and Teaching ng Department of Education. “DepEd supports reading initiatives at all levels through its National Learning Recovery Program. Gawad Teodora Alonso and other programs of the Bureau of Learning Resources (DepEd-BLR) support these initiatives by enhancing learning materials and showcasing the best stories from across the country,” dagdag pa ni Gonong.

Mga naging hurado at panauhin sa 2024 Gawad Teodora Alonso: Dir. Ryan Esteban ng NBDB, Noel De Leon, Eugene Evasco, Mary Ann Ordinario, Usec Gina Gonong, Dulce Deriada, at Gatmaitan

Creative teachers breed creative learners. Ang mga guro ang tumutulong na gumising sa pagkamalikhain at mayamang imahinasyon ng mga estudyante. Bagama’t ang expertise na hinihingi sa mga guro ay ang magturo – at magturo nang mahusay – ang pagiging malikhain ay isang katangiang dapat taglayin ng guro upang makapagturo nang mahusay.

Ayon pa kay Usec Gonong, “the Gawad Teodora Alonso highlights the creativity and dedication of educators and storytellers in our education system. The culturally rich stories they produce are at the heart of our literacy programs and should be shared in every classroom and home.”

Malayo na rin ang narating ng ating mga gurong pinagkalooban ng Gawad Teodora Alonso. May ilan sa kanila na kinilala sa mga pambansang patimpalak gaya ng Palanca Awards (para kay Teacher Jaylord Losabia ng Iloilo na nagkamit ng Unang Gantimpala sa Maikling Kuwentong Pambata noong 2023) at National Children’s Book Awards (para kay Teacher Mariel Balacuit ng Agusan Del Sur para sa kanyang picture book na ‘Ang Mundo Kong Kahel’; Teacher Jhucel Del Rosario ng Naic, Cavite para sa kanyang aklat na ‘Papasok na Kami ni Nanay sa Paaralan’; at Teacher JayLord Losabia para sa aklat na ‘Kapaa ko si Kuya’).

Sa ikaanim na taon ng Gawad Teodora Alonso, patuloy akong sumasaksi sa pag-unlad at pagyabong ng ating mga guro sa larang ng pagsusulat ng kuwento, pagguhit, at pagsasalaysay (storytelling).

May karugtong

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -