Unang Bahagi
AMININ man natin o hindi, ang pulitika sa Pilipinas ay hindi maaaring hindi pumaloob sa mga pangmundong sigalot na pinapasok ng Estados Unidos.
Sa usapin ng pambansang seguridad, nakatali ang Pilipinas sa Amerika sa bisa ng tatlong tratado. Ang mga ito ay ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998, at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014. Dati naglipana sa Luzon ang mga base militar ng Amerika sa bisa ng Military Bases Agreement ((MBA) ng 1947. Subalit ang tratadong ito ay may taning hanggang 1991 at ang pag-lobby ni Presidente Corazon Aquino na palawigin pa ang buhay ng MBA ay kinitil ng mayorya sa Senado.
Sa anu’t-anuman, nananatili ang paggala ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas sa pamamagitan ng VFA, partikular ang mga pakunwaring Balikatan exercises sa pana-panahon; pinakahuli sa ganung mga ehersisyo ang ginanap sa Hilagang Luzon, mga 100 kilometro lamang ang layo sa China.
Tungkol naman sa mga nawalang base militar ng Amerika, ewan kung baka nga napaganda pa ang mga ito sa anyo ng mga tinatawag na EDCA sites, mga kaloob na pook sa Amerika sa loob mismo ng mga kampo ng Sandatahang lakas ng Pilipinas. Sa EDCA sites ay nakapagkakampo ang mga tropang Amerikano, nakakapagtatayo ng mga pasilidad na panggiyera na hindi pumapailalim sa pag-inspeksyon ng pamahalaan ng Pilipinas. Kung noong dati ay may upa ang Amerika sa kanyang mga base militar (Clark Field, Subic Bay, Camp John Hay, etc.), sa EDCA sites, libre na ang paggamit niya at kung anumang mga istruktura ang itatayo nito, pababayaran pa sa Pilipinas kung hindi na gagamitin ng mga Amerikano.
Bagama’t itinatadhana ng EDCA na bawal ang magtayo ng mga pasibilidad nuclear sa EDCA sites, walang kasiguruhan na ito ay nasusunod dahil nga sa hindi pumapailalim sa inspeksyon ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga gawain ng Amerika sa mga kampong EDCA.
Tulad na lamang ng mga Typhon Missile Launch System na itinayo ng mga tropang Amerikano sa nakaraang military exercises sa Ilocos. Hanggang sa ngayon, nakatayo ang mga pasibilidad, at handang gamitin laban kaninuman anumang oras.
Maiaalis mo ba sa China ang maalarma sa mga Typhon? Halos 100 kilometro lamang ang layo mula sa mga posibilidad na maaaring dumurog sa kanya. E, kung bigla na lamang kayang ang China ay mag-ala-Russia at unahan ang Amerika at gawing Ukraine ang Pilipinas?
Kawawang Pilipino, isusubo sa giyera na wala siyang kaalam-alam. Imadyinin mo ang pagkawasak sa kabuhayan at pagkautas sa mga buhay ng sambayanan.
Kung bakit nga ba ayaw pang baklasin ang mga Typhon na iyun gayong matagal nang nagwakas ang mga ehersisyong militar na doon ginamit ang mga ito?
Ito ang nagpupumilit na alalahanin para sa China. Masama na nga naman na pinagkalooban ng administrasyong Marcos ng apat pang EDCA site (karagdagan sa nauna nang limang naibigay na sa ilalim ng orihinal na kasunduan), heto ka’t uumangan ka pa ng Typhon Missile Launch System na anumang oras ay maaaring magpalipad ng mga nuclear warhead na intensyong durugin ka.
Pero ano ang sabi ni National Security Adviser Eduardo Ano, “Walang makapagdidikta sa amin.”
Diyan tagilid ang Pilipinas. Ano ang panama mo sa Dong Feng 21 ng China na sa loob lamang ng wala pang kalahating oras ay kayang umabot sa Europa, Canada at Estados Unidos.
Sa huling pag-estima sa mga kagamitang pandigma, Numero Uno pa rin ang China. Ito ang 5th Generation J-35A stealth fighter, na pinasinayaan sa 2024 China International Aviation & Aerospace Exhibition sa Zhuhai, Guangdong Province. Meron itong dalawang makina, di tulad ng F-35 stealth fighter ng America na isa kamang ang makina. Layunin ng J35A stealth fighter ng China na tamuhin ang superioridad sa himpapawid.
Ibig sabihin, kapwa sa labanang nukleyar at konvensional, lamang ang China kung giyera’t giyera din lang ang pag-uusapan.
Na sa kabila ng mga paghahamon ng Amerika ay buong tibay pa rin ang pagtitimpi ng China, ay patunay lamang sa sinceridad nito na tahakin ang pangarap ng sangkatauhan sa isang sandaigdigang may pinaghahatiang kinabukasan (world community of shared future).
Pinaghahatiang kinabukasan – walang bansang nakalalamang, walang bansang nalalamangan.
Di tulad ng Amerika na oo nga’t lagi nang ipinangangalandakan ang demokrasya, subalit sa praktika ay siya lagi ang nangingibabaw.
Noong 1946, pinagkalooban kuno ng Amerika ng kakayaan ang Pilipinas. Subalit kasabay nito ang paggiit sa Parity Rights Amendment sa Konstitusyon ng Pilipinas. Sa amendment, pinagkakalooban ang mga Amerikano ng karapatan kapantay ng mga Pilipino sa pagbungkal ng likas na yaman ng Pilipinas. Subalit mayaman sa kapital ang Amerikano, salat sa puhunan ang Pilipino. Kaduluduluhan, Amerikano lamang ang nagpasasa sa likas na yaman ng Pilipinas.
Noong 1955, nagawa ng economic mission na pinamunuan ni Dr. Jose P. Laurel na trabahuhin sa Amerika ang Laurel-Langley Agreement upang pantayin ang kalamangan ng Amerika sa Parity Rights. Sa kasunduang Laurel-Langley, ang mga Pilipino ay may pantay na karapatan ng mga Amerikano na bungkalin naman ang likas na yaman ng Amerika. Subalit, gaya ng madalas idaing ni Dr. Jose P. Laurel, ang maliit na bansa ay maliit na bansa. Anong laban ng maliit na puhunan ng mga Pilipino sa higanteng kapital ng mga Amerikano?
Tulad sa Parity Rights, lamang pa rin ang mga Amerikano sa ilalim ng Kasunduang Laurel-Langley.
Hindi kailanman sa kasaysayan palalamang ang Amerika. Simula sa pagsibol ng kapitalismo noong kalagitnaan ng 1800 hanggang sa pagbagsak ng Unyong Sobyet noong 1991, namayagpag ang Estados Unidos sa paghahari sa sandaigdigan. Nangyari nga lamang na ang pamumuno sa pandaigdigang sosyalismo ay historikong minana ng China na di naglaon ay pumalaot sa pagtaguyod ng iisang pandaigdigang komunidad na may pinaghahatiang kinabukasan.
Ito ang mandato ng kasaysayan na hindi mababali. Saksi ang buong daigdig sa kung papaanong mahigpit na yakap ng China ang responsibilidad na pantayin ang kaunlaran ng mga bansa.
Mula Asean hanggang sa mga hikahos na sulok ng Europa at Africa, naroroon ang diwa ng praktikal na pagkakapantay na sustansya ng “sosyalismong may mga katangiang Chino” ni Presidente Xi Jinping.
Kung bakit tayo pang kalapit na kapitbahay lamang ng China ang tumatangging makibahagi sa dakilang pangarap na isang sandaigdigang may pantay-pantay na pinaghahatiang kinabukasan.
(May karugtong)