26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Presensya ng Russian submarine sa EEZ ng Pilipinas nakababahala nga  ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

NAMATAAN ang isang Russian submarine sa katubigan sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay “very worrisome.”

Sa panayam kay Pangulong Marcos kamakailan sa Marikina City ng mga mamamahayag, sinabi nitong nakakapag-alala ang presensiya ng submarine sa teritoryo ng Pilipinas.

Iniulat ng Philippine Navy (PN) na namataan nito ang UFA 490 submarine ng Russian Navy may 80 nautical miles sa kanluran ng Occidental Mindoro noong nakaraang Nobyembre 28.

Ang Russian attack submarine UFA 490 ay namonitor 80 nautical miles sa kanluran ng Occidental Mindoro. Larawan nula sa Armed Forces of the Philippines

Isa itong diesel-electric attack vessel na dinesenyo ng Soviet Union noong 1970s na nananatiling isang mahalagang asset ng Russian Navy.

Armado ang 74-metrong submarine na ito ng missile na kayang lumipad ng hanggang 12,000 kilometro, ayon sa Tass news agency ng Russia.


Sa pahayag ng Malakanyang, sinabi nitong nagpadala agad ng aircraft at warship ang Navy upang i-track ang galaw nito.

Hindi umano lumubog ang submarine habang lumalabas ito sa katubigan ng Pilipinas habang minimonitor ng BRP Jose Rizal ng Philippine Navy.

Ayon sa spokesman ng Philippine Navy na si Roy Vincent Trinidad, hindi naman nakababahala ang presensiya ng naturang submarine bagama’t ito ay nakagugulat.

Naghihintay umano ng magandang panahon ang submarine at crew nito bago umalis ng katubigan ng Pilipinas pabalik ng Russia.

- Advertisement -

Sinamahan ito ng Philippine naval forces gamit ang FF150 upang tiyakin na nakasusunod ito sa patakaran habang nasa EEZ ng bansa.

“Philippine naval forces, including the FF-150 (BRP Jose Rizal), escorted and monitored operations to ensure the submarine’s compliance with maritime regulations within the Philippine exclusive economic zone,” ayon sa pahayag ng Philippine Navy.

Ayon kay Assistant Director General Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council (NSC), wala sa territorial waters ng Pilipinas ang submarine. Sa halip, ito ay nasa high seas o sa EEZ ng Pilipinas.

Nangangahulugan na kapag nasa EEZ o high seas ang submarine, dumaraan lamang ito gamit ang karapatan ng ibang bansa na makapaglayag o freedom of navigation.

Kapag nasa high seas, lagpas 200 nautical miles mula sa baseline ng isang bansa, pwede itong daanan ng mga dayuhang bansa ng hindi kinakailangang mag-abiso pa.

Kung ito naman ay nasa EEZ ng Pilipinas, na nangangahulugang lagpas 12 nautical miles at di lalampas ng 200 nautical miles ang layo mula sa dalampasigan,  may freedom of navigation pa rin ito at maaari itong i-monitor ng nakasasakop dito, ayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos).

- Advertisement -

Ayon sa report, namataan ang submarine 80 nautical miles ang layo mula sa Occidental Mindoro na nangangahulugan na ito ay nasa EEZ ng Pilipinas.

Kung nasa EEZ ng isang bansa ang submarine, kailangang nakalitaw ito sa tubig at nakataas ang watawat pagdaan nito, ayon sa Unclos.

Ayon pa sa ulat, inabisuhan naman ng submarine ang Philippine Navy kung saan sinabing patungo na ito sa Vladivostok sa Russia mula sa Malaysia.

Nagtungo ang submarine sa Malaysia kung saan idinaos nila ang “Passex” or passage exercise kasama ang Royal Malaysian Navy sa Kota Kinabalu, Malaysia.

Mayroon namang matagal nang alyansa ang Pilipinas at Malaysia na nagsasagawa ng joint military exercises at parehong kasapi ng Association of Southeast Asian Nation.

Mayroon namang magandang relasyon ang China at Russia pagdating sa ekonomiya at militar. Katunayan, nagsasagawa ang dalawang bansa ng kanilang joint military exercises na tinawag na “Ocean 2024” nitong nakaraang Setyembre.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -