ANG Lungsod ng Pasig mula sa National Capital Region (NCR) ang itinanghal na overall champion ng Batang Pinoy 2024 na isinagawa sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Nobyembre 23-28, 2024.
May kabuoang 285 medalya ang nalikom ng Lungsod ng Pasig sa nasabing palaro kung saan 105 dito ang gintong medalya, 64 ang medalyang pilak at 116 naman ang tansong medalya.
Sa closing ceremony ng Batang Pinoy ay pinarangalan din ng Milo at Philippine Sports Commission (PSC) ang Lungsod ng Pasig bilang “The Biggest Delegation” na may kabuoang 761 delegates.
Samantala, pumangalawa naman ang Baguio City na mayroong 92 gold medals, 72 silver medals at 89 bronze medals; pumangatlo ang Quezon City na may 59 gold medals, 55 silver medals at 53 bronze medals.
Ang host city na Puerto Princesa ay umabot lamang sa Rank 19 na mayroong 13 gold medals, 8 silver medals at 23 bronze medals at ang koponan ng lalawigan ng Palawan ay nasa Rank 84 na mayroong dalawang gintong medalya, apat na medalyang pilak at limang tansong medalya.
Pinarangalan din ng Milo at PSC ang dalawang Most Outstanding Athletes ng Batang Pinoy 2024 sina Hazel May Risma ng Biñan City at Albert Jose Amaro II ng Naga City. Si Risma ay nakakuha ng apat na gintong medalya at dalawang silver medals sa athletics samantalang si Amaro naman ay nakakuha ng apat na gintong medalya sa swimming at nakapag-break ng tatlong record.
Sa mensahe ni PSC Executive Director Paulo Francisco Tatad, sinabi niya na ang mga #BagongBayaningManlalaro ang magpapatuloy sa tagumpay ng Pilipinas sa larangan ng isports.
Pinasalamatan din ni Tatad ang Puerto Princesa City na pinangungunahan ni Mayor Lucilo Bayron sa pagbibigay-entablado nito sa mga “aspiring athletes” at pagiging aktibo sa promotion ng sports tourism. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Mga larawang kuha mula sa Batang Pinoy