27.3 C
Manila
Lunes, Disyembre 2, 2024

Mga Pinoy braille books para sa mga kabataang visually impaired

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG magandang pangyayari ang naganap nitong buwan ng Nobyembe, ang ‘National Children’s Month.’ May mga bagong aklat pambatang inilunsad ang Quezon City Public Library (QCPL), sa pakikipagtulungan ng National Library of the Philippines (NLP). Ito ay ang pagsasalin sa ‘braille’ books’ (kung bigkasin ay ‘breyl’) ng ilan nating aklat pambata para sa mga kababayan nating kabilang sa ‘hirap makakita’ o blind (visually impaired).

Ang mga batang visually impaired habang nagbabasa ng braille books

Ano nga ba ang braille?

Ang braille ay isang pambihirang paraan nang pagsusulat kung saan may mga tuldok-tuldok na nakaumbok (raised dots) upang katawanin ang mga letra at salita. Ginagamit ito ng mga bulag o mahina ang paningin upang makabasa. Sa pamamagitan nang pagsalat sa mga nakaangat na tuldok na ito sa mga pahina ng papel, nababasa nila ang teksto. Kadalasang ang dulo ng hintuturo (index finger) ang ginagamit nila sa pagbabasa. Maaaring isang index finger lang o maaaring sabay na gamitin ang dalawang index finger. Ito ay isang paraan upang kahit ang mga blind o partially sighted na tao ay makabasa rin ng aklat.

Ang halimbawa ng braille book. May mga ‘raised dots’ na sinasalat ang babasa upang maintindihan ang kuwento. Tampok ang librong ‘Maaanghang na mga Salita’ nina Garlitos at Parrocha.

Nakipartner ang Quezon City Public Library at ang NLP sa Room to Read (RtR) na pinangangasiwaan ni Al Santos, ang kasalukuyang direktor nito. Matatandaan na noong 2019, bago nagsimula ang pagkalat ng pandemyang Covid-19, nagkaroon ng proyekto ang Room to Read na maglathala ng 20 aklat pambata na para sa mga beginning readers. Ang mga nasabing aklat ay tumatalakay sa mga ‘difficult topics’ gaya ng kamatayan, kondisyong autism, batang may magulang na nakabilanggo, batang bingi (na nangangailangan ng sign language), at iba pa. Naging kapartner ng Room To Read ang apat na malalaking publishing houses sa Pilipinas: ang Adarna House, OMF Literature-Hiyas, Anvil Publishing, at Lampara Books.

Si Maloi Malibiran-Salumbides, ang awtor ng aklat pambatang ‘Tinola ni Nanay’, kasama ang isang kabataang visually impaired

Ang mga magandang development sa mga librong ito ay ang pagsasalin nito sa anyong braille. Inilunsad ito upang tugunan ang pangangailangan sa mga babasahing laan para sa mga kabataang may kapansanan (pero kahit ang nakatatanda ay siguradong mag-eenjoy din dito). “Bahagi ito ng pagiging inclusive natin. Hindi natin puwedeng kalimutan ang pangangailangan ng mga batang visually impaired,” ayon kay Alistair ‘Troy’ Lacsamana, isa sa opisyal ng Quezon City Public Library na nanguna sa proyektong ito. Kilala rin si Lacsamana bilang si Heneral Basa (ang superhero na kampeon ng pagbabasa).


Ang braille edition ng aklat pambatang ‘Sakto Lang’ na isinulat ni Joshene Bersales at iginuhit ni Domz Agsaway

Inaanyayahan din ni Lacsamana ang lahat na makibahagi sa misyong ito. “Kung may alam kayong indibidwal o organisasyon na alam ninyong posibleng makinabang sa aming collection ng braille books, mangyaring kontakin lamang kami sa QCPL o sa NLP,” dagdag pa niya.

Ang mga aklat na ito ay hindi basta’t salin lamang ng mga orihinal na teksto. Kasama rin dito ang detalyadong paglalarawan ng mga visual elements sa loob ng mga kuwentong tampok.

May braille edition din ang aklat pambata ni Janina Rivera na ‘Kaya ni Mina’

“Sobrang saya na makita na binasa ng isang batang visually impaired ang isa sa mga librong nasalin sa braille at naintindihan niya,” ayon ito kay Beth Parrocha, ilustrador ng aklat pambatang ‘Maaanghang na Salita’ (inilathala ng Anvil Publishing; sinulat ni Rhandee Garlitos). “Sobrang kapal palang lalabas ng maninipis na aklat pambata kapag isinalin ito sa braille.” Gayon ang naging obserbasyon niya.

Ngayon lang siya nagkaroon ng librong naisalin sa braille kung kaya’t ibang saya ang dulot nito sa kanya. “Nagpunta ako sa QCPL para makita mismo ang kopya ng libro ko. Bihira kasing may braille copy ang ating mga lokal na aklat pambata,” dagdag pa ni Parrocha.

- Advertisement -
Ang braille edition ng aklat pambatang ‘Imbisibol’ na sinulat ni Yna Reyes at iginuhit ni Mike Amante

Pagbabahagi naman ni Maloi Malibiran-Salumbides, “Ibang-iba pala ang braille version ng aklat pambata. Bukod sa orihinal na kuwentong isinulat, ang mga drowing sa bawat pahina ng aklat ay inilalarawan.” Ito ang dahilan kung bakit makapal ang aklat na nasa anyong braille. “Namulat ang mata ko sa karanasang ito. Magkaiba man ang paraan nang pagbasa nang nakakakita sa hindi, ito pala ay maaaring pagdugtungin ng iisang kuwento,” dugtong pa ni Salumbides na awtor ng National Children’s Book Award winner na ‘Tinola ni Nanay’ (inilathala ng OMF-Hiyas at iginuhit ni Felix mago Miguel). “Natutuwa ako na mas marami pang bata ang maaabot ng aklat kong ito.”

“Nakakakilig!” Iyan ang bungad ni Joshene Bersales, awtor ng aklat pambatang ‘Sakto Lang’ (inilathala ng OMF-Hiyas at iginuhit ni Domz Agsaway) na naisalin din sa braille. “Hindi lang sa pamamagitan ng oral storytelling matutuklasan ng mga batang may visual impairment yung kuwento ko, mararanasan din nilang basahin ito on their own. Nakikita nila sa kanilang isip ang mga eksena na inilarawan sa aklat,” paliwanag pa niya.

Si Alistair ‘Troy’ Lacsamana ng Quezon City Public Library

Ibinahagi rin ni Bersales na may nakilala siyang college student sa isang booksigning event kamakailan. Nabanggit daw nito na ang kaniyang ginagawang thesis ay tungkol sa ‘tactile books’ para sa mga bata, kasama na nga rito ang ‘braille.’ Ikinuwento niya sa naturang college student na naglabas ang Quezon City Public Library ng braille version ng mga aklat pambatang kabilang sa ahensiyang Room To Read. Ayon sa estudyanteng ito,  napuntahan na raw niya ang nasabing library upang tingnan ang mga kopya.

“Sa aming naging kuwentuhan, mas nakita ko na may pangangailangan talaga sa mga ganitong klase ng libro. Masaya ako kasi’y napabilang ang libro ko sa mga ginawan ng braille edition,” pagwawakas ni Bersales.

Ayon naman kay Yna Reyes, awtor ng aklat pambatang ‘Imbisibol’ na naisalin na sa maraming wika ng daigdig, “nakatutuwang mababasa na ng mga visually impaired ang libro kong Imbisibol sa pamamagitan ng braille. Umaasa ako na marami pang kuwentong pambata ang maisasalin sa braille.” Ang Imbisibol ay inilathala ng OMF Lit-Hiyas at iginuhit ni Mike Amante.

Kuwento ni Janina Rivera, awtor ng aklat pambatang ‘Kaya ni Mina,’ (inilathala ng OMF Lit-Hiyas at iginuhit ni Cy Vendivil, “may pagkakataon na ang mga batang visually impaired na ma-enjoy ang mga aklat na kinagigiliwan ng mga karaniwang bata. It becomes empowering for them to ‘see’ the colorful world of our stories through their mind’s eye.” Ang aklat pambatang ‘Kaya ni Mina’ ay may bulag na batang babae bilang pangunahing tauhan.

- Advertisement -
May ginawa ring braille edition ang aklat na ‘What Kids Should Know About Quezon City’ 

Natatandaan ko na nahilingan din ako ng Department of Education (DepEd) ng isang kuwentong pambata na isinalin sa braille ilang taon na ang nakararaan. Ito ay para sa kanilang pambansang paligsahan sa malikhaing pagkukuwento. Nais ng DepEd na maging inclusive ang approach nila kung kaya’t inanyayahang maging contestants ang mga batang visually impaired.

Nang araw ng kumpetisyon, nandoon ako bilang hurado. Nasaksihan ko ang reaksiyon ng mga batang visually impaired sa aking kuwento. Habang sinasalat nila ang ‘braille version’ ng aking kuwento, nakikita kong nagbabago ang ekspresyon ng mukha nila. Minsa’y natatawa sila o waring kinikilig. Doon ko napatunayan ang bisa ng braille. Sila mismo ang tumutuklas sa kuwento sa pamamagitan ng pagsalat sa mga tuldok-tuldok na nakaumbok (o raised dots) sa mga pahina ng kuwentong ginawang contest piece. Nakamamangha!

Nang matapos ang kumpetisyon, hiningi ko ang isang kopya ng braille version ng aking kuwento. Sinalat-salat ko rin ito. Sinubukan kong daanan ng aking mga daliri ang mga naturang nakaumbok na tuldok. At labis akong namangha sa kung paanong may hatid palang kuwento ang kalipunan ng mga nakaumbok na tuldok.

Salamat sa pagkakataong iniaalay ng braille sa mga hirap makakita upang maranasan din nilang basahin ang mga pambihirang kuwento’t impormasyon na nakalimbag sa aklat.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -