32 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

One Meralco Foundation naghatid ng liwanag sa mga paaralan sa Antique

- Advertisement -
- Advertisement -

Naghatid ng liwanag ang One Meralco Foundation (OMF) kamakailan sa isang pampublikong paaralan sa isla ng Liwagao sa bayan ng Caluya sa Antique upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral doon na gumamit ng mga kagamitang digital na makatutulong sa kanilang edukasyon.

Nagbigay ang OMF ng 1-kilowatt peak (kWp) na solar photovoltaic (PV) system sa Lim Elementary School para magkaroon ng ilaw at bentilasyon ang nasabing paaralan. Bukod pa rito, maaari na rin gumamit ng mga printer, laptop, at telebisyon ang mga guro at mag-aaral para sa kanilang mga klase.

Pinangunahan ng One Meralco Foundation (OMF) ang paghahatid ng liwanag sa Lim Elementary School sa isla ng Liwagao sa Antique. Nagbigay ang OMF ng 1-kilowatt peak (kWp) solar photovoltaic (PV) system para sa ilaw at bentilasyon ng paaralan.

Higit sa 100 na mag-aaral ang pumapasok sa nasabing paaralan na pinangangasiwaan ng pitong guro. Mararating lamang ito sa pamamagitan ng apat na oras na pamamangka mula sa sentro ng Antique.

Ayon kay Jeffrey Tarayao, pangulo ng OMF, ang pamumuhunan sa edukasyon ng mga Pilipinong mag-aaral ay makatutulong hindi lamang sa kanilang pansariling pag-unlad kundi pati na rin sa pagpapabuti ng kani-kanilang mga komunidad.

Malaking tulong aniya ang kuryente sa edukasyon ng mga bata dahil mas marami silang matututunan sa tulong ng mga multimedia equipment.


Ayon naman kay Director Marge Ballesteros ng Department of Education (DepEd) External Partnerships Service, ang suporta ng OMF ay patunay sa malawakan at pangmatagalang benepisyo na hatid ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa mga mag-aaral na Pilipino.

Ikinagalak naman ni Shirley Cario, punong tagapangasiwa ng Lim Elementary School, ang tulong na hatid ng OMF dahil mas naging aktibo ang kanilang mga estudyante na lumahok sa klase.

Bago umano dumating ang tulong ng OMF, nahihirapan ang mga mag-aaral ng Lim Elementary School na unawain ang kanilang mga leksyon dahil limitado ang mga kagamitan na maaari nilang gamitin.  Subalit dahil mayroon nang mga audiovisual equipment na nagagamit sa kasalukuyan, masayang ibinahagi ni Cario na bumuti ang pagtuturo sa mga mag-aaral.

Tiniyak naman ni Caluya Vice Mayor Belfe Duran na sasagutin ng lokal na pamahalaan ang pagpapanatili sa solar PV system ng paaralan. Dagdag pa niya, prayoridad ng kanilang bayan ang i-angat pa ang kalidad ng edukasyon sa mga paaralan.

- Advertisement -

Bukod sa Lim Elementary School, naghatid din ng liwanag ang OMF sa Sibolo Elementary School na matatagpuan naman sa isla ng Sibolo sa Antique. Nagbigay ang OMF ng 1-kWp na portable solar PV system para magkaroon ng ilaw at bentilasyon sa nasabing paaralan.

Nasa higit 1,200 na mag-aaral mula sa pitong paaralan sa Antique ang natulungan ng school electrification program ng OMF mula nang umabot ito sa naturang probinsya noong 2015.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng community electrification program ng OMF. Sakop din ng programa ang mga kabahayan sa mga liblib na lugar sa bansa, mga rural health center, mga barangay health station, at pati na rin ang mga programang pang-agrikultura at pangkabuhayan.

Kaisa ng pamahalaan ang Meralco sa pagsusulong ng pag-unlad sa pamamagitan ng edukasyon upang mas matulungan pa ang mga nangangailangang komunidad sa bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -