HINIMOK ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang pagsusuri sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 2 ukol sa Freedom of Information (FOI) upang matugunan ang mga hamon sa pag-access ng impormasyon mula sa gobyerno at sa tamang pagpaparating ng mahahalagang isyu sa publiko.
Sa isang pagpupulong kasama ang mga station manager ng Radio Mindanao Network (RMN) nitong November 27, 2024, sinabi ni Cayetano na maghahain siya ng resolusyon para pabutihin ang EO ukol sa FOI.
Ito ay kasunod ng obserbasyon ng iilang miyembro ng media na kahit naipasa na ang FOI, mahirap pa rin magpataw ng transparency sa mga tanggapan ng gobyerno.
Bilang tugon, binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangang repasuhin ang EO ukol sa FOI. “I’ll file a resolution,” wika niya. “Since Ate Pia (Senator Pia Cayetano) is the chairperson of the Senate Blue Ribbon Committee, let’s look into the implementation of the law.”
Ang Senate Blue Ribbon Committee ang responsable sa pagsisiyasat ng pananagutan sa pamahalaan at pagtiyak na maayos na naipatutupad ang mga batas at executive order.
Wika ni Cayetano, ang pagsusuri sa FOI EO sa ilalim ng komiteng ito ay makakatulong sa layunin nitong itaguyod ang transparency, maayos na pamamahala, at tiwala ng publiko.
Aminado rin ang senador na bagama’t hakbang pasulong ang FOI EO na nilagdaan noong panahon ng administrasyong Duterte, marami pa ring kulang sa implementasyon nito.
Binanggit din niya ang pagbabago sa pamamaraan ng pamamahayag na nakaapekto sa pagsisikap na gawing mas transparent ang gobyerno.
“Dati pag may scoop ka, you are rewarded. Ngayon, kahit may scoop ka, kung hindi napansin ng tao [bale wala rin]. You have to lay the basis one brick at a time,” sabi niya.
Dagdag pa niya, ang pag-usbong ng mga platform tulad ng TikTok at ang mas maiksing attention span ng mga tao ngayon ay nagpapahirap sa pagpapaliwanag ng mga isyu.
“Nowadays, ang attention span kagaya sa TikTok, fifteen seconds, thirty seconds. Right now it’s all elevator pitch,” sabi niya.
Bilang tagapagtaguyod ng good governance at ang laban sa katiwalian, matagal nang sinusuportahan ni Cayetano ang FOI Bill.
Bagama’t naipasa ito ng Senado noong 14th at 15th Congress, hindi ito umusad sa House of Representatives.
Naniniwala pa rin si Cayetano na ang isang epektibong sistema ng FOI ay magdudulot ng mas maayos at responsable na pamahalaan.
Pagbabalik sa values
Sa gitna ng pagkakawatak-watak sa pulitika, binigyang diin ni Cayetano na mas mahalaga ang pagpapanumbalik ng tamang moralidad kaysa sa mga repormang pampulitika.
Nanawagan din siya ng national concensus sa moral standards bilang pundasyon ng mga reporma.
“For me, it goes back to values talaga. Dati, it was absolute, pero relative na ang values and morals ngayon and this affects our identity as politicians, as a government, and as Filipinos,” sabi niya.