LIMANG paaralan sa lalawigan ng Marinduque ang nanguna sa ipinatupad ng Department of Education (DepEd) Marinduque Schools Division Office sa programang Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA).
Layon ng programa na magsuri sa kakayahan at kaalaman ng isang mag-aaral na nakatapos sa ikatlong baitang at malaman kung natugunan ba ang tinatawag na “learning standards.”
Sa ginanap na unang DepEd Division Stakeholders’ Convergence, sinabi ni John Chavez, chief education supervisor ng DepEd-Marinduque, ang ELLNA ay isang pangunahing yugto ng pagtatasa upang matukoy kung ang mga mag-aaral ay nakakatugon sa mga pamantayan sa pag-aaral sa unang bahagi ng wika, literacy at numeracy.
“ELLNA is administered at the end of Grade 3 as a key stage assessment to determine if learners meet the learning standards in early language, literacy and numeracy,” saad ni Chavez.
Ang mga paaralan na nanguna sa nasabing programa ay ang Tapian Elementary School na may bilang na 92.64 Mean Percentage Score (MPS), Buyabod Elementary School 84.43 MPS at Santa Cruz South Central School na may 84.07 MPS. Ang Malibago Elementary School naman ay nakapagambag ng 82.03 MPS at ang Lipata Elementary School ay nakapagtala ng 80.68 MPS.
Sa datos na naitala ng DepEd sa rehiyon noong School Year 2021-2022, ang Marinduque ang siyang nangunguna sa MPS pag dating sa English na may 71.31, Filipino 64.40 at Numeracy na may 69.27 para sa kabuuang 73.46 percentage. Sumunod naman ang Romblon 64.66, Oriental Mindoro na may percentage na 58.59, Puerto Princesa City 58.26, Occidental Mindoro na may kabuuang 57.72, Palawan na may 49.50, at Calapan City na may 48.42.
Sa kabuuan, ang Mimaropa ay nakapagtala ng 57.99 sa larangan ng English 57.99, Filipino 64.49 at Numeracy 48.47 para sa mabuuang 58.92 MPS na pinangunahan ang National Capital region na may overall MPS na 54.57. (DN/PIA MIMAROPA-Marinduque)