MARAMI sa ating mga kababayan, lalo na ang mga estudyante, ang nagtatanong kung may makukuha ba tayong benepisyo sa pag-aaral ng ekonomiks. Sa mga mag-aaral at ordinaryong mamamayan, masyadong teoretikal ang diwa ng ekonomiks at mahirap iugnay ito sa araw araw na pamumuhay.
Ngunit kapag nararanasan nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hirap sa paghahanap ng trabaho at kakulangan ng kita upang tustusan ang kanilang pangangailangan humahanap sila ng paliwanag sa pagsusuring ekonomiko upang maunawaan ang mga praktikal na problema ng buhay. Dito pumapasok ang saysay ng pag-aaral ng ekonomiks
Ang ekonomiks ay isang sangay ng agham panlipunan na tutungkol sa alokasyon ng yaman. Samakatuwid, ang ekonomiks ay tungkol sa yaman–ang paglikha ng yaman at paggamit ng yaman. Kinakailangang mabisa ang alokasyon o paggamit ng yaman dahil ang mga yaman ay kapos kung ihahambing sa mga dumaraming pangangailangan at kagustuhan ng mga tao.
Samakatuwid, ang kakapusan ng yaman ay bunga ng pagiging limitado nito at maraming magkakatunggaling gamit dito. Bunga nito, ang kakapusan ng mga yaman ang pinakaugat na dahilan sa mga problemang ekonomiko na bumabalot sa ating buhay at sa ating lipunan.
Kung ang unang salik ng kakapusan ay nakaugat sa limitadong yaman bakit ayaw nating dagdagan ang mga yaman upang masagot ang problema ng kakapusan? Madaling sabihing dagdagan ngunit mahirap gawin dahil may isasakripisyo tayo upang maisagawa ito.
Halimbawa, ang mga sanay na manggagawa na isang mahalagang yaman ng ekonomiya ay nangangailangan ng pagsasakripisyo ng mahabang panahon, (halos 20 taon) at maraming yaman upang papag-aralin at hubugin ang isang sanay na manggagawa.
Samantala, ang pagtatayo ng gusali, tulay at iba pang imprakstruktura ay umaabot ng 2 hanggang 5 taon bago ito maipatupad. Nangangailangan din ito ng napakalaking pondo upang tustusan ang gastos sa pagpapagawa nito. Ang mga pondong nabanggit ay mga yamang dapat isakripisyo mula sa ibang gawain upang ilaan sa pagpapalawak ng ating imprastruktura.
Samakatuwid, maisasagawa lamang ang pagdagdag ng yaman kung handa tayong isakripisyo ang ibang bagay na mahalaga rin sa atin upang magbigay daan sa mga yamang magagamit sa pagpapalawak ng yaman.
Kung ang ikawalang salik ng kakapusan ay nakabatay sa dumaraming pangangailangan at kagustuhan ng tao, bakit ayaw nating timpiin o kontrolin ang mga kagustuhang ito upang tugunan ang problema ng kakapusan? Madaling sabihin ito ngunit mahirap gawin dahil may isasakripisyo pa rin tayo sa pagtitimpi at pagkokontrol.
Halimbawa, ang demand sa sibuyas ay maaaring bawasan sa pamamagitan ng pagpapaliban sa paggamit nito sa ating lutuin. Dahil dito, kailangan nating isakripisyo ang pagkain ng sisig na walang sibuyas, sinigang na walang sibuyas at bistek na walang sibuyas. Sa mga taong kinasanayan na ang sibuyas sa kanilang pagkain mahirap ang pagkokontrol sa paggamit ng sibuyas.
Sa harap ng problema ng kakapusan, ang pagsasakripisyo o pagpapaliban ng ibang yaman at kagustuhan ay kinakailangan upang tugunan ang problema ng kakapusan. Kung hindi tayo handang magsakripisyo ng mga yaman sa ibang gawain upang ilaan sa pagdaragdag ng ating yaman o handang magsakripisyo ng ating mga kagustuhan sa pamamagitan ng pagbabawas ng ating mga kagustuhan, lalo lamang titindi ang problema ng kakapusan at magpapakita ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Samantata, ang pagtaas ng presyo ay tutugon sa problema ng kakapusan. Halimbawa, ang pagtaas ng presyo ng sibuyas ay magpapahupa sa problema ng kakapusan na nagpapakita sa kakulangan ng sibuyas. Ang pagtaas ng presyo ng sibuyas ay mag-uudyok sa mga suplayer na dagdagan ang suplay ng sibuyas. Handa na silang isakripisyo ang ibang yaman sa ibang gawain upang ilaan sa pagpapalawak ng suplay ng sibuyas. Sa kabilang dako, ang pagtaas ng presyo ng sibuyas ay mag-uudyok sa mga tao na kontrolin ang kanilang kagustuhan sa sibuyas. Handa na silang magsakripisyo o ipagpaliban ang pagkonsumo ng sibuyas bunga ng mataas na presyo nito.
Wika nga, “there is no free lunch” dahil lahat ng bagay ay may ipinagpapaliban o isinasakripisyo. Ang pagtaas ng presyo ng isang bagay ay nagiging instrumento upang magsakripisyo ang mga suplayer at mamimili sa bilihan.