KUMBAGA sa isang magandang palabas, solong-solo ni Bise Presidente Sara Duterte ang entablado. Walang patumangga sa kanyang pagmumura, talaga namang pinagpiyestahan niya sina House Speaker Martin Romualdez, First Lady Liza Marcos at Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng “Pu*******ninyong lahat!” bilang pagpapaimbulog sa kanyang aria: “May kinausap na akong tao. Sinabi ko sa kanya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta at si Martin Romualdez. No joke… No joke.”
Ang yugto ng pamamayagpag ng mabangis na pananalakay ng Pangalawang Pangulo sa mga Marcos (si Speaker Romualdez ay pinsan ni Bongbong) ay kinakitaan ng di pangkaraniwang pananahimik ng Pangulo.
Iisipin mo tuloy, umaarangkada si Sara, bahag ba ang buntot ni Bongbong?
Ang hindi kaagad nahayag ay ang agarang paghigpit sa protocol ng pagpasok ng mga tao, kagamitan at sasakyan sa palasyo. SOP iyun sa mga panahong may agarang panganib na kinakaharap ang Pangulo.
Sa katunayan, ayon na rin sa kinalaunang pag-amin ng Pangulo, agad niyang itinuring na agarang panganib ang pagbabanta ng Pangalawang Pangulo na ibinilin na sa isang mamamatay-tao ang pagpaslang sa kanya.
Makaraan lamang ang mga 48 oras bago nagpalathala ng kasagutan ang Malakanyang. Sinabi ni Pangulo Marcos na ang mga pahayag ni Sara ay nakababahala.
“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas,” wika ni Marcos.
“‘Yan ay aking papalagan,” dugtong pa niya.
At Malakanyang naman ang rumatsada na ng atake sa Bise Presidente.
Umaksyon ang Kagawaran ng Katarungan upang busisiin nang husto ang posibleng kriminal na katangian ng mga pananakot ng Bise Presidente.
Pinakilos ang NBI sa pagtukoy sa kung sino ang assassin na kinontrata ni Sara.
Sa bahagi ni Kalihim Eduardo Ano ng National Security Council, sinabi niya na ang anumang banta sa buhay ng isang presidente ay banta sa seguridad ng bansa. Dito na pumasok ang palusot ni Sara.
Kumbaga sa isang opera, kung kailan ka pa papaimbulog na sa mataas na nota, doon ka pa pumiyok.
Wika ni Sara, ang kanyang pahayag ay inilabas sa dapat nitong kalagyan (Tagalog ng English na “taken out of context”).
Bilang paliwanag, tinukoy niya ang minsang patutsada niya na huhukayin ang mga labi ng ama ni Bongbong at ihahagis sa West Philippine Sea. Binanggit niya rin ang pabirong salitang pupugutan niya ng ulo si Bongbong dahil sa isang kapalpakang ginawa, kung anuman iyun.
Subalit sa bantang papatayin si Bongbong, pinakadiin-diinan ni Sara: “No joke… No joke.”
Hindi siya nagbibiro… Hindi nagbibiro.
Anong context pa ang pinagsasabi ni VP?
Ayon kay Sara, ang pagpatay sa mga taong binanggit niya (BBM, First Lady Liza at Speaker Romualdez) ay mangyayari lamang sa panahon na patay na siya. Abogado ang Pangalawang Pangulo at alam niyang paikut-ikutin ang batas ayon sa hinihingi ng kanyang kapritso. Sa pagsangkalan niya sa konteksto sa kasong ito, papaano nga naman siya mapananagot ngayong buhay pa siya sa krimen na mangyayari lamang kung siya ay patay na!
Bravo!
Bravo?
Sa totoo lang, malaking piyok.
Tanggapin nang ang konteksto nga ng pagpatay kina BBM, Liza at Speaker Romualdez ay sa panahong patay na si Sara, subalit ang pagplano sa pagpatay ay sa panahon na buhay pa siya.
Buhay ang plano. Buhay ang nagplano.
Si Sara ang nagplano.
Si Sara ang mastermind!
Sa batas, kapwa ang mga nagsagawa ng krimen at ang mastermind ay maysala.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan,” pahayag ni Bongbong.
Matamang pinag-aaralan ng Kagawaran ng Katarungan ang paglapat ng konsepto ng “mastermind” sa kaso ni Sara.
Ibig sabihin, ngayon pa lang ay maaari nang kasuhan si Sara sa bantang pagpatay sa Unang Mag-asawa at Ispiker ng Kamara.
“Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan. Kaya hindi ko hahayaang mag tagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika,” sabi ni Marcos.
Sinusulat ang kolum na ito, nagsimula nang mag-ipon sa Edsa Shrine ang mga supporter ni Duterte habang laman ng mga balita ang paggunita ni Sara sa pagpaslang diumano kay Ninoy Aquino na humantong sa People Power Revolt ng 1986.
Noon pang 2010 ay naisulat ko na ang isang sanaysay tungkol sa paksang ito, pinamagatang “Knowing Ninoy”. Inilahad sa sulatin ang aking pananaw na ang pagkamatay ni Ninoy ay isang “good death” na sa salitang Griyego ay “euthanasia” o sariling pagkitil sa buhay upang tamuhin ang isang dakilang hangarin. Sa wakas ng sanaysay, tinukoy ko ang isang documentary ni Tina Monzon Palma na roon ay ikinumpara niya ang tunggalian sa pulitika nina Presidente Ferdinand E. Marcos at Ninoy Aquino sa isang chess game na sa bawat move ay talo si Ninoy. Sa isang move lamang nagwagi si Ninoy, ang mamatay. Wika ng komentarista sa pagwawakas ng dokumentaryo: “In the end, Ninoy did the unthinkable. He sacrificed the King.”
Tulad ng tinungo ng kasaysayan, ang kamatayan ni Ninoy ang nagluklok sa trono sa Queen – si Cory.
Masyadong mahaba ang sanaysay para masakop ng isang maikling kolum. Maaaring anyayahan ang mga mambabasa na dalawin ang aking blog KAMAO (kamaopunch.blogspot.com) at hanapin sa archives ang “Knowing Ninoy”.
Di ko maiwasang sariwain sa okasyon na ito ang pananaw na aking nabuo sa kinahantungan ng pagpapakamatay ni Ninoy. Bumagsak si Marcos at naupo si Cory, nagkawindang-windang ang kabuhayan ng bansa upang mula sa isang Tiger Economy sa Asia na pangalawa na sa Japan ay sa ngayon kabilang na sa mga nasa silong na lamang ng bansang Asean.
At ngayong seryosong ibig tahakin ni Bongbong ang pamanang pamamahala ng ama, heto ka’t ito si Sara na ibig gayahin ang pagpapakamatay ni Ninoy upang makamit ang dakilang ambisyong maging pangulo. Ayon sa isang balita kamakailan lamang, hindi raw naniniwala si Digong na tatakbong presidente si Sara sa 2028.