32.5 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 27, 2024

Mga dahilan kung bakit bumaba ang NG fiscal deficit sa unang tatlong quarters ng 2024

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BUMABA ang National Government (NG) fiscal deficit sa unang tatlong quarters ng 2024. Ito ba ay dahil sa malakas na koleksyon o mabagal na paggasta?

Dumausdos ang deficit ng National Government (NG) sa P970.2 bilyon noong Setyembre 2024, 1.3% na mas mababa kaysa noong kaparehong period noong 2023.  Mula sa P983.5 milyon, bumulusok ito sa P970.2 bilyon. (Table 1) Kahit bahagdan ng deficit sa GDP ang titingnan, bumaba ang deficit mula 5.7% sa 5.1%.  Kumpara sa program, mas maliit ang deficit ng P96.9 bilyon o 0.5% ng GDP. (Table 2)

Lumukso ang revenues ng NG ng 16.0% kumpara noong nakaraang taon, mas mataas kaysa sa 9.2% na paglago ng nominal GDP. Dahilan nito, umakyat ang revenue effort sa 17.5% mula sa 16.4% noong nakaraang taon. Ang ibig sabihin nito, sa pangkalahatan, mas mataas ang collection efficiency ng mga revenue collection agencies kumpara sa nakaraang taon. Ang koleksyon ng BIR ay lumago ng 12.7%; ang BOC,  ng 4.0%; at ang other offices, ng 39.0%. Kumpara sa bahagdan ng GDP, mas mataas ang tax effort ngayong taon na 14.9% kaysa sa 14.7% noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga other offices ay ang Land Transportation Office (LTO) na nangongolekta ng  motor vehicle taxes, at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyang tagakolekta ng  forest products taxes.

Ang pinakamalaking paglago ay naitala ng  non-tax revenues na lumukso ng 62.3%. Karamihan dito ay mga koleksyon ng Bureau of the Treasury (BTR) mula sa mga dividends at shares sa profits  ng government corporations; proceeds ng pagbebenta ng mga ari-arian ng NG;  kabayaran ng mga concessionaires ng public-private partnership projects (PPP); at interes at prinsipal ng mga pautang ng NG. Kasama rin dito ang fees and charges na kinokolekta ng mga ahensiya sa mga services na ipinagkakaloob sa mga kliente nila, at ang kita sa mga royalties mula sa national wealth gaya ng Malampaya oil field, mga minahan,  at iba pa.


Nahigitan ng revenue collection offices ang revenue target ng P119.4 bilyon.  Tumalon ang revenue effort sa 17.1% ng GDP, mas mataas kaysa sa program na 16.8% ng GDP. Nabigong  abutin ng tax revenues ang program na P2,834.2 trilyon. Nagkulang ng P22.4 bilyon ang koleksyon ng tax revenues. Ang BIR ay may shortfall na P20.8 bilyon samantalang mas maliit naman sa BOC na may shortfall P3.2 bilyon. Sa kabilang dako, naungusan ng other offices sa kanilang target ng P1.6 bilyon.

Ang unang rason ng shortfall ay ang mas mababa kaysa sa target na GDP growth. Ang actual na GDP growth ay 5.8%, mas mababa kaysa sa 6.0% na lower-end target. Dahil dito, nawalan ng koleksyon ang revenue collection agencies ng P37.7 bilyon sa loob ng siyam na buwan. Ang ikalawa ay ang pagbaba ng tariff rate ng mga imported goods gaya ng rice na kung saan nawalan ng BOC ng P6.1 bilyon at ang pagpalawak ng zero duties na kasama sa Executive Order No.  12 para mabawasan ang inflation ngunit nawalan ang BOC ng koleksyon na P2.9 bilyon.

Sa kabilang dako, tumaas ng 11.6% ang expenditures, mas mataas kaysa sa nominal GDP growth na 9.2%. Ito ang dahilan upang rumatsada ang expenditure effort sa 22.6% kumpara sa 22.1% noong nakaraang taon. Ang ibig sabihin nito, mas efficient din ang paggasta. Masigla ang paglago ng capital outlays na 14.2%; ang interest expense na 26.8% na pinalobo ng mataas na interest rates; allotments to LGUs na 8.8%; at other expenditures na 7.6%.

Nalampasan ng expenditures ang program na P4,217.2 bilyon dahil sa paglago ng capital outlays na nahigitan ang target ng P67.3 bilyon. Nakatipid naman ang other expenses ng P21.3 bilyon at ng interest expense ng P0.1 bilyon.

- Advertisement -

Dahil sa bahagyang pagbaba ng deficit, bumaba rin nang malakihan ang NG debt-GDP ratio mula sa 60.2% noong 30 Setyembre 2023 sa 53.7% noong 30 Setyembre 2024. Nalampasan nito ang medium-term fiscal framework sa Philippine Development Plan 2022-2028 na kung saan pabababain sana ang debt ratio sa 56% sa 2028.

Ngunit maari pa ring gamitin ng pamahalaan ang excess resources para sa additional na capital outlays at iba pang priorities na nakabadyet na ngunit hindi pa nasisimulan.

Table 1. FISCAL PERFORMANCE JANUARY-SEPTEMBER JANUARY-SEPTEMBER CHANGE
(in P Billion) 2023 2024 2023 vs 2022
% Growth
TOTAL REVENUES 2,837.8 3,292.9 16.0%
   % of GDP 16.4% 17.5%  
TAX REVENUES 2,541.3 2,811.8 10.6%
    % of GDP 14.7% 14.9%  
     BIR 1,858.0 2,094.6 12.7%
     BOC 664.2 690.7 4.0%
     OTHER OFFICES 19.1 26.5 39.0%
NON-TAX REVENUES 296.5 481.1 62.3%
EXPENDITURES 3,821.3 4,263.1 11.6%
    % of GDP 22.1% 22.6%  
    Capital outlays 832.8 951.0 14.2%
    Allotments to LGUs 694.6 755.4 8.8%
    Interest expense 460.1 583.3 26.8%
    Others 1,833.8 1,973.4 7.6%
NG BALANCE (983.5) (970.2) -1.3%
    % of GDP -5.7% -5.1%  
NG DEBT OUTSTANDING   14,268.67   13,908.67 -2.5%
    % of GDP* 60.2% 53.7%  
Nominal GDP 17,268.5 18,859.6 9.2%
Source: Bureau of the Treasury
*Denominator sa debt outstanding ay September 2023-Sep 2024 GDP

 

 

Table 2. ASSESSMENT OF FISCAL PERFORMANCE JANUARY-SEPTEMBER JANUARY-SEPTEMBER Excess/
(in P Billion) Program Actual (Shortfall)
TOTAL REVENUES 3,173.5 3,292.9 119.4
   % of GDP 16.8% 17.1% 0.3%
TAX REVENUES 2,834.2 2,811.8 (22.4)
    % of GDP 15.0% 14.9% -0.1%
     BIR 2,115.4 2,094.6 (20.8)
     BOC 693.9 690.7 (3.2)
     OTHER OFFICES          24.9          26.5 1.6
NON-TAX REVENUES 315.9 481.1 165.2
EXPENDITURES 4,217.2 4,263.1 45.9
    % of GDP 22.4% 22.6% 0.2%
    Capital outlays 883.6 951.0 67.3
    Allotments to LGUs 755.4 755.4        0.0
    Interest expense 583.4 583.3 (0.1)
    Others 1,994.8 1,973.4 (21.3)
NG BALANCE (1,067.1) (970.2) 96.9
    % of GDP -5.7% -5.1% 0.5%
Nominal GDP   18,854.3   18,859.6
Source: Department of Finance

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -