30.3 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Palabas ni Sara sumingaw

- Advertisement -
- Advertisement -
MAGANDANG drama ang ipinakita ng video na kumalat sa internet sa pagbabalita ng paglilipat ni Atty. Zuleika Lopez mula sa St. Luke Hospital tungo sa Veterans Memorial Center sa Quezon City.
Kumbaga sa pelikula, isang napakamadamdaming eksena na sa mga manonood ay hindi malalabanan ang mapaiyak sa awa.
Mula sa Batasan, sa isa  pa ring madramang eksena, kinailangang makipagtalo ni Bise Presidente Sara Duterte sa mga gwardiya ng kongreso na papasukin ang ambulansya na maghahatid sa Chief of Staff ng Office of the Vice President sa St. Luke mula sa pagkakadetine dahil sa house arrest sa Batasan. Napatawan si Lopez ng House Appropriation Committee  ng contempt dahil sa diumano’y “obstruction” ng gawain ng komite at siya ay nahatulan na idetine sa correctional ng mga babae sa Mandaluyong.
Maliwanag, ang agarang dapat pigilan ng attorney  ay ang makulong sa correctional. Hindi siya isang nahatulan ng krimen para ikulong sa piitan ng mga kriminal.
Ngayon, may kung anong karamdaman si Atty. Lopez na bigla siyang sinumpong. Kaya tumawag ng ambulansya si Bise Presidente Sara upang maghatid sa abogado sa ospital. Dahil ang order ng komite ay detention sa kanya sa kongreso, atubili ang mga gwardiya na papasukin ang ambulansya, lalo pa kung bakit isang katerbang myembro ng media ang naroroon, kabilang ang mga cameraman.
Sabi nga sa Ingles, “A spectacular event is in the making.“
Isang nakakagimbal na pangyayari ang magaganap.
Pagkaraan ng maraming ika nga ay balitaktakan,  napapayag din ng Bise Presidente ang mga gwardiya ng Batasan na papasukin ang ambulansya,  pwera ang mga media.
At si Atty. Lopez ay naisugod sa St. Luke.
Mangyari pa, kailangang tiyakin ng Kongreso na manatili sa kustodiya ng gobyerno si Lopez. Dagsaan sa St. Luke ang mga pulis, sa pangunguna mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) General Nicolas Torre III, dala ang order ng Batasan na ilipat si Lopez sa Veterans Memorial Center, na siyang pinagpapagamutan ng mga preso ng pamahalaan.
At ito na nga ang drama. Sa pag-aakala na siya ay dadalhin na sa correctional, yakap nang mahigpit si Lopez kay VP Sara, hagulhol sa iyak na subsob ang mukha sa katawan ng Bise Presidente, na nakikiusap na huwag siyang ibibigay sa mga pulis.
Aaminin ko na sa napakaiyakin kong tao, durog ang aking puso sa eksena. Damang-dama mo ang malasakit sa lumalabas na biktima ng inhustisya ng pamahalaan.
Kaalinsabay ng galit na mga pagbubunyag ni VP Sara kay Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangyayaring ito kung kaya feel na feel mo, kumbaga, na si Atty. Lopez ay biktima nga ng ganting-banat ng gobyernong Bongbong.
Sa kalakhan ng sambayanan, ang ganung sitwasyon ay totoo namang bukod sa nakakadurog ng puso ay nakakapagpapasulak pa ng pagkamuhi sa gumawa ng pang-aapi, si Bongbong.
Sa kadulu-duluhan, ang nagaganap na drama ay di maiiwasan na humantong sa pagsasademonyo kay Bongbong.
Pansinin na wala nang pakundangan si VP Sara sa pagtungayaw ng mga pagbubunyag sa diumano’y mga baho ni Bongbong, kabilang na ang pakana na ipapatay siya kakutsaba sina First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Lantarang pagpapahayag ni VP Sara sa publiko: May binilinan na siyang tao na kung siya ay mamatay, patayin sina Bongbong, Liza at Martin.
Itinuring ni Bongbong na hindi nagbibiro si Sara, at naglabas siya ng kautusan sa Presidential Security Group (PSG) na gumawa ng kaukulang hakbang upang mapangalagaan ang kaligtasan ng presidente.
Ganun kagrabe ang nasasangkot na alitan sa dramang nagaganap sa St. Luke. At ganun kalakas ang simpatiya ng sinumang nanonood sa paghagulhol ni Atty. Lopez, ayaw kumawala sa mahigpit na pagkapit sa mga kamay ni VP Sara, paulit-ulit na nakikiusap na huwag siyang iiwan.
Ayon sa ilang balita, natatakot ang abogada na dadalhin siya ng mga pulis sa correctional.
At doon nagwakas ang video. Bitin ang drama, kumbaga.
Nang sa kakakutinting ko sa Tiktok, nabungaran ko ang isa pa ring video na kausap ni VP Sara si General Torre.
“Pwedeng humingi ng camera?” tanong ng Vice President.
Sa di kalayuan, nakamasid si Senador Bato de la Rosa.
Dating Commander si Torre ng Davao Police kung kaya maaring magkaibigan ang dalawa at ganun ka casual na humingi si VP at agad namang nagbigay ang heneral.
Isang boses ang narinig sa video: “O camera daw. Sige, pasok na.” At medyo papogi pa si General Torre sa pagtingin sa camera na pumapasok. Si Bato, humakbang patabi upang paraanin ang camera na pumasok. Maririnig ang boses ng isang babae na inilapat sa pagpasok ng panibagong camera na siya nang sumalo sa presentasyon ng eksena; “Lights, camera, aksyon!”
At si Atty. Lopez, na nakahiga sa isang stretcher at casual na kausap ni VP Sara ay biglang yumakap sa Bise Presidente, kumapit nang mahigpit sa mga kamay nito, at subsob ang ulo sa tiyan ni VP, humagulhol ng iyak, nagmamakaawang huwag siyang iwan.
Nahampas ko ang noo ko sa buwisit.
“Anak ng pu**! Sa tanda ko nang ito na direktor ng pelikula, sukat mapaglalangan din ako.
Iyak pa mandin ako, shooting pala!”
Larawan kuha ni John Orven Verdote ng The Manila Times
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -