26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

P206-M utang ng 2,487 magsasakang Kapampangan hindi na pababayaran ng pamahalaan

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI na babayaran ng nasa 2,487 magsasakang Kapampangan na benepisyaryo ng reporma sa lupa ang kanilang mga utang na aabot sa P206 milyon.

Patunay dito ang pagkakaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 2,939 na mga Certificates of Condonation with Release of Mortgage o COCROMs na aabot sa kabuuang 3,903.48 ektaryang lupain.

Ito ay sang-ayon sa Republic Act 11953 o New Agrarian Emancipation Act.

Isa sa mga napalaya sa matagal na pagkakautang si Elistacio Manansala ng Bacolor, Pampanga na napagkalooban ng 2.3 ektaryang lupa sa bisa ng Presidential Decree No. 27 noong 1973.

Aniya, malaking bagay na nawala sa kanyang isipin ang utang na P60 libo na hindi niya mabayad-bayaran sa mahabang panahon.

Dahil dito, naniniwala siya na lalaki ang kanyang kita dahil wala na ang dating bumabawas sa dapat sana’y pinakikinabangan na ng kanyang pamilya.

Pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage ang may 2,487 na mga magsasakang Kapampangan na benepisyaryo ng reporma sa lupa. Hindi na sisingilin sa kanila ang nasa P206 milyon na amortisasyon na pinasan ng nasabing mga magsasaka sa mahabang panahon. Magbubunsod ito ng panibagong pagkakataon upang mapaangat ang kanilang kita habang tinitiyak ang seguridad sa pagkain. Larawan mula sa Presidential Communications Office

Kalakip ng pagpapalaya sa pagkakautang sa lupang sinasakahan, nagbubukas naman ito ng panibagong oportunidad upang maging tuluy-tuloy ang produksiyon ng pagkain.

Sinabi ni Land Bank of the Philippines San Fernando, Pampanga Field Services Support Center Manager Eduardo Sison na maari nang masubukang humiram ng mga magsasaka sa nasabing bangko upang pataasin ang kanilang produktibidad.

Halimbawa na rito ang AgriSenso sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund sa bisa ng Republic Act 10848; Sikat-Saka ng Department of Agriculture at Land Bank of the Philippines sa ilalim ng Food Staples Sufficiency Program; at ang Agriculture, Fisheries and Rural Development Financing Act o Republic Act 11901 na pinalawak na Agri-Agra Law. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -