25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Naghahamon ba si Donald Trump ng digmaan sa kalakalan?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ILANG araw pa lang matapos ang eleksiyon sa Estados Unidos ay naghayag na si Donald Trump, ang bagong halal na pangulo, ng pagtaas ng taripa sa mga inaangkat na produkto mula sa mga bansa sa Asya. Hindi lamang pinatatamaan ni Trump ang China ngunit pati na rin ang mga kaalyado nitong Japan, India at mga bansa sa Asean kasama na ang Pilipinas.

Sa maikling sanaysay na ito tatalakayin natin ang dahilan ng kung bakit gustong taasan ang taripa ng mga produktong inaangkat ng Estados Unidos at kung ano ang mga implikasyon nito sa ekonomiya ng Estados Unidos at sa ekonomiya ng mundo.

Isa sa mga pangako ni Donald Trump noong siya ay nangangampanya sa pagkapangulo ay ang pagbabalik trabaho sa mga Amerikano. Sa kanyang pananaw, ang mga industriya ng Estados Unidos lalo sa sektor ng manufacturing ay napilayan bunga ng malayang kalakalan. Malaking bahagi ng mga ginagamit na smartphones, digital automation systems, media transmission system, display monitors, lithium batteries, at laruan sa Estados Unidos ay inaangkat mula sa China. Nagmumula naman sa Japan ang mga machinery at mechanical appliance, transportation equipment at iba pa.

Naniniwala si Trump na ang pagpapataw ng mataas na taripa sa mga inaangkat na produkto mula sa China at Japan ay magpapasiglang muli sa ekonomiya ng Estados Unidos, maibabalik muli ang mga nawalang trabaho sa mga matatamlay na industriya at liliit ang deficit sa balance of trade deficit ng Estados Unidos.

Suriin natin ang implikasyon na balak na ito ni Donald Trump. Liliit nga ba ang balance of trade (BOT) deficit? Sa aking palagay ay hindi dahil ang BOT deficit ng Estados Unidos ay hindi nagmumula sa malaking pagluluwas ng China at Japan sa Estados Unidos. Sa halip, ito ay nakaugat sa matinding demand ng mga Amerikano sa mga produktong dayuhan na di kayang tugunan ng mga industriya  sa Estados Unidos. Bakit napakataas ng demand ng mga Amerikano sa iba’t ibang dayuhang produkto? Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang malaking kakayahang makabili ng mga mamamayang Amerikano bunga ng maraming dayuhang salaping pumapasok sa bilihan ng pondo sa bansa. Ang mga pondong ito ay ipinauutang sa mga bangko sa Estados Unidos na ipinauutang naman nito sa mga mamamayang Amerikano.


Sa palagay ni Trump ang China at Japan ang nagpupumilit ipasok ang kanilang mga produkto sa Estados UInidos. Ngunit ang realidad ay ang mga Amerikano ang nagpupumilit na bumili sa labas ng bansa dahil sa kanilang tumataas na kakayahang makabili at mababang presyo ng mga produktong dayuhan. Ang pagtataas ng taripa ay hindi ang angkop na patakaran upang mapababa ang BOT deficit ng Estados Unidos. Ang angkop napatakaran ay pigilin ang pagpasok ng pondo mula sa iba’t ibang bansa. Kaya lang hindi ito isinasagawa dahil babagsak ang napakalawak na bilihan ng pondo sa Estados Unidos.

Magkakaroon ba ng malawakang pagsigla ang ekonomiya? Hindi rin tayo nakasisiguro kung ito ay mangyayari dahil magtataasan ang presyo ng mga produkto bunga ng matataas na taripa. Marami ding industriya na magtataasan ang gastos sa produksiyon dahil ang kanilang mga hilaw na sangkap na ginagamit sa produksiyon ay pinatawan ng matataas na taripa. Sa pagtaas ng presyo ng mga produktong gawa sa Estados Unidos hindi na ito magiging kompetitibo sa bilihang internasyonal at sa loob na bansa. Dahil dito baka lumiit ang demand sa mga produktong gawa sa Estados Unidos sa loob at labas ng bansa at magpapababa sa kanilang produksiyon.

Lalawak ba ng empleo ng mga Amerikano? Hindi rin tayo sigurado kung ito ay mangyayari dahil sa pagtaas ng presyo ng mga hilaw na sangkap bunga ng taripa baka lumiit ang demand at produksyon na magpapababa sa empleo. Dapat tandaan ni Trump na malaking bahagi ng inaangkat ng bansa ay mga hilaw na sangkap na ginagamit sa maraming industriya sa Estados Unidos.

Kung ganito ang posibleng mangyayari bakit ito binabalak ipatupad? Ang ekonomikong batayan ay ang pagtaas ng presyo ng palitan sa kalakalan o terms of trade sa pagpapataw ng taripa. Dahil ang Estados Unidos ay isang malaking bilihan, ang pagbawas nito ng demand sa import bunga ng taripa ay magpapababa sa presyo ng palitan sa kalakalan. Makikinabang ang Estados Unidos dahil mabibili nito ang mga import sa mababang presyo at tatanggap pa ang pamahalaan ng kita mula sa taripa. Ang mga bansang nagluluwas ng produktong ito ang papasan ng sakripisyo dahil babagsak ang presyo ng kanilang iniluluwas.

- Advertisement -

Kung ang pinatawan ng taripa ng Estados Unidos ay isa rin malaking bansa maaari itong  gumanti at patawan ng taripa ang mga iniluluwas na produkto ng Estados Unidos. Ang ganitong pangyayari ay maaaring mauwi sa isang digmaan sa kalakalan. Ang ganitong digmaan ang naging sanhi ng malawakang pagbaba ng produksiyon sa buong mundo tulad ng nangyari sa Great Depression noong dekada 1930 at lumiit ang produksiyon ng buong mundo na nagsimula sa pagpapataw ng taripa at paghihiganti ng ibang bansa. Kaya’t dapat maging mahinahon si Trump sa kanyang panukala at baka pumasok ang buong mundo sa isang malawakang resesyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -