ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagtaas ng intelligence fund ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng mas maigting na kampanya laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na patuloy na sumusuway sa pagbabawal ng gobyerno sa kanilang operasyon.
“Kailangan ng PNP ng mas mataas na pondo para kumalap ng intelligence, partikular sa ating laban sa mga POGO,” ayon kay Gatchalian, kasunod ng mga balitang mayroon pa ring mga kumpanya ng POGO na palihim na nag-o-operate at nagpapanggap ng ibang negosyo.
“Ito na ang panahon para suportahan ang PNP sa pangangalap ng mas maraming intelligence,” pagdidiin niya sa kanyang interpellation sa panukalang budget ng PNP para sa 2025.
Sinabi ni Gatchalian na ang intelligence fund ng PNP ay bumaba mula P1.356 bilyon noong 2023 sa P906.025 milyon ngayong taon. Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2025, binigyan ang PNP ng intelligence fund na P806.025 milyon, P100 milyon dito ay dinagdag ng Senado. “Ang mas mababang halaga ng intelligence fund ay kontra sa hangarin nating mapabuti ang trabaho ng PNP,” sabi niya.
Dahil sa direktiba ng Pangulo na wakasan na ang lahat ng operasyon ng POGO sa bansa hanggang sa katapusan ng taon, kailangang doblehin ng mga law enforcement agencies gaya ng PNP ang kanilang pagsisikap na mapaalis ang lahat ng POGO, partikular na ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad tulad ng kidnap-for-ransom, human trafficking, at online scamming, sabi ni Gatchalian. Umabot sa 5,800 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes nitong Mayo ng taon base sa datos ng PNP.
Ipinunto niya na ang Section 4 ng Executive Order No.74 na inilabas ng Pangulo noong Nobyembre 5 ay nag-uutos sa PNP na paigtingin ang kanilang pagsisikap laban sa mga ilegal na POGO, internet gaming licensees, at iba pang offshore gaming operations at services.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, pinangunahan ni Gatchalian ang kampanya para wakasan ang lahat ng operasyon ng POGO sa bansa. Nanindigan siya na ang social costs sa pagpayag sa mga operasyon ng POGO sa bansa ay mas higit pa sa anumang mga benepisyong pang-ekonomiya na nakukuha mula sa mga POGO.\