31.7 C
Manila
Martes, Nobyembre 19, 2024

Mga dahilan kung bakit kailangang buksan ang mga gate ng dam kapag malakas ang ulan

- Advertisement -
- Advertisement -

KRITIKAL ang nagiging sitwasyon ng mga dam at ng mga komunidad sa paligid nito kapag umuulan ng malakas at matagal.

Larawan mula sa file ng The Manila Times

Ayon kay Nathaniel Servando, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) administrator, normal na magpakawala ng tubig ang mga dam bago pa man umawas ang mga ito upang maiwasan ang panganib sa mga lugar sa paligid nito.

Isang hakbang ang pagbubukas ng mga gate ng dam upang pamahalaan ang mataas na antas ng tubig sa reservoir. Kapag napuno ang dam at umabot sa Normal High Water Level (NHWL), kinakailangang pakawalan ang sobrang tubig upang maiwasan ang pag-apaw, pagkasira ng dam, at biglaang pagbaha sa mga kalapit na lugar.

May kinakayang sukat lamang ng tubig ang kayang hawakan ng mga dam kung kaya posible itong mawasak kung sobra-sobra ang tubig na mananatili rito.

Kung biglang masisira ang dam, raragasa ang tubig at malalagay sa peligro ang mga buhay ng mga tao sa pamayanang malapit dito gayundin, mawawasak ang kanilang mga ari-arian at mga pananim.


Nitong mga nagdaang bagyo na sumentro sa Luzon — bagyong Kristine at Pepito —nagbawas ng tubig ang mga dam bilang paghahanda sa inaasahang pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng mga bagyo.

Nanatiling nakabukas ang mga gate ng Ambuklao, Binga, San Roque, at Magat dam hanggang nitong Lunes matapos ang pagragasa ng bagyong Pepito sa Luzon.

Binuksan ang mga gate

Ayon sa Pagasa dakong ika-walo ng umaga, walong gate ang binuksan sa Ambuklao dam sa Benguet sa taas na 5.5 metro na naglalabas ng 759.16 cubic meters per second (CMS) ng tubig.

- Advertisement -

May reservoir water level ang Ambuklao dam na 750.79 metro noong Lunes, bahagyang mataas kumpara sa RWL noong Linggo na 750.42 metro. May 752 metrong normal high water level (NHWL) ito.

Anim na gate naman ng Binga Dam na nasa Benguet din ang binuksan sa taas na 7.5 metro na naglalabas ng 1,084.63 CMS ng tubig.

Tumaas ang RWL ng Binga Dam mula 572.29 metro patungong 573.43 metro, malapit sa NHWL nitong 575 metro.

Tatlong gate naman ng Magat dam na nasa pagitan ng Ifugao at Isabela ang binuksan sa taas na limang metro na naglabas ng 1,101.89 metro kubiko ng tubig kada segundo.

Tumaas ang RWL nito mula sa 181.93 metro noong Linggo na naging 190.43 metro noong Lunes, malapit sa NHWL nitong 193 metro.

Isang gate naman ang binuksan sa San Roque Dam na may taas na kalahating metro na naglabas ng 402.52 CMS ng tubig. Tumaas din ang RWL nito mula 277.17 metro na naging 278.45 metro, kumpara sa 280-metrong NHWL.

- Advertisement -

Bago dumating ang bagyong Pepito sa Luzon, nitong nakaraang Oktubre sa panahon ng sunud-sunod na pag-ulan dulot ng bagyong Krsitine, binuksan din ang mga gate ng mga dam na ito.

Pinuntirya ng bagyong Kristine at Pepito ang Luzon na kinaroroonan ng mga dam na ito.

Gamit ng mga dam

Ginagamit ang Ambuklao dam, bukod sa pagkontrol sa pagbaha, upang gumawa ng kuryente sa pamamagitan ng hydro power plant na may kakayahang lumikha ng 75 megawatt hanggang 105 MW na kuryente.

Ayon naman sa National Irrigation Administration, ang Magat dam ang “pinakamalaki at namumukod na imprastraktura sa Pilipinas at isa sa pinakamalawak sa Timog-Silangang Asya. Ginawa ito upang magpatubig sa mga sakahang lupa, lumikha ng kuryente para sa Luzon kabilang ang Kalakhang Maynila, maging kuhanan ng tubig para sa mga tahanan at industriya, palaisdaan at turismo.

Pangunahing layunin naman ng Magat dam ang magbigay irigasyon sa 85,000 ektarya ng sakahan at gumawa ng kuryente sa pamamagitan ng Magat Hydroelectric Power Plant.

Ayon sa website ng San Roque Power Corporation, mayroon itong installed capacity na 435 MW na kayang gumawa ng 1,000 GWh kada taon na ibinibigay sa Luzon Power Grid. Isa rin itong multi-purpose na dam na kumokontrol sa pagbaha at sumasala sa maruming tubig upang maging mas mainam na gamitin pang-irigasyon sa mas mabababang lugar.

Dagdag na dam

Samantala, inihayag  ng Office of the Civil Defense (OCD) na kinakailangang simulan sa mga pangunahing river basin sa bansa ang mga inisyatiba upang kontrolin ang mga pagbaha.

“Paulit-ulit itong sitwasyon natin at paulit-ulit iyong ganitong pag-uulat namin [sa baha] kung hindi pa natin sisimulan iyong long-term integrated and comprehensive solution per river basin,” pahayag ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa isang news forum sa Quezon City.

“Mayroon ho tayong 18 major river basins sa Pilipinas. Dapat bawat isa niyan [magawa]. [Pero of course, hindi naman tayo napakayamang bansa. [Kaya] magpa-prioritize tayo,” dagdag pa niya.

Ayon kay Nepomuceno, kabilang ang pagkakaroon ng hydroelectric dam sa  isang comprehensive and integrated long term plan para kontrolin ang mga pagbaha.

Ipinag-utos kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. muling bisitahin ang Bicol River Basin Development Program (BRBDP) na inaasahang makababawas sa mga pagbaha at susuporta sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.

- Advertisement -
Previous article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -