31 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

‘China intel unit sa Cuba’

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPAPATAKBO ang China ng isang intelligence unit sa Cuba sa loob ng maraming taon at na-upgrade ito noong 2019 sa pagsisikap na mapahusay ang presensya nito sa isla ng Caribbean, sinabi ng isang opisyal ng White House noong Sabado (Linggo sa Maynila).

Ayon sa isang opisyal, na nagsalita sa kondisyon na hindi nagpakilala, kinumpirma nito ang presensya ng nasabing intelligence unit ng China. Aniya, “this is well-documented in the intelligence record.”

Iniulat ng US media nitong mga nakaraang araw na pinaplano ng Beijing na magtayo ng isang spy base sa isla, na matatagpuan sa labas lamang ng mga baybayin ng Amerika.

Idinagdag pa ng opisyal na nang manungkulan si Pangulong Joe Biden noong Enero 2021, ipinaliwanag sa kanila ang ilang sensitibong pagsisikap ng People’s Republic of China (PRC) na palawakin ang kanilang “overseas logistics, basing and collection infrastructure globally”.

Kabilang dito ang presensya ng PRC intelligence collection facilities sa Cuba na pinag-ibayo pa noong 2019.

Itinanggi naman ito ng gobyerno ng Cuba at mariing binatikos ang pagpapakalat ng nasabing impormasyon.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Cuban Deputy Foreign Minister Carlos Fernandez de Cossio, na patuloy ang paninirang-puri na itinataguyod ng ilang media outlet upang magdulot ng pinsala at alarma. Hindi rin umano nagbibigay ng anumang data o ebidensya na magpapatunay sa kanilang ikinakalat na balita.

Ang mga kaganapang ito ay kasunod ng pagsusulong ni Chinese President Xi Jinping ng malawakang pagpapalaki ng kanilang presensya sa seguridad sa buong mundo.

Nakatakdang bumiyahe sa China sa susunod na linggo si US Secretary of State Anthony Blinken, matapos na makansela ang naunang pagdalaw noong Pebrero dahil sa hinihinalang surveillance ballon mula sa China na napadpad sa Estados Unidos.

Ang isang base sa Cuba, na nasa 90 milya (150 kilometro) mula sa katimugang dulo ng Florida, ay titingnan sa Washington bilang isang direktang hamon sa kontinental ng Estados Unidos.

Binalaan naman ng China ang Estados Unidos noong Biyernes laban sa “panghihimasok sa mga panloob na gawain ng Cuba,” bilang tugon sa mga ulat ng media ukol sa isang pinaplanong base.

Sa isang regular na press briefing, sinabi ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na si Wang Wenbin na “alam niya ang sitwasyon” bago pinuna ang patakaran ng US sa Cuba.

Ayon kay Wang, ang pagpapakalat ng mga tsismis at paninirang-puri ay isang karaniwang taktika ng Estados Unidos, at ang walang habas na pakikialam sa mga panloob na gawain ng ibang mga bansa ay ang patent nito.

Sinabi pa ng opisyal ng US na naniniwala ang administrasyon na ang mga diplomatikong pagsisikap ay “nagpabagal sa PRC” sa pagsasagawa ng mga aktibidad nito sa Cuba.

Hindi pa umano naaabot ng China ang inaasahan nitong kalalagyan.

Pebrero ng taong ito, ipinadala ng China ang tinatawag ng US na isang high-altitude surveillance balloon sa buong Estados Unidos. Lumutang ito mula kanluran hanggang silangan sa itaas ng mga sensitibong instalasyong militar bago ito pinabagsak ng isang US fighter jet. AFP

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -