SA ginanap na pagdinig ng quad commitee ng House of Representatives nitong Miyerkules, Nobyembre 13, 2024, ilang pag-amin, panghahamon at di matitinag na mga pahayag ang binitiwan ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos kahapon, Huwebes, Nobyembre 14, 2024, sa mga reporter, na lahat ng testimonya na ibinigay ng dating pangulo sa congressional hearings ay pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) at ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung may mga legal na basehan.
“Right now, that is being done by the PNP. And so, we’re waiting for their findings. But you know, all of the testimony that was given yesterday really — will be taken in and will be assessed to see what — in legal terms, what is the real meaning and consequence of some of the statements made by PRRD,” sabi ni Marcos na ang tinutukoy ay si Duterte.
“Now, if that will result in a case being filed here in the Philippines, we will just have to see. The DOJ will have to make that assessment,” dagdag pa niya.
Duterte nangakong magbibigti kung mapatutunayan na ang mga bank account ay kanya
Nangako si dating pangulong Rodrigo Duterte na magbibigti kapag napatunayang totoo ang mga bank account na ibinibintang na kanya at sa kanyang pamilya ni dating senador Antonio Trillanes IV.
Dumalo si Trillanes sa ika-11 public hearing ng House quad committee nitong Miyerkules, Nobyembre 13 ng gabi, upang ibahagi ang kanyang saloobin sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte sa harap ng dating chief executive, na dumalo sa marathon hearing.
Sinabi ni Trillanes na ginamit lamang ang war on drugs para takutin ang mga tao, at kasabwat ni Duterte ang mga umano’y Chinese drug lords, kabilang ang kanyang dating economic adviser na si Michael Yang.
Sa isang slideshow, ipinakita ni Trillanes ang mga larawan ng mga bank account na sinabi niyang nakuha niya noong 2016 at na-validate ng Office of the Ombudsman, na may kabuuang P240 milyon, kabilang ang mga account sa pangalan ng dating pangulo, ang kanyang kasalukuyang kasosyo, si Honeylet Avanceña, at ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Dito, sinabi ni Duterte na handa siyang magsagawa ng affidavit para ipatawag ang mga bangko.
“If there is truth on any one account, I will hang myself in front of you,” sabi ni Duterte sa panel.
Dagdag pa ni Duterte, kung totoo ang nilalaman ng presentasyon ni Trillanes, aatasan din niyang magbitiw ang kanyang mga anak na nasa mga halal na posisyon.
Sinabi ni Trillanes na nanloloko lang si Duterte at hinimok ang House panel na bumalangkas kaagad ng waiver para patunayan na kanya ang mga account na iyon.
Nang tanungin ni Deputy Speaker David Suarez kung papayag siyang pumirma kaagad ng waiver, agad sagot ni Duterte: “Anong kapalit? Sampalin ko sya sa publiko?”
Pagkatapos ng pagdinig, sinabi ni Duterte na bukas siya na dumalo sa mga karagdagang sesyon, ngunit sinabi din niya na hindi siya bumabata at ang 12-oras na pagdinig ay maaaring makaapekto sa kanyang kalusugan, habang ang kanyang ipon ay nauubos din sa paglipad sa Maynila.
Idinagdag niya na bukas siya sa pagpirma ng waiver sa bangko ngunit hinamon niya ang kanyang mga karibal na mag-file din ng waiver, dahil hindi lang siya ang dapat magpakita ng mga bank account.
Duterte hinamon ang ICC: ‘I’m ready to rot in jail’
Sa parehong pagdinig, hinamon ng dating pangulong ang International Criminal Court (ICC) na bilisan ang imbestigasyon sa kanyang madugong giyera kontra droga at sinabing handa siyang “mabulok sa kulungan” kung mapatunayang nagkasala.
Sa pagdinig, tinanong ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas si Duterte kung handa siyang makipagtulungan sa ICC probe, na dati niyang tinanggihan.
“I’m asking the ICC to hurry up and, if possible, they can come here and start the investigation tomorrow. This issue has been left hanging for so many years. It’s taken too long, ma’am. If I die, they won’t be able to investigate me,” sabi ng 79-na-taong- gulang na si Duterte.
“And so I’m asking the ICC through you… And if I am found guilty, I will go to prison and rot there for all time,” sabi niya.
Ang PIlipinas, sa utos ni Duterte, ay kumalas sa ICC noong 2019 matapos itong mag-anunsyo ng imbestigasyon sa kanyang madugong giyera laban sa droga, na pumatay sa talaan ng humigit-kumulang 6,500 drug suspects — kahit na sinasabi ng mga human rights group na ang bilang ng mga nasawi ay maaaring mas mataas sa 20,000.
Noong Enero 2024, sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na humalili kay Duterte noong 2022, na siya, tulad ng kanyang hinalinhan, ay hindi kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Kasunod ng mga pahayag ni Duterte noong Miyerkules, sinabi ng Palasyo na hindi tututol o hahadlangan ng pamahalaan kung isumite niya ang kanyang sarili sa ICC dahil sa kanyang giyera kontra droga at mga nangyaring extrajudicial killings.
Sa isang pahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na makikipagtulungan ang Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung maglalabas ito ng Red Notice laban kay Duterte kaugnay ng kaso ng drug war ng ICC.
Ang Red Notice ay isang request “to locate and provisionally arrest a person pending extradition, surrender, or similar legal action.”
“If the former president desires to surrender himself to the jurisdiction of the ICC, the government will neither object to it nor move to block the fulfillment of his desire,” sabi ni Bersamin na ang tinutukoy ay ang dating pangulong Duterte.
“But if the ICC refers the process to the Interpol, which may then transmit a Red Notice to the Philippine authorities, the government will feel obliged to consider the red notice as a request to be honored, in which case the domestic law enforcement agencies shall be bound to accord full cooperation to the Interpol pursuant to established protocols,” dagdag niya.
Sinabi din ng Department of Justice na kung hihingi ng tulong ang ICC sa Interpol sa pagsisiyasat nito, ang gobyerno ng Pilipinas ay magiging legal na magpoproseso at tutugon sa mga naturang kahilingan alinsunod sa mga internasyonal na pangako ng bansa.
Paglilinaw ni PBBM
Ayon kay pangulong Marcos, ang pamahalaan ay laging naka-monitor sa lahat ng ito ” because the question of EJK has not yet been answered: who is responsible?”
“So that is the DOJ’s responsibility to continue to examine all bits of comments, of statements, of testimony, and eventually of evidence, to see if that justifies a case to be filed,” dagdag pa niya.
Inulit din ng pangulo ang paninindigan ng Pilipinas na hindi ito makikipagtulungan sa ICC sa kabila ng hamon ni Duterte sa korte na imbestigahan siya.
“If that’s what he (Duterte) wants, we will not block the ICC. But we will not help. But if he consents to be interviewed or investigated by the ICC, that is up to him. We don’t have any decision on that matter,” paliwanag ng pangulo.
“We do not cooperate with the ICC. That is the position of this government,” dagdag pa niya.
Gayunman, sinabi ni Marcos na tutuparin ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung hihilingin ng ICC ang interbensyon nito.
“As (Justice) Secretary (Jesus Crispin) Remulla explained before, we have obligations to Interpol and we have to live up to those obligations,” sabi niya.
Halaw sa mga ulat nina Catherine S. Valente, Red Mendoza at Aric John Sy Cua ng The Manila Times