26.9 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 15, 2024

Mga inaasahang pagbabago sa US-PH relation sa ilalim ng panibagong Trump administration

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN ang ilang senador na paghandaan ng gobyerno ang posibleng mga pagbabago sa polisiya ng US dala ng muling pag-upo ni Donald Trump bilang pangulo ng US sa ikalawang pagkakataon.

Larawan mula sa file ng The Manila Times

Sa isang pahayag, sinabi ni Senate President Francis Escudero na kinakailangang simulan na ng pamahalaan na isipin ang mga posibleng mangyari at ihanda ang kaukulang tugon sa mga ito sa oras na ipatupad ni Trump ang kaniyang mga plano.

Pangunahing kailangang paghandaan ang negatibong epekto ng polisiya sa imigrasyon ni Trump dahil binabalak nito na magkaroon ng malawakang deportasyon ng mga ilegal na dayuhan na nasa US, kabilang dito ang mga Pilipino.

Nagpahayag din si Senador Imee Marcos na kinakailangang protektahan ang mahigit-kumulang 200,000 undocumented Filipinos sa US na posibleng ma-deport sa pamamagitan ng pagpapalawig ng reintegration programs gaya ng skills training, livelihood support at direct assistance para sa mga deportees.

Pahayag naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, kinakailangang gumawa ng komprehensibong contingency plan ang pamahalaan upang tulungan ang mga Pilipinong made-deport.


Plataporma ni Trump na makakaapetko sa Pilipinas

Nitong nakaraang kampanya sa US, nangako si Trump na isasagawa nya ang pinakamalaking mass deportation sa kasaysayan ng bansa laban sa mga ilegal na dayuhan.

Isa lamang ito sa mga paghihigpit na kaniyang gagawin na may kaugnayan sa imigrasyon na magkakaroon ng malawakang pagbabago maging sa mga patakaran para sa mga nagbabalak pa lamang pumasok sa US.

Kaugnay naman ng kalakalan, naniniwala si Trump na hindi dapat magtiwala sa pandaigdigang merkado dahil hindi ito nakakabuti sa US. Gusto niyang itaas ang taripa ng mga imported goods ng 10% hanggang 20% o higit pa.

- Advertisement -

Mas mahigpit ang balak niya sa mga produktong galing China na balak niyang patawan ng hanggang 60% taripa upang protektahan ang manufacturing sector ng US.

Isa pa, inihayag ni Trump ang plano nyang hindi pagkakaltas ng tax sa mga tip na natatanggap ng mga blue collar workers gaya ng mga waiter at sa Social Security benefits.

Pagdating naman sa pakikipag-alyansa, inaasahan na tuloy pa rin ang suporta ng US sa mga kaalyado nito gaya ng Pilipinas gaya pa rin ng una siyang maging pangulo ng US noong 2017.

Nag-alala ang mga senador

Ayon kay Escudero kinakailangan ang paghahanda sakaling maapektuhan ang libu-libong Pilipino na walang kaukulang dokumento na nasa US na aniya kung isang porsyento lamang ng 300,000 ang palalabasin ng Amerika, mangangailangan ang mga ito ng 10 eroplano agad.

Gayundin, aniya, makakaapekto rin sa bansa ang plano ni Trump na taasan ang mga taripa. “How will his plan to erect high tariff walls affect our economy given the fact that almost $1 in every $7 of our export earnings come from our trade with the United States?” ani Escudero.

- Advertisement -

“Kung dahil sa kanya lalakas ang dolyar, ano ang epekto nito sa atin kung ang dulot nito ay ang paghina ng piso? Siguradong lolobo ang halaga ng ating foreign debt,” ayon sa Senador.

Magdudulot rin, ayon kay Escudero, sa pananalapi ng Pilipinas ang pagbabago na ipapatupad ni Trump upang masawata ang mga gyera sa ibang bansa gaya ng sa Ukraine at Israel.

“The inconvenient truth is cheaper oil will reduce tax collections on oil upon which government spending on social programs is pegged,” ayon sa Senador.

“On the security front, will a second Trump administration be hawkish or dovish against China? Dapat handa tayo kung sakaling may bagong posisyon ang Washington,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Senadora Imee Marcos, bukod sa isinusulong nyang magplano ang Department of Social Welfare and Development, Department of Labor at Department of Foreign Affairs, para sa mga pamilyang mapipilitang umuwi sa Pilipinas, binigyang-diin din niya ang kahalagahan na agarang mapalakas ang self-defense capabilities ng Pilipinas sa pamamagitan ng paggawa ng sariling defense equipment at technology transfers sa pamamagitan ng Self-Reliant Defense Posture (SRDP).

“In the end, no matter how many and how strong our allies are, we can only depend on ourselves, the Filipinos, to defend the Philippines,” ani Marcos na hiniling ang agarang alokasyon para sa SRDP.

Nais din ni Marcos  na pangunahan ng Pilipinas ang Association of Southeast Asian Nations (Asean) upang palakasin ang alyansa sa rehiyon upang makapaghanda sa anumang pagbabago sa polisiya ng US at maproteksyunan ang interes ng bansa.

Mahalaga  naman para kay Senador Estrada na magkaroon ng contingency plan para tulungan ang mga Pilipinong madedeport pati na ang kanilang mga pamilya na umaasa sa kanilang padala.

“Our government should be prepared to offer financial assistance programs to help families affected by the loss of a financial lifeline,” ani Estrada sa pahayag.

Sa kabila ng pahayag ng mga mambabatas, sa panayam ng ANC kay Atty. Jath Shao, isang Filipino-American Immigration lawyer, sinabi niyang walang dapat ipag-alala ang Pilipinas dahil 0.2% lamang umano ang mga Pilipino sa deportation cases ng US o tinatayang 1,200 lamang sa buong US.

“300,000 to be deported will take about 150 years,” ani Shao.

Mas nakababahala kung taasan ang taripa

Sa artikulo naman na inilathala ng ABS-CBN News, sinabi ni National Economic Development Administration (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang may malaking impact sa mga sinabi ni Trump sa Pilipinas at sa buong mundo sa kabuuan ay ang plano nitong taasan ang taripa sa mga imported goods ng US at gayundin ang mas mataas na taripa sa mga produktong China.

Isang malaking trade partner ang China ng Pilipinas at maging ng ibang bansa sa mundo kung kaya kung babagal ang inaasahan nitong paglago ng ekonomiya, magkakaroon ito ng negatibong epekto rin sa kaniyang mga trade partners.

Sa kabila nito, umaasa rin ang NEDA chief na may maganda ring mangyayari dahil sa gumagandang relasyon ng Pilipinas at US.

Bukod pa rito, gumagawa rin ng hakbang ang Pilipinas para magkaroon ng free trade agreements sa ibang bansa gaya ng United Arab Emirates at European Union.

Sa ngayon, sinabi ni Balicasan na masyado pang maaga para malaman kung ano ang impact sa Pilipinas  ng mga plano ni Trump pero nasa “wait and see” na sitwasyon ang Pilipinas kaugnay nito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -