27.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 15, 2024

Nakakahiya o Nakahihiya: Alin ba talaga ang tama?

- Advertisement -
- Advertisement -

NaKAkahiya o nakaHIhiya? NaKAkatuwa o nakaTUtuwa? NaKAkabusog o nakaBUbusog? NaKAkasayaw o nakaSAsayaw?

Nakaranas ka ba, o hanggang sa ngayon ay nakakaranas pa rin ng pagwawasto ng iyong titser o editor kaugnay ng mga salitang nasa itaas? Sabi nila, mali raw ang mga salita na ang inuulit ay -KA- (nakakahiya, nakakatuwa, nakakabusog, nakakasayaw). Ayon kasi sa tuntunin ng balarila na ipinapatupad noon hanggang ngayon, ang inuulit ay unang pantig ng salitang ugat. Ang mga salitang ito ay mga halimbawa ng reduplikasyon, o pag-uulit ng salita o bahagi nito.

Kapag nagbabasa tayo ng mga pormal na sulatin, tulad halimbawa ng journal, o ng mga pampanitikang akda, madalas na iyong pangalawang anyo (nakahihiya, nakatutuwa, atbp.) ang mababasa natin. Sa kabilang dako, sa pagsasalita, mas gamitin ang unang anyo (iyong KA ang inuulit). Bakit may dalawang anyo ng mga salitang nabanggit? Tawagin nating “divided usage” ang ganito. May dalawang anyo na kapwa ginagamit ng iba’t ibang tagapagsalita. Mapapansin din natin na may mga tagapagsalita ng wikang Filipino na pinaghahalo ang gamit ng dalawang anyo. Halimbawa: NaKAkaawa ang mga batang ulila. NakaRIrimarim ang ginawang pang-aabuso sa kanila. KA ang inulit sa nakakaawa, pero RI ang inulit sa nakaririmarim.

Pero ang tanong: Alin ba talaga ang tama?

Gaya ng nasabi na, ayon sa tuntunin, sa reduplikasyon, inuulit ang unang pantig ng salitang ugat.


Ngunit tingnan natin ang mga halimbawang ito:

Sasampalin ko ang mga kalaban ko,” sabi ng dating pangulo.

Susuntukin ko ang mukha niyang testigo n’yo,” banta ng senador.

Tatakbong alkalde ang dating bise presidente.

- Advertisement -

Ang mga salitang ugat ay sampal, suntok, at takbo. Kung totoong unang pantig ng salitang ugat ang uulitin, ang tamang anyo ay SAMsampalin, SUNsutukin, at TAKtakbo, di ba? “Exception to the rule,” sasabihin ng iba diyan. Aba, mahina ang tuntunin kung ganyang napakaraming exception.

Ano ang inuulit, kung gayon? Hindi unang pantig, kundi unang katinig (K) at unang patinig (P). Balikan natin ang mga salitang suntok, sampal at takbo. Ang unang K at unang P ay SU (suntok), SA (sampal), at TA (takbo). Kaya ang mga ito lamang ang inuulit, hindi ang buong unang pantig na SUN, SAM, at TAK. Samakatuwid, dapat baguhin ang tuntunin – sabihing unang K at unang P ang inuulit, hindi ang unang pantig ng salitang ugat. Pero teka, hindi pa kompleto iyan.

Balikan natin ang unang halimbawa: naKAkahiya vs. nakaHIhiya. Ang panlaping -KA- ang inuulit sa una; ang unang pantig (HI) ng salitang ugat ang inuulit sa pangalawa.

Halimbawang ito ang salita: magpakabait (mag-+-pa-+-ka-+bait). Bait ang salitang ugat at 3 ang panlapi – mag-, -pa-, at -ka. Paano babanghayin ang salitang iyan? Di ba, ganito: nagpakabait, nagpapakabait, magpapakabait.

Ano ang inuulit? Ang panlaping -PA-. Gayon din ang mangyayari sa iba pang katulad na mga salita: magpakabusog (nagpapakabusog, magpapakabusog), magpatianod (nagpapatianod, magpapatianod), magpakabait (nagpapakabait, magpapakabait), atbp.

Samakatwid, swak ang tuntunin na ang inuulit ay unang K at unang P. Pansinin na sa ganitong mga salita, hindi inuulit ang unang pantig ng salitang ugat. Walang nagsasabi ng: magpakaBUbusog, magpatiAanod, magpakaBAbait. Hindi na applicable ang tuntunin sa pag-uulit ng salitang ugat, gaya ng makikita sa nakaHIhiya, nakaTUtuwa, nakaSAsayaw, nakaBUbusog. Kung gayon, limitado ang tuntuning ito sa ganitong mga salita lamang, hindi applicable sa lahat ng kaso ng reduplikasyon, o kapag higit sa dalawa ang mga panlapi.

- Advertisement -

Malinaw naman na ang tuntunin ay dapat sumaklaw sa lahat ng kaso, hindi sa ilan lamang. Kung gayon, kompletuhin na natin ang tuntunin: Sa reduplikasyon, ang inuulit ay hindi salitang ugat, kundi unang K at unang P ng tangkay ng salita (word stem o salitang tangkay). Hindi ugat lamang, kundi tangkay, may panlapi na.

Paano makikilala ang tangkay ng salita? Binubuo ito ng lahat ng pantig maliban sa huling pantig sa kaliwa, na siyang panlaping makadiwa, o ang panlaping nagbubuo ng pandiwa. Sa mga halimbawang magpakabusog, magpatianod, magpakabait, ang panlaping makadiwa ay MAG-. Ang tangkay ng salita ay pakabusog, patianod, pakabait. Ilapat natin ang tuntunin, sa lahat ng salitang ito, ang inuulit ay PA, na unang K at unang P ng tangkay ng salita.

Kung gayon, ang nakaHIhiya ay ang anyong hindi sumusunod sa tuntunin, samantalang ang naKAkahiya ang pasok sa tuntunin. Yehey! Tayo na laging napagsasabihan ng mali ay siya palang sumusunod sa pangkalahatang tuntunin!

Saan galing ang nakaHIhiya? Matagal nang ginagamit ng ating mga ninuno ang ganitong anyo ng reduplikasyon. Makikita ito at mga katulad na salita sa mga lumang teksto, gayon din sa mga akdang pampanitikan. Pero mailalapat lamang ito kapag MA+KA ang panlapi ng iba’t ibang salitang ugat. Hindi ito applicable kapag ibang panlapi o higit sa 2 ang panlapi.

Hindi ito nasuri ng mga unang gramaryan (na mga prayleng Kastila), at hindi rin napag-aralan sa Balarila ng Wikang Pambansa.

Tingnan natin kapag ang panlapi ay MA- + KI. Walang magsasabi ng: makiUuso, makiKAkain, makiLIligo, at iba pang katulad, kundi maKIkiuso, maKIkiligo, maKIkikain, atbp. Tandaan: dapat na pangkalahatan ang tuntunin at mailalapat sa lahat ng kaso. Hindi selective at kailangan pang magbuo ng hiwalay na tuntunin para sa ibang mga kaso.

Bakit naman lumaganap ang anyong naKAkahiya vs. nakaHIhiya sa kabila ng paghihigpit ng ating mga guro at editor? Sadyang nagaganap ang ganyang ebolusyon sa isang modernisadong wika, gaya ng Filipino. Marami na itong tagagamit mula sa iba’t ibang panig ng ating bansa, hindi lamang mga taal na Tagalog ang nagsasalita nito. Sa proseso ng modernisasyon ng wika, mas pinapaboran ng mga tagagamit ang regular na anyo, hindi ang mga espesyalisado o labag sa tuntunin, o may sariling tuntunin. Mas inilalapat ang mga tuntunin sa pangkalahatan, hindi sa mga exception to the rule.

Kaya, huwag mahiyang gamitin ang Filipino sa lahat ng pagkakataon. Ano’ng malay natin, ang mali ngayon, baka maging tama bukas.

Sa puntong ito, nais kong ibahagi ang tungkol sa seminar na dinaluhan ko maraming taon na ang nakalilipas. Ang tagapagsalita ay premyadong manunulat at may mataas na posisyon sa isang kilalang unibersidad. Nang mga panahong iyon, mainit na pinagtatalunan kung alin ang tama: naKAkahiya o nakaHIhiya. Ang paliwanag niya: Kapag maliit na kasalanan lamang, tulad ng pangungupit, naKAkahiya. Pero kapag grabe na, tulad ng pandarambong sa kaban ng bayan, nakaHIhiya. (O baka nabaligtad ko?) Parang magandang paliwanag, sa isip ko noon na wala pang muwang sa linggwistika. Sa kalaunan, nalaman ko naman na hindi sangkot ang moralidad sa gramatika.

Ang sagot sa tanong na nasa pamagat: Alin ba talaga ang tama – naKAkahiya o nakaHIhiya? Parehong tama, variant ng isang salita, gamit ng iba-ibang tao sa iba-ibang panahon at okasyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -