26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

10 anyos na babae, National Master na

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng chess sa Pilipinas, iginawad sa isang babaeng manlalaro ang titulong National Master.

Kinumpirma ni Grandmaster Jayson Gonzales, chief executive officer ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa isang social media post nitong Sabado, na ipinagkaloob ng NCFP ang titulong National Master sa 10-anyos na si Nika Juris Nicolas ng Pasig City.

Grandmaster Jayson Gonzales, chief executive officer ng National Chess Federation of the Philippines, habang iginagawad ang National Master title sa 10-anyos na si Nika Juris Nicolas.

Ang National Master ay isang titulong ibinibigay lamang NCFP sa mga manlalaro na nakikipagkumpitensya sa mga open tournament na karaniwang dinodominahan ng mga kalalakihan

Katumbas nito ang Woman National Master title na ibinibigay naman sa mga babaeng chess players na nangunguna sa nabanggit na larangan.

Gayunpaman, si Nicolas ay nakikipagkumpitensya sa Open Division at sa kalalakihan at mas madalas na nananaig kontra sa mga ito.

Siya lamang ang natatanging babae na sumabak sa under-11 boys division, mula nang ito ay manguna sa national eliminations ng 2023 NCFP National Youth and Schools Chess Championships na ginanap sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Marso 24 hanggang 27.

Si Nicolas din ang bukod-tanging manlalaro sa kanyang dibisyon na nakapag-uwi ng mga medalya sa lahat ng tatlong kaganapan: isang pilak sa standard chess, isang pilak sa blitz, at isang tanso sa rapid, sa grand finals ng katatapos lamang na patimpalak kalaban ang mga batang lalaki na ginanap sa Dapitan City, Zamboanga del Norte mula Hunyo 2-9.

Dahil sa kanyang husay sa naturang paligsahan at sa pag-angat sa kanyang kasarian iginawad ng NCFP ang titulong National Master.

Ayon sa nakaugalian, ang mga titulo sa chess na ipinagkaloob sa mga lalaki ay mas mataas ang halaga kumpara sa mga kababaihan. Sa katunayan, ang world chess federation ay nangangailangan ng mas mataas na FIDE rating na batayan ng paggawad ng mga titulo ng chess tulad ng Grandmaster, International Master, FIDE Master, at Candidate Master.

Sa murang edad ni Nicolas ay maaaninag na maganda ang kinabukasan niya sa Philippine chess.

Nakatakda siyang sumabak sa Asean Age-Group Chess Championships sa Bangkok, Thailand na magaganap mula Hunyo 17-27, 2023 kung saan layunin din nitong makamit ang titulong Woman FIDE Master.

Nakatakda rin siyang lumahok sa 1st Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) National Interschool Championship na mangyayari sa susunod na buwan. Maglalaro siya para sa VCIS-Homeschool Global Chess Team kasama sina Woman National Master Antonella Berthe Racasa, Gabriel Ryan Paradero, Andrew Toledo at Aron Toledo. Ang coach ng koponan ay si Robert Racasa.

Samantala, ang mga magulang ni Nika na sina Nikki at Krisanto, parehong abugado, ay lubos din na ipinagmamalaki ang naabot ng kanilang anak sa kabila ng mga pagsubok at nasasabik sa magagawa pa nito sa hinaharap.

Mga Pilipinong kampeon sa chess

Sa nakalipas na ilang dekada, hindi nagpapahuli ang mga Pilipino sa larangan ng chess. Nagsimula ito nang maging Grandmaster si Eugene Torre sa edad na 22, siya ang unang Asyano na hinirang sa titulong ito matapos magwagi ng silver medal sa 21st Chess Olympiad sa Nice France noong 1974.

Bago pa man maging three-time U.S. chess champion si Wesley So, hindi rin makakalimutan ang naiambag niya sa ating bansa matapos itong magkampyon ng tatlong beses para sa Pilipinas. Naging Grandmaster siya noong taong 2008.

Sa kabuuan, ayon sa listahan ng International Chess Federation mayroon ng 10 Grandmasters at isang Woman Grandmaster ang bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -