SA bawat 100 na Pilipinong nagkaroon ng dengue, bumaba ang bilang ng namatay ngayong taon kumpara noong 2023. Nasa 0.26% ang Case Fatality Rate (CFR) ang naitala
ngayong Oktubre 26, na mas mababa kumpara sa CFR ng parehong panahon noong 2023 na pumalo sa 0.34%. Konektado ito sa mas pinaigting na kampanya ng Department of Health (DoH), na naglalayong mas mapalakas ang pag-iingat ng publiko laban sa dengue, kaakibat ng maayos na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan ng Kagawaran.
Nakapagtala ang DoH ng kabuuang 314,785 na kaso ng dengue sa buong bansa hanggang buwan ng Oktubre. Ito ay bumaba ng 8% mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 12, na may naitalang 21,097 na kaso kumpara sa 23,032 mula ika-15 hanggang ika-28 ng Setyembre. Maliban sa National Capital Region (mula 2,765 hanggang 3,002 na kaso), Central Luzon (mula 2,219 hanggang 2,351 na kaso), at Calabarzon (mula 2,907 hanggang 3,513 na kaso), walang naitalang pagtaas sa kaso ng Dengue sa ibang rehiyon sa buong bansa.
Inaasahan na ang naranasang ulan ang naging sanhi ng pagdami ng mga pinamamahayan ng lamok sa ilang rehiyon. Tinitiyak naman ng DoH sa publiko na handa ang mga ospital at
kawani nito upang rumesponde sa mga kaso ng Dengue. Kasama ang pagpapaigting ng Dengue Clinical Practice Guidelines para matiyak ang kahandaang ito.
Patuloy na nakikipagtulungan ang Kagawaran sa mga Local Government Units (LGUs) para sa mga hakbang laban sa dengue. Kabilang dito ang pagtutok sa paglilinis ng mga lugar na pwedeng pamahayan ng lamok, pagpapaalala sa publiko na magsuot ng maayos na damit
bilang proteksyon sa balat at paggamit ng mga mosquito repellant, at mas maagang konsultasyon sa doktor. Nagbigay din ang DoH ng diagnostic kits at insecticides.
“Nakikita sa ating datos na patuloy na bumababa ang kaso ng mga namamatay dahil sa Dengue. Pero hindi dapat tayo maging kampante dahil patuloy ang pag-ulan sa panahong ito. Ang ugnayan ng DOH at mga lokal na pamahalaan ay mahalaga para masigurong napananatili sa mga komunidad ang mga paraan para mapuksa ang dengue,” ani Secretary
Teodoro Herbosa.
“Dalasan at gawing regular ang paglinis ng paligid para hindi maipon ang tubig na pinamumugaran ng lamok. Magsuot ng damit na natatakpan ang karamihan ng balat; maglagay rin ng mosquito repellant lotion o spray. Kapag nakaranas ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng tiyan, mga pantal o iba pang sintomas, kumonsulta agad sa
doktor o health center para mailigtas sa kamatayan o sa mas malalang kaso ng Dengue ang pasyente,” dagdag ng Kalihim.