24.6 C
Manila
Miyerkules, Enero 29, 2025

Team Philippines, overall winner sa 2024 ICF Dragon Boat World Championship

- Advertisement -
- Advertisement -

ITINANGHAL ang Team Philippines bilang overall winner ng katatapos na 2024 International Canoe Federation (ICF) Dragon Boat World Championships na may temang “Paddle Together for Climate Action.”

Isinagawa ang nasabing paligsahan sa Puerto Princesa City Baywalk noong Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3, kung saan nasa 24 na mga bansa ang lumahok.

Nakakuha ang Team Pilipinas ng kabuuang 11 gintong medalya, 20 medalyang pilak at walong medalyang tanso.

Mismong si International Canoe Federation Dragon Boat chairman Wai-Hung Luk ang naggawad ng tropeo sa koponan ng Pilipinas sa closing ceremony noong Nobyembre 3.

Sinundan naman ang Pilipinas ng mga bansang Thailand, AIN (Athlete Individuel Neutre) o Individual Neutral Athlete, Ukraine, Canada, Hungary, Iran, Czech Republic, Poland, United States of America, Indonesia, Spain, Myanmar, HongKong, Singapore, Germany, India, Malaysia, Chinese Taipei, Sweden, Bulgaria, Cambodia, France at South Korea ayon sa kanilang ranking.

Ilan sa mga gintong nakuha ng Pilipinas ay mula sa kategoryang masters (mixed), 10 seaters by 200 meters; open (40 plus), 20 seaters by 500 meters; at ang open category, 20 seaters by 2,000 meters.

Sa mensahe ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron, binigyang diin nito na ang nasabing kaganapan ay isa sa hindi malilimutang karanasan at maitatatak na ito sa kasaysayan ng bansa at ng buong mundo.

Ayon pa kay Bayron, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginanap ang international sporting event sa South East Asia at mapalad ang Puerto Princesa na dito ito naganap.

Sa pagtatapos ng 2024 ICF Dragon Boat World Championships sa Pilipinas, partikular sa Puerto Princesa City, ay isinalin na ng Pilipinas sa pamamagitan ni Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation (PCKDF) president coach Leonora Escollante at International Canoe Federation Dragon Boat chairman Wai-Hung Luk ang bandila ng pagiging host ng Dragon Boat World Championships sa bansang Canada na magaganap naman sa July 2026. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -