ANG matabang lupa ng Cagayan Valley Region ay sagana sa iba’t-ibang klase ng gulay at prutas. Malaki ang pakinabang dito ng mga mamamayan subalit kung panahon ng anihan ay hitik ang mga ito sa bunga kaya naman halos patapon nalamang ito dahil hindi na mabenta.
Kabilang sa mga ito ang kamatis na itinatapon nalang sa gilid ng kalsada kung sobra sobra na sa ani, kasama rin ang mangga, balatong, mais, okra, kalabasa, kape, pinya at iba pa.
Dahil dito, itinatag ng Department of Science and Technology ang Food Innovation Center sa loob ng Cagayan State University upang magsilbing processing center para gawing kapaki-pakinabang at hindi masisira ang mga ani ng mga magsasaka.
Ayon kay Provincial Director Slyvia Lacambra kabilang sa mga matagumpay na naiproseso na ay ang okra chips, chichamatis, balatong chips, crispy melon, crsipy mabolo, crispy squash at ang crispy mixed veggies.
“We transform concepts into products helping our farmers so it must be resource-based. So lahat ng commodity na gagawin for product development ay dapat abundant then ipresent for technology transfer and commercialization through our SMEs, so from product development hanggang commercialization,” ayon kay Lacambra.
Ang ibang mga prutas naman na halos hindi pinapansin ay ginawang healthy drinks tulad ng turmeric tea, calabash juice, sambong tea, malunggay tea, guyabano tea, kalamansi juice at iba pa.
Ayon kay Lacambra, malaking tulong ang Food Innovation Center para turuan ang mga magsasaka kung papaano maiproseso ang kanilang mga ani na tiyak na mapagkakakitaan.
“Ang adhikain natin ay tulungan ang mga interesadong mga negosyante. Kung wala pang kapabilidad ang ating mga entrepreneur, they can use our equipment for product testing, market testing and for acceptability test ng ating mga consumers,” dagdag ni Lacambra.
Aniya marami na ang nagkakainteres na mga local entrepreneurs na nais mag-adopt sa mga likha ng DOST.
Malaking tulong ito hindi lamang para maiwasang masayang ang mga biyayang kaloob ng diyos kundi pati narin sa kabuhayan ng mga mamamayan at sa ekonomiya ng rehiyon. (OTB/PIA Region 2)