31 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

P2-M iaambag na tulong ng Bulacan sa mga binagyo sa Bicol, Batangas

- Advertisement -
- Advertisement -

MAG-AAMBAG ng P2 milyong tulong pinansiyal ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong ‘Kristine’ sa Bicol at Batangas.

Sa virtual meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Council na ipinatawag ni Gobernador Daniel Fernando, ipinasa ang tatlong resolusyon para rito na kukunin mula sa 2024 Local Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Partikular sa rehiyon ng Bicol, tinukoy na bibigyan ng tulong pinansiyal ang pamahalaang panlalawigan ng Albay at ang pamahalaang lungsod ng Naga.

Sa loob ng nasabing halaga ayon kay PDRRM Office Head Manuel Lukban, may halagang P1 milyon ang ipagkakaloob sa pamahalaang panlalawigan ng Albay.

Ito’y upang maitulong sa mga pamilyang pinaka-nasalanta ng bagyong ‘Kristine’ lalo na sa mga taga bayan ng Libon, Polangui, Oas, Guinobatan, Jovellar, Pioduran at Tiwi.

Samantala, may halagang P500,000 naman ang matatanggap ng pamahalaang lungsod ng Naga. Nakaranas ng napakalaking pagbabaha at matagal na paghupa ang nasabing lungsod matapos humagupit ang bagyong ‘Kristine’.

At pang-huli, ang pamahalaang bayan ng Talisay naman sa Batangas ay pagkakalooban ng halagang P500 libo.

Dumanas ang lugar na ito ng malawakang pagbabaha na sinabayan ng malalaking landslide na ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng bayan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -