29.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 8, 2024

Philippine Maritime Zones Act, batas na; Revilla sinaad na di magpapa-bully ang Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

TULUYAN nang naging batas ang Philippine Maritime Zones Act o Republic Act No. 12064 matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Byernes ng umaga.

Ang naturang batas ay pangunahing iniakda ni Senador Ramon Bong Revilla sa kanyang Senate Bill No. 852 na inihain niya noon pang Hulyo 25, 2022.

“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pag-apruba ng isa na namang batas na magpapalakas ng ating soberanya! Ang batas na ito ay magbibigay-linaw pa lalo sa ating sovereign rights sa maritime zones,” pahayag ni Revilla.

“Ngayon ay may mas matigas nang batayan kung ano ang sakop ng ating teritoryo,” dagdag niya.

Sinabi ni Revilla ito na ang hudyat para sa mas pinaigting at pinatibay na pagtindig para sa inang bayan dahil hindi na maaaring basta-basta pumasok at i-harass ang mga Filipino sa loob ng sarili nitong teritoryo.

Napapanahon aniya ang pagsasabatas ng Philippine Maritime Zones Act para ipakita na hindi magpapaapi ang mga Filipino sa mga dayuhan na yumuyurak sa ating soberanya at sumisira sa mga likas na yaman tulad ng ginawa ng mga dayuhan sa West Philippine Sea.

“Sakto ang pagpasa natin sa batas na ito upang ipagsigawan sa mga yumuyurak sa ating soberanya at nagwawasak sa ating mga likas na yaman: Hindi kami magpapakakimi at piping saksi sa inyong kalapastanganan. Hindi lalo kung nilalason niyo ang aming mga karagatan; hindi lalo kung inaapi ninyo ang aming mga mangingisda at inaagawan ng kabuhayan; at hindi lalo kung kinukutya ninyo ang aming bayan at mga umiiral na batas,” matigas na pahayag ni Revilla.

Ayon pa sa Senador, magpapalakas ito sa claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea at iba pang lugar sa Pilipinas na may territorial dispute.

Ibinahagi mula sa Tanggapan ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -