IBINULALAS ni Senadora Imee Marcos ang pagkadismaya sa umano’y “kakulangan sa maagap na babala” mula Pagasa, na naging dahilan ng napakasaklap na trahedyang ikinasawi ng 59 katao sa lalawigan ng Batangas at pagkawala ng 12 iba pa mula sa datos noong Nobyembre 2, dulot ng bagyong Kristine. Higit 20,965 na mga pamilya o may katumbas na 88,374 ang napilitang lumikas at pansamantalang naninirahan ngayon sa mga evacuation center.
“Kung sana nasabihan nang maayos ng Pagasa ang LGU na gano’n kalakas ang ulan, sana’y nakalikas ng maaga at ‘di namatay ang napakarami,” puna ng senadora.
“May sapat na pondo naman tayo, ngunit bakit sa tuwing may bagyo ay tila kulang ang mga abiso? Anong nangyari? Nagtaas pa ang badyet nila sa 2025, aba’y dapat hindi na mauulit ang ganitong sitwasyon,” dagdag pa niya.
Kung ikukumpara ang 2024 General Appropriations Act sa 2025 National Expenditure Program, tumaas ang badyet ng Department of Science and Technology ng P1.542 bilyon. Tumaas din ang Pagasa ng P290 milyon, mula P1.641 bilyon ay P1.931 bilyon na para sa 2025.
Bukod sa matinding pinsala sa ari-arian, nagresulta ang pagkawala ng kuryente at tubig sa mga komunidad, na tumagal nang ilang araw. Bagama’t hindi pa madaanan ang ilang kalsada, humupa na ang baha sa mga apektadong lugar, at patuloy ang clearing operations sa mga pinakaapektadong bayan tulad ng Laurel, Talisay, Agoncillo, Balete, at Cuenca.