30.3 C
Manila
Martes, Nobyembre 5, 2024

Gatchalian: Reset ng power distribution rate maaaring humantong sa mas mataas na Meralco refund

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pag-reset ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng power distribution rate para sa mga pangunahing distribution utilities (DU), tulad ng Meralco, ay maaaring humantong sa mas mataas na refund para sa mga konsyumer. Karaniwang ginagawa ang rate reset kada limang taon upang suriin ang gastos ng kumpanya at tiyaking makatuwiran ang singil sa mga konsyumer.

Ang pahayag ng vice-chair ng Senate Committee on Energy ay kasunod ng pag-estima ng Meralco na ang pagkumpleto ng ERC ng 5th regulatory reset nito na sumasaklaw sa mga taong 2022 hanggang 2026 ay maaaring magresulta sa refund na P16 bilyon para sa mga konsyumer.

“Naniniwala ako na mas mataas pa ang refund mula sa Meralco kapag natapos na ng ERC ang pag-reset ng distribution sa ilalim ng 5th regulatory period. Inaasahang mas malaki pa kaysa sa P16 bilyon na sinasabi ng Meralco,” sabi ni Gatchalian.

Ipinunto ni Gatchalian na ang weighted average cost of capital (WACC) ng Meralco, na isang input sa pagtatakda ng distribution rate, ay hindi na nagbago mula pa noong 2015. Ang kasalukuyang WACC para sa Meralco ay 14.97%. Mahalaga ang WACC dahil ito ang batayan ng regulasyon para sa tamang kita ng kumpanya habang pinapangalagaan ang interes ng mga konsyumer. Ginagamit ito para matukoy kung gaano kababa o kataas ang halaga ng returns na kailangan ng Meralco upang maging matatag at makapaghatid ng serbisyo sa kuryente.

Sinasabing paso na ang desisyon ng ERC sa ikalimang regulatory period (5RP) ng Meralco na sumasaklaw sa taong 2022 hanggang 2026 dahil sa sobrang delayed nito. Sa ganitong sitwasyon, ang binabayarang rate ng mga konsyumer ay hindi na katumbas ng current cost of service o kasalukuyang halaga ng serbisyo habang hinihintay ang pag-apruba ng panibagong rate. Nauna nang tinutulan ni Gatchalian ang desisyon ng ERC na huwag nang ituloy ang pagrepaso sa distribution rate ng Meralco para sa 5th regulatory reset dahil hindi nakakabuti sa mga mamimili ang naturang hakbang.

Sinabi ng senador na kumpiyansa siya na ang WACC para sa Meralco ay mas mababa sa kasalukuyang 14.97% kung matatapos lamang ang proseso ng pag-reset. “Sa tingin ko ay bababa ang WACC para sa Meralco kung makumpleto na ang pagsusuri, kaya para sa interes talaga ng mga mamimili kung ipagpapatuloy ng ERC ang pagrepaso nito sa mga rate para sa 5th regulatory period. Hindi dapat panatilihin sa 14.97% ang WACC ng Meralco dahil ang mga mamimili lang mahihirapan,” aniya.

Idinagdag ng mambabatas na dapat tugunan ng ERC ang pagkaantala sa pagsasagawa ng mga regulatory review sa mga industry player sa sektor ng enerhiya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -