PERSONAL na nakiramay si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa mga biktima ng malawakang landslide na sumalanta sa Barangay Sampaloc, Batangas, sa kasagsagan ng bagyong Kristine.
Binisita ni Tolentino ang burol at sumama sa paghahatid sa sementeryo ng 20 nasawi, na karamihan ay mga bata, kasama si Alkalde Nestor Natanauan noong Martes.
Sa panayam sa media, ‘di naitago ni Tolentino ang kanyang pagkadismaya sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa), at sabay ding nanawagan para sa pagbibitiw ng hepe nito.
Ayon sa senador, maiiwasan sana ang mga trahedya gaya ng sinapit ng Barangay Sampaloc kung nakakapagbigay ng mas malinaw at detalyadong ulat ang Pagasa, kabilang ang impormasyon kung gaano karaming ulan ang maaaring ibuhos ng bagyo.
“Ako ang nag-sponsor ng badyet ng Pagasa noong isang taon at sinikap naming maibigay ang pondo para sa mga makabagong kagamitan at himpilan na kailangan nila,” ayon sa senador. “Pero eto na naman tayo, kaharap ang mga lumamg problema.
Nang tanungin ng mga mamamahayag kung bahagi lang ang Pagasa ng pangkabuuang paghahanda ng pamahalaan sa mga parating na bagyo, itinugon ng senador na nakasalalay ang plano at aksyon ng pamahalaan sa ‘accurate weather data’ na magmumula sa Pagasa. “Paano naman magkakaroon ng ‘whole-of-government approach’ kung palyado ang datos mula sa Pagasa?” tanong nya.
“Sa pagdating ni Bagyong Leon, panawagan ko sa Pagasau na mag-anunsyo ng specific rainfall amounts. Dapat magkaroon ng mas malinaw na ideya ang mga tao kung gaano kabigat ang mangyayaring pag-ulan, kung ito ba’y doble o triple sa karaniwan, para sila ay mas makapaghanda,” ani Tolentino.
“Malapit na kapitbahay ng Tagaytay ang Talisay. Sa bawat kanilang pinagdadaanan ay kasama nila ako, dahil pareho kami ng mga pinagdadaanang karanasan at hamon. Noong pumutok ang Taal, ‘di sa pagbubuhat ng bangko, ako’y tumulong sa pagpapagawa ng pabahay para ligtas na mailikas ang 400 pamilya. Ngayon, andito ako muli para makiramay at samahan sila sa paghahatid sa huling hantungan ng kanilang mga mahal sa buhay,” pagtatapos ni Tolentino.