26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Duterte: Guilty ako!

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
BATAYANG prinsipyo sa hurisprudencia (usapin tungkol sa batas) na ang isang nasasakdal ay ipinagpapalagay na inosente hanggang hindi napatutunayan na nagkasala. Kaya nga, ang ginagawa ng hukom oras na naihain na ang impormasyon laban sa nasasakdal ay pinahaharap ito sa tinatawag na arraignment at doon ay tinatanong kung siya ay nagkasala o hindi. Sa pagkakataon lamang na ang nasasakdal ay sasagot ng “hindi nagkasala” papalaot ang kaso sa napakahabang proseso ng paglilitis upang sa pagpapasya na ng hukuman ay patunayan ang pahayag ng nasasakdal na siya ay hindi nga nagkasala.
Sa mga pahayag ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado kaugnay ng kanyang “giyera kontra illegal drugs,” ang hindi namalayan ng marami – maging ng dating Punong Ehekutibo – na siya bilang nasasakdal sa International Criminal Court (ICC) ng extra-judicial killings o mga iligal na pagpatay (20,000 counts kumbaga, ayon sa mga balita) ay para-para na ring ipinaraan sa arraignment proceedings, na roon ay tinanong siya ng hukom: “Ikaw ba ay nagsusumamo na nagkasala o hindi nagkasala?”
Napakainteresante ng kasagutan ni Duterte, winika sa kanyang kilala nang klasikong pamamaraan:
“…once and for all, malaman natin ang totoo. So I would like to request na huwag ninyo akong ituring na president o kaibigan. Treat me as your witness. Tingnan natin kung lalabas yung totoo.”
Kagaya ng namamasdan natin, mahabang pasakalye sa dapat na napakaiksing kasagutan: “Guilty” o “Not guilty.”
Subalit sinasaliksik natin ang katotohanan, halukayin natin ito hanggang sa kaliit-liitang himaymay.
Patuloy ng dating PRRD:
“So with your permission… At maraming salamat po sa inyong lahat for inviting me here. I’d  like to start… My mandate as President of the Republic was to protect the country and the Filipino people. Do not question my policies. Because I offer no apologies. No excuses. I did what I had to do. And whether you believe it or not, I did it for my country. The war on illegal drugs is not about killing people. It is about protecting the innocent and the defenseless. The war on drugs is about the eradication of illegal substances such as shabu, cocaine, heroine, marijuana, party drugs and the like as a menace that ruins people, communities and families and their relationships, that tears apart the social fabric which binds society together in peace and harmony and brotherhood.
Ulitin natin sa katutubong lenggwahe upang maiwasan ang di pagkakaunawaan.
“Ang aking mandato bilang Pangulo ng Republika ay ang pangalagaan ang aking bansa at ang sambayanang Pilipino. Huwag ninyong kwestyunin ang aking mga patakaran. Sapagkat hindi ako hihingi ng anumang kapatawaran. Walang mga pag-iwas sa bigat ng mga nagawa. Ginawa ko ang dapat kong gawin. At sa maniwala kayo at sa hindi, ginawa ko iyun para sa aking bayan. Ang giyera laban sa ipinagbabawal na gamot ay hindi tungkol sa pagpatay ng mga tao. Ito ay tungkol sa pangangalaga sa mga inosente’t walang pananggol sa sarili. Ang giyera laban sa droga ay tungkol sa pagpalis sa mga bawal na gamot tulad ng shabu, cocaine, heroine, marijuana, party drugs at mga kahalintulad nito, mga salot na wumawasak sa mga tao, mga pamilya at mga komunidad at kanilang mga pagsasama-sama, pinaggugutay-gutay ang habing sosyal na nagbubuklod sa lipunan sa mapayapang pamumuhay, magkasundo at nangagkakapatiran.”
Tampok sa pambungad na pahayag ng dating pangulo ay ang kanyang salaysay sa panahon ng kanyang pagtuturo sa akademya ng pulisya sa Davao. Prosecutor na siya noon at upang maragdagan ang kanyang kita, nagturo siya sa akademya. Pinakadiin-diin niya sa kanyang mga istudyante na “self preservation” ang pangunahing batas ng kalikasan. Sa gawain ng pag-aresto sa isang kriminal, hindi dapat na daanin sa pakiusap.
“You must overcome the resistance (Kailangan mong pangibabawan ang paglaban) kung ayaw sumuko. At kung may baril, mamamatay ka. Barilin mo sa ulo. Patayin mo. At least, that is one  criminal less in the community.”
Sa takbo ng pagdinig, inamin ni Duterte na ang ganung turo sa mga pulis ay dala-dala niya sa buong haba ng kanyang panunungkulan bilang mayor ng Davao City hanggang maging presidente ng Pilipinas  noong 2016.
At sa partikular na usapin ng mga EJK na ibinibintang sa kanya,
sinasangkalan pa rin ang primordyal na prinsipsyo ng self-preservation, ganito ang kanyang matapang na pahayag: “I encouraged them all.”
Kung Tatagalugin, ito ang kanyang ultimong pag-amin: “Inudyukan ko silang lahat.”
Pinanindigan ni Duterte na lahat ng kilos ng mga pulis alinsunod sa kanyang order ay kanyang pinananagutan.
“I have tried to do the best I can to address the problem of illegal drugs firmly and without compromise. For all its excesses and shortcomings, I and I alone take full legal responsibility.”
Sa wikang Pilipino, ito ang walang pasubali niyang sinabi: “Sinikap kong gawin ang pianakamagaling kong magagawa upang matatag at walang kompromisong matugunan ang problema ng bawal na gamot. Sa kabila ng  mga  pagmamalabis at mga kahinaan nito, Ako at Ako lamang ang umaako ng kabuuang ligal na pananagutan.”
Sinasangkalan ang ganung pahayag ng dating pangulo, tinanong siya ni Senador Risa Hontiveros kung pinananagutan din niya ang pagpatay kay Kian de los Santos na ibinibintang sa mga pulis. Naalaala ko ang isang kuha ng CCTV na nagpapakita sa binatilyo na hila ng ilang pulis papasok sa pagitan ng malalapad na poste ng LRT at sa paglabas ng mga pulis mula sa sulok na iyun, hindi na nila kasama ang binatilyo; kinabukasan, laman ng mga balita na natagpuan si Kian na patay sa sulok na iyun.
Mainit ang naging palitan ng argumento ng dating pangulo at ng senador. Ayon kay Duterte, iyun ay kriminal na responsibilidad.
“Magtanong ka muna sa abogado. Hindi iyan tatanggapin sa korte.”
Pansamantalang itinigil ang pagdinig upang bigyan ng pagkakataong lumamig ang mga ulo.
Sa mga salita ni Duterte, dalawang klase ng responsibilidad ang pinagtatalunan.
Una, ang ligal na responsibilidad, na sabi nga niya ay “Ako at Ako lamang” ang umaako. At pangalawa, ang kriminal na responsibilidad, na sabi rin ni Duterte ay hindi titindig sa korte kung ipaako sa kanya.
Lumilitaw sa pag-amin ni Duterte na bagama’t “Ako at Ako lamang ang umaako sa ganap na ligal na responsibilidad” sa mga “pagmamalabis at mga kahinaan” ng giyera kontra droga, wala siyang anomang kriminal na pananagutan dito.
Sa ganang kolum na ito, sapat na ang ipaalaala sa mga mambabasa ang mga salitang binitiwan ng  abogado ng mga natalong Nazi sa selebradong “Judgment at Nuremberg” noong Oktubre 1946. Wika ng abogado, “Not all that’s legal is moral.”
Hindi lahat ng ligal ay makatarungan.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -