29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Kahandaan ng senior high school graduates sa kolehiyo at trabaho pinatututukan ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Habang nakatakda ang Department of Education (DepEd) na repasuhin ang pagpapatupad ng senior high school (SHS) program, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangang tutukan ang kahandaan ng mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.

Nababahala si Gatchalian na bagama’t isang dekada na ang lumipas simula ng isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law, bigo ang programa na tuparin ang pangako nitong ihanda ang mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.

Ang mga graduate ng Technical-Vocational-Track (TVL) strand, halimbawa, ay hindi nakakatanggap ng certification matapos ang kanilang graduation na magbibigay sana sa kanila ng mas mataas na tsansang makapasok sa trabaho.

Pinuna ni Gatchalian na 6.8% lamang ang certification rate sa 473,911 TVL graduates para sa School Year 2020-2021. Sa kabilang banda, sa 32,965 na kumuha ng national certification para sa school year na iyon, 31,993 o 97.1% ang pumasa.

Dahil maituturing na sagabal para sa mga senior high school graduates ang gastos sa pagkuha ng National Certificate (NC) I o II, iminumungkahi ni Gatchalian na sagutin na lang ng gobyerno ang certification ng mga senior high school graduates.

Dagdag pa ng senador, kailangan ng ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matiyak ang mas maayos na transition ng mga senior high school graduates.

Ayon sa isang tracer study ng DepEd, kabilang sa mga isyung kinakaharap ng mga senior high school graduates na nagpatuloy sa kolehiyo ang hirap ng mga subjects at hindi pag-credit sa mga ito. Bagama’t nagpapatupad ang ibang pamantasan ng bridging programs, nagiging dagdag na gastos ito para sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya, sabi ni Gatchalian. Isa pa, hindi rin lahat ng pamantasan at kolehiyo ang nagpapatupad ng bridging program.

Upang tugunan ang mga hamon sa senior high school program, inihain ni Gatchalian ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022) na layong patatagin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, nga paaralan, at mga katuwang sa industriya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -