HUWAG sanang haluan ng pamumulitika ang imbestigasyon ng Senado sa “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naging hiling ito ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa pagdinig na ginanap nitong Lunes.
Ani Padilla, totoong malaki ang banta ng iligal na droga at ng mga sindikatong sangkot dito dahil kahit sa loob ng New Bilibid Prison — kung saan siya nakulong ng ilang taon — ay doon niluluto ang droga.
“Napag-usapan po natin ang mga biktima ng sinasabing war on drugs pero hindi po natin napagusapan ang mga biktima ng mga durugista, kung paano pinapatay ang kanilang mga anak, pinapatay ang kanilang mga asawa, pinapatay ang kanilang mga kapitbahay, kung paano sinira ng droga ang buhay ng mga pamilya ng OFW,” aniya.
“Totoo po ang buhay ng isang tao, yan ay bigay ng Diyos, yan ay kayamanan, yan ay regalo sa atin ng Diyos. Pero mga mahal kong kababayan, ang atin pong bayan ay nasa bingit ng napakalaking kapahamakan. Kung hindi po titindig ang ating kapulisan, kung hindi tatayo ang ating law enforcement, tayo ay tatalunin ng mga sindikatong naghahari nagluluto ng droga kung saan saan,” dagdag niya.
Giit ni Padilla, nagkakamali ang tao kung isisisi nila ang lahat na namatay sa “war on drugs” sa administrasyon ni dating pangulong Duterte. Ayon sa kanya, problema na ng buong mundo ang droga.
“Kung walang tatayo para lumaban dito paano ang kinabukasan ng mga anak natin? Paano ang kinabukasan ng bayan natin?” tanong niya.