KASUNOD ng pananalasa ng Bagyong Kristine, binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos ang pangangailangang maglaan ng pondo para sa green infrastructure sa 2025 budget upang matugunan ang mga suliranin sa bagyo at pagbaha.
“Magsimula tayo sa mga simpleng solusyon sa antas ng pamayanan, tulad ng pagpapalawak ng mga bakawan at pagtatanim ng mga katutubong bayog o Bambusa spinosa, na dati nang ginagamit sa tradisyunal na pabahay at panggawa ng gabion sa bansa, sa tabi ng mga ilog,” ani Marcos.
Iminungkahi rin niya ang paggamit ng mga permeable na materyal bilang pamalit sa mga semento o “gray infrastructure.” Dagdag pa rito ang pagbuo ng pilot model ng isang “sponge city” na kayang sumipsip at makatayo sa malalakas na pag-ulan, katulad ng mga proyekto sa bansang China at India.
Sa 2025, inaasahang aabot sa P1.28 trilyon ang budget para sa imprastruktura. Binigyang-diin ni Marcos na dapat isama ng gobyerno ang green infrastructure sa kauna-unahang pagkakataon. “Lagi na lang naka-focus ang budget sa gray infrastructure na puro kongkretong estruktura, pero hindi natin maikakaila na ang mga ito ay hindi permeable at hindi kayang sumipsip ng tubig-ulan,” paliwanag ni Marcos.
“Kailangan nating mag-invest sa mga solusyon tulad ng vertical parks, rooftop gardens, at void decks. Lumalala na nang mas mabilis ang epekto ng climate change kaysa sa inaasahan; panahon na para maglaan ng pondo para sa mga green spaces kahit sa mga urbanisadong lugar. Oo, magastos ang pagtatayo ng malalaking underground cisterns tulad ng sa Amsterdam at Singapore, pero mas mahal ang magiging kabayaran kung buhay, negosyo, at tahanan naman ang masisira,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ng United Nations, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakamahina sa mga sakuna. Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa green infrastructure, mapapalakas ang kakayahan ng bansa na makibagay sa epekto ng climate change.