Bilang pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng mataas na pagpapahalaga ang edukasyon ng mga kabataang Pilipino, naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P138.77 bilyon para sa mga programa at inisyatibo sa Higher Education sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
“Sinasalamin nito ang pangako ng administrasyon na i-empower ang mga kabataan. Ang Presidente na po mismo ang nagsabi na ang edukasyon ang tanging legasiya na maipapamana natin sa ating mga kabatan na hinding-hindi masasayang. Tunay po na ang edukasyon ang ating pinakamahalagang pamumuhunan para sa bayan,” sabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman.
“Ito rin ay alinsunod sa pangako ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tulungan ang sektor na lumikha ng mga graduate na kayang makakuha agad ng trabaho,” dagdag pa ng Kalihim.
Mapupunta ang P138.77 bilyong pondo sa Higher Education para sa State Universities and Colleges o SUCs (P107.04 billion) at sa Commission on Higher Education o CHED (P31.73 billion).
Gagamitin ang bahagi ng pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Program (UAQTE) na may P45.80 bilyong budget.
Ilan pang mga programang pang-edukasyon ang pinaglaanan ng pondo para sa 2023. Kasama na rito ang Student Financial Assistance Programs na may P1.52 bilyong pondo. Layon ng mga programang ito na bigyan ng scholarship at grant-in-aid programs ang 21,053 estudyante.
Nasa P500 milyon naman ang inilaan para sa Medical Scholarship and Return Service Program na magbibigay tulong sa natatanging medical students na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at pagsasanay, kapalit ang kanilang serbisyo sa mga pampublikong health offices at mga ospital.
Samantala, nagkakahalagang P167 milyon naman ang nakalaan para tulungang bayaran ang matrikula ng mga medical students sa SUCs.