26.4 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Tagisan ng patakarang fiscal at patakarang pananalapi

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG problema ng mabilis na inflation rate at malawakang desempleyo ay nagpapahina sa katatagan ng ekonomiya. Bilang tugon sa mga problemang ito, ang pamahalaan ay nagpapatupad ng mga patakarang ekonomiko upang sugpuin ang mahinang katatagan ng ekonomiya. Ang dalawang pangunahing patakarang ekonomikong ginagamit ay patakarang fiscal at patakarang pananalapi. Ang patakarang fiscal ay natutungkol sa pamamahala ng katatagang ekonomiko sa pamamagitan ng pagbabago sa gugulin ng pamahalaan at pagbubuwis nito. Samantala, ang patakarang pananalapi ay natutungkol sa pagbabago ng suplay ng salapi o pagbabago sa interest rate upang maapektuhan ang gugulin ng iba’t ibang sector ng ekonomiya.

Sa panahon ng resesyon o matamlay na lagay ng ekonomiya ang ipinatutupad ay mapagpalawak na patakarang fiscal at mapagpalawak na patakarang pananalapi. Samantala sa panahon sa mabilis na pagtaas ng pangkalahatang presyo ang ginagamit ay makitid na patakarang fiscal at mahigpit na patakarang pananalapi  upang kontrolin ang labis na paglaki ng mga guguglin relatibo sa paglaki ng produksiyon o pambansang kita.

Noong dekada ng 1930 naranasan ng maraming bansa ang pagbagsak ng kanilang ekonomiya na tinawag sa kasaysayan na Great Depression. Sa panahong ito tumanyag ang pananaw ni John Maynard Keynes, isang ekonomistang Ingles, na nagpanukala na mas epektibo ang mapagpalawak ng patakarang fiscal kaysa magaan na patakarang pananalapi sa pagsugpo ng malawakang resesyon. May tatlong pangunahing argumento si Keynes upang isulong ang kanyang panukala. Una, ang dagdag na gugulin ng pamahalaan ay nagdudulot ito ng mas malawak sa gugulin at kita sa ekonomiya bunga ng multiplier effect. Ang multiplier effect ay ang mga dagdag na gugulin at kita mula sa naunang gugulin ng pamahalaan. Halimbawa, ang PHP100 milyong gugulin ng pamahalaan sa imfrastruktura ay nagbibigay ng trabaho at kita sa mga manggagawa at iba pang kompanyang nagbebenta ng mga hilaw na sangkap sa pamahalaan at muli naman nilang ginagamit ito bilang gugulin na pagpapadag kita sa mga nagbenta sa kanila. Ang siklo ng dagdag na gugulin at epekto nito sa kita ay nagpapatuloy kaya’t maaaring maging PHP 250 milyon ang multiplier effect ng naunang PHP100 milyong gugulin ng pamahalaan.

Ikalawa, ang iba’t ibang pangunahing gugulin ng ekonomiya tulad ng pagkonsumo, pangangapital at pagluluwas ay maraming limitasyon sa pagpapasigla sa ekonomiya sa panahon ng resesyon. Walang trabaho ang mga tao kaya’t mahirap nilang dagdagan ang kanilang pagkonsumo. Samantala, ang mga negosyante ay itinitigil ang pagdagdag ng kapasidad sa kanilang pabrika dahil matamlay ang ekonomiya at kakaunti ang bibili sa kanilang dagdag na produksyon bunga ng dagdag na pangangapital.  Ang pagluluwas rin  ay hindi  mabisang alternatibo dahil bagsak din ang mga ekonomiyang bumibili ng mga produktong iniluluwas ng mga bansa. Ikatlo, ang paggamit ng patakarang pananalapi na nagdaragdag ng suplay ng salapi upang magamit sa mga gugulin ay hindi mabisang patakaran sa panahon ng resesyon. Ang dahilan ayon kay Keynes ay nakararanas ng liquidity trap ang mga mamimili at negosyante. Ibig sabihin hindi ginagamit ng mga mamimili at negosyante  sa iba’t ibang gugulin ang dagdag na salapi bagkus ay iniimpok o itinatago nila ito.

Ang pananaw na ito ni Keynes ay tumanggap ng batikos sa mga klasikal na ekonomista na nagsasabing ang mapagpalawak na patakarang fiscal ay maaaring magdulot ng pagsisiksikan sa bilihan ng pondo o crowding out effect. Upang tustusan ang dagdag na gugulin ng pamahalaan maaari itong mangutang sa bilihan ng mga pondo at ito ay magpapataas sa interest rate na lalo pang magpapahina sa pangangapital ng mga negosyante kayat wala ring epekto ang mapagpalawak na gugulin ng pamahalaan upang pasiglahin ang ekonomiya. Isa pang kritisismo ay natutungkol sa epekto sa pagkonsumo ng dagdag na pangungutang ng pamahalaan upang tustusan ang gugulin nito.  Nagpapatabang ito sa pagkonsumo ng mamimili dahil inaasahan nilang tataas ang buwis upang bayaran ang utang ng pamahalaan kaya’t liliit ang kanilang pagkonsumo.


Samanatala, sa  panahon ng mabilis na inflation, mas mabisa ang patakarang pananalapi dahil napakalaki ng isasakripisyo ng ekonomiya kung hihigpitan ng pamahalaan ang gugulin nito. Una, magbabawas ang pamahalaan ng tulong sa mga maralitang mamamayan na maaaring mauwi sa paglaganap ng karalitaan. Sa makitid na patakarang fiscal maaaring ding magbawas ang pamahalaan ng empleyo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Ikatlo, nanganganib din ang bansa sa pagbabawas ng pamahalaan ng pagbabayad ng dayuhang utang nito. Samantala, ang mahigpit na patakarang pananalapi ay madaling maisasagawa ng bangko sentral na mauuwi sa pagtaas na interest rate. Dahil nagiging mahal ang presyo ng salapi at gastos sa pangungutang maaring bumaba ang guguling pagkonsumo ng mga mamimili at liliit din ang pangangapital ng mga negosyante.

Ang mahigpit na patakarang pananalapi ay mayroon ding kakulangan at mga sakripisyo. Binanggit na natin ang liquidity trap na naghahayag ng kawalang bisa ng patakarang pananalapi. Idagdag pa rito, ang pagpapabagal ng mga gugulin sa pamamagitan ng pagtaas ng interest rate ay maaaring mauwi hindi lamang sa malawakang desempleyo sa maraming sector ngunit ang pagbagal ng paglaki ng ekonomiya.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ang patakarang fiscal at patakarang pananalapi ay nagtatagisan. Kung minsan, ang dalawang patakarang ito ay nagtutulungan upang mapalawak ang pambansang kita.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -