Nang dahil sa tinatayang 6.5 milyong housing backlog ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), humingi ng suporta ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa Mandaluyong Local Government Unit (LGU) para sa posibleng high-rise urban poor condominium project.
Sa isang pagpupulong kasama si Mandaluyong City Vice Mayor Carmelita “Menchie” Abalos noong ika-3 ng Mayo, tinalakay ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson/CEO, Undersecretary Elpidio R. Jordan Jr., ang mga posibleng proyekto na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga sektor ng maralitang lungsod, kabilang ang posibleng high-rise condominium project sa lungsod.
Matatandaang ang Mandaluyong City LGU ay isa sa matagal ng kaagapay ng PCUP sa pagpapatupad ng mandato nito para sa urban poor communities at informal settler families kabilang ang pag-alalay sa pagsasagawa ng taunang Urban Poor Solidarity Week Celebration. Bago ang pagpupulong na ito, nakipag-usap din si Undersecretary Jordan Jr., kay Mandaluyong Mayor Benjamin Abalos na positibong nagpahayag ng kanyang suporta para sa mga susunod pang proyekto ng komisyon.
Mula nang magsimula ang administrasyon ni Undersecretary Jordan Jr., ang Presidential Commission for the Urban Poor ay nakatutok sa pagpapalakas ng kanilang pakikipagtulungan sa pribadong sektor at iba’t ibang Local Government Units sa buong bansa upang kumalap ng suporta para sa 4 na Banner Programs nito.
Kabilang sa mga banner program ng komisyon ay ang isa pang housing initiative na Piso Ko, Bahay Mo. Ang programang ito ay naglalayong magbigay ng ligtas at sapat na pabahay para sa mga homeless urban poor family lalo na ang mga apektado ng court-ordered demolitions and evictions. Layunin din ng programa na hikayatin ang partisipasyon ng pribadong sektor upang makatulong na maibsan ang lumalaking backlog ng pabahay sa bansa.