26.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Mga hakbang laban sa political dynasty noon at ngayon

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng papalapit na halalan, muling lumutang ang usapin tungkol sa mga political dynasty sa Pilipinas. Kamakailan lamang, naghain ng petisyon ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) upang ma-disqualify ang mga kandidatura ng ilang politiko.

Kabilang sa pinangalanan ng ANIM na may political dynasty sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Speaker Martin Romualdez, Senador Cynthia Villar, Gobernador ng Ilocos na si Matthew Marcos Manotoc, at Bise Gobernador ng Catanduanes na si Peter Cua. Naniniwala ang grupo na ang mga ito ay lumalabag sa Konstitusyon dahil sa pagpapatuloy ng kanilang mga pamilya sa pulitika.

Ang partikular na talata sa Konstitusyon na tinutukoy: Artikulo II Seksyon 26. Isinasaad dito: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”

Ngunit sa loob  ng  37 taon simula nang maisulat ang Konstitusyon, hindi pa  nabigyang-kahulugan ng batas kung ano ang ‘political dynasty.”


Trabaho ng kongreso-Mataas at Mababang Kapulungan, ang pagbibigay kahulugan dito.

At sa petisyon nga ng ANIM, mga mambabatas mismo ang ilan sa pinangalanan nitong umano’y lumalabag sa Konstitusyon patungkol sa political dynasty.

Hinikayat ni Alex Lacson, ang pangunahing abogado ng ANIM para sa Anti-Dynasty Campaign nito ang publiko na magsampa ng hiwalay na disqualification cases laban sa mga dinastiya sa kanilang lugar sapagkat, aniya, madidisqualify lamang ang mga kandidatong ito kung may magsasampa ng kaso laban sa kanila.

Nag-alok ang grupo ng tulong sa mga nais maghain ng petisyon para sa disqualification ng mga kandidato. “We in ANIM are willing to help the people. The public may reach us at [contact information]. We can send them the pro-forma petition for disqualification, whether against a congressman, governor or mayor. They will just fill in the blank. We will also provide a step-by-step guideline,” ani retired Army captain Roberto Yap.

- Advertisement -

Sa kanilang petisyon, binigyang-diin ng ANIM ang malinaw na intensyon ng mga nagbalangkas ng Konstitusyon na hindi dapat makapasok sa pulitika ang mga kamag-anak (asawa, anak, magulang, at kapatid) ng mga nagtatapos na kongresista, gobernador, o alkalde.

Ang mga petitioner ng ANIM, na pinangunahan nina Bishop Colin Bagaforo at Bishop Gerardo Alminaza ng Caritas Philippines, ay nagpahayag ng kanilang pagtutol sa mga political dynasty dahil sa kanilang paniniwala na ang mga ito ay nagiging sanhi ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.

“They have turned politics into a family business, using the machinery of our government, for their personal enrichment rather than the public good,” sabi ni Bagaforo.

Samantala, sinabi naman ni Alminaza na marami sa mga pulitiko ang nawawalan ng “delicadeza” at hindi na nagbibigay-pansin sa mga prinsipyo ng mabuting pamamahala.

Ang kampanya ng ANIM ay naglalayong palakasin ang boses ng mga mamamayan laban sa mga political dynasty at upang maisulong ang tunay na demokrasya sa Pilipinas. Naniniwala sila na ang pagbabago ay magsisimula sa pagpapalakas ng mga mamamayan at sa pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa political dynasty.

Sa isang artikulong nalathala sa UP Halalan, sinabi dito ang mga panukalang batas na inihain laban sa political dynasty mula nang unang isampa ito ni dating Senadora Miriam Defensor Santiago sa first regular session ng 13th Congress.

- Advertisement -

Naganap ang ikalawang pagtatangka ng muli itong ihain sa first regular session ng 15th Congress noong Enero 24, 2011.

Sa Mababang Kapulungan naman, nakatatlong dekada muna simula ng ilabas ang 1987 Constitution bago nagkaroon ng anti-political dynasty bill na inihain ni Representative Fredenil Castro noong Mayo 6, 2014.

Sinundan ito ng House Bill No. 911 na inihain ni Representative Herminio Roque Jr noong Hulyo 4, 2016.

At ang huli, sa Senado, nitong Marso 21, 2018 na ipinanukala nina Senador Panfilo Lacson, Franklin Drilon, Joseph Victor Ejercito, Grace Poe, Loren Legarda, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Leila De Lima, Francis Pangilinan at Joel Villanueva noong 17th Congress.

Sa SB 1765 o the Anti-Political Dynasty Act of 2018, inilarawan nito kung ano ang political dynasty-“concentration, consolidation, and/or perpetuation of public office and political powers by persons related to one another within the second degree of consanguinity or affinity.”

Muli, natapos ang sesyon kung saan isinampa ang panukala, na nakaabot lamang sa unang pagbasa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -