28.9 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Gatchalian: Blended learning ipatupad sa gitna ng pinangangambahang El Niño

- Advertisement -
- Advertisement -

Muling hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga punong-guro at mga school heads na magpatupad ng blended learning sa kabila ng napakainit na panahon.

Ipinanawagang muli ito ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education matapos baguhin at i-upgrade ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang warning status sa El Niño Alert mula El Niño Watch. Ayon sa ahensya, maaaring mangyari ang El Niño sa Hunyo, Hulyo, at Agosto at maaaring magpatuloy ito hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024.

“Ang pinakaimportanteng responsibilidad ng principals natin ay ang kapakanan o kalagayan ng ating mga estudyante. Kung nakikita nila na sobrang init o may bagyo o anumang hindi maganda sa kanilang lugar, pwedeng mag-cancel ng klase ang ating principals. Pwede rin sila ngayong mag-blended learning,” ani Gatchalian.

Iniulat kamakailan ng Department of Education (DepEd) na nagpapatupad na ang ilang mga paaralan ng blended learning sa gitna ng napakainit na panahon, kung saan isinasagawa ang face-to-face classes sa mga oras na may mas maginhawa at komportableng temperatura at sinasabayan din ng pagtuturo gamit ang alternative learning delivery modes.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, kailangang ipatupad ang modular distance learning, performance tasks, projects, o make up classes kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase. Ito ay upang matiyak na nagpapatuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Matatandaang ipinanukala ni Gatchalian ang pagbabalik ng dating schedule ng summer vacation. Matatandaang bago ang School Year 2020-2021 noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, ang bakasyon ay Abril hanggang Mayo.

Bagama’t aminado ang senador na matatagalan pa bago bumalik sa dating schedule ng school calendar, binigyang diin niya ang mga benepisyo sa pagbabalik sa nakagawiang schedule ng bakasyon. Aniya, pagkakataon para sa mga mag-aaral na makasama ang kanilang mga pamilya tuwing tag-init kung saan madalas isinasasagawa ang mga family outing.

Dagdag pa ng senador, isinasagawa sa buwan ng Mayo ang eleksyon. Kung maibabalik sa dating schedule ng summer break, magiging mas maayos ang paghahanda para sa eleksyon dahil wala ang mga mag-aaral sa paaralan, ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -