26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

EVOSS magbibigay daan sa mas maraming offshore wind energy projects — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) system ay inaasahang makaakit ng mga mamumuhunan dahil sa isang streamlined permitting process para bumuo ng mas maraming offshore wind (OSW) energy projects sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na ang kalalabas lamang na Executive Order No. 21 ay higit na magpapahusay sa pagpapatupad ng EVOSS System kung saan inaasahang magbibigay daan ito para sa pagbuo ng mas maraming renewable energy projects, partikular na ang mga OSW, lalo na’t pinasimple na ang permitting process.

“Sa pagpapalakas ng offshore wind power, mababawasan na ang pagiging dependent ng bansa sa imported na gasolina at mapapabilis pa ang energy transition. Magsusulong rin ito ng mas kaaya-ayang investment environment na magbibigay ng mga trabaho at magpapalakas ng ekonomiya,” sabi ni Gatchalian, ang punong may akda ng Republic Act 11234 o ang EVOSS Act.

“Isinabatas ang EVOSS upang i-streamline ang proseso ng pagpapahintulot ng power generation, transmission, at distribution projects. Sa madaling salita, layon ng batas na tanggalin ang red tape sa sektor ng enerhiya. Inaasahang maisasakatuparan ang layuning ito upang maengganyo ang mas maraming mamumuhunan,” dagdag niya.

Natukoy ng Philippine Offshore Wind Roadmap ang kabuuang technical potential capacity na 178 gigawatts na maaaring gamitin mula sa mga offshore wind resources.

Ang EO 21 ay nagmamandato sa Department of Interior and Local Government (DILG) na magsumite sa Department of Energy (DOE) ng kumpletong listahan ng mga naaangkop na permit na kinakailangan ng mga local government units, kabilang ang requirements, bayad, at pamamaraan, na isasama sa EVOSS platform. Ang lahat ng permitting agencies ay inaatasang tiyakin ang mahusay at napapanahong pagproseso ng mga permit. Kailangan din nilang sundin ang time frame ng EVOSS.

Target ng Philippine Energy Plan 2020-2024 na taasan ang renewable energy (RE) contribution sa power generation mix mula 22% hanggang 35% RE share sa 2030, at 50% RE share sa 2040.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -