28.9 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Paano kung mas mataas ang kita ng babae sa mag-asawa?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, natural lang ba na mas malaki ang kita ng babae kesa sa lalaki sa mag-asawa?

Bakit naitanong mo, Juan?

Kasi, Uncle, yung kaopisina kong babae, sabi niya  sa kin na siya lang daw ang nagtratrabaho at yung asawa daw nya’y yung tinatawag na “house husband” na nag-aasikaso ng bahay at mga anak nila.

Ganun ba? Naku, uso na nga yan ngayon. May mga pagkakataon talaga na mas kumikita ang  mga kababaihan kaya ang mga lalaki ang naiiwan sa bahay para gawin ang normal na nakagisnan nating ekspektasyon sa mga babae pagdating sa tahanan at pamilya.

Masama ba yun? May mga problema bang nadudulot ang ganyang situwasyon?

Sa ibang bansa, tulad ng Amerika, sinasabi ng ilang pag-aaral na ito ay sanhi ng divorce o paghihiwalay ng mag-asawa. Ito ay dahil sa tensyon na mamamagitan sa mag-asawa tungkol sa ano nga ba ang tama’t nararapat na role ng lalaki at babae na naaayon sa traditional na perspektibo ng ating lipunan.

Sinasabi rin na pag ang babae daw ay mas maganda ang kita sa asawa, ang mga lalaki daw ay may mataas na potensyal na manloko o mambabae para mabawi ang nabawasang self-esteem at kumpiyansa sa sarili na kadalasa’y nangyayari kapag ang lalaki’y financially dependent sa babae.

Pero kahit na mas kumikita na ang babae, hindi pa rin daw nababawasan ang kanilang mga household duties tulad ng pag-aalaga sa mga anak o ang pagpapatakbo ng mga kailangan sa bahay tulad ng pagbili at pagluluto ng pagkain o ang pagaasikaso ng mga damit o labahin.

Sa Pilipinas, malaking isyu pa rin ang gender pay gap kung saan mas mataas pa rin ang kita ng mga lalaki kesa sa mga babae sa mga partikular na kategorya ng trabaho.

Pero, unti-unting nagbabago na rin ito, salamat sa mga programa tungkol sa women entreprenership, career growth and development at mga job opportunities na nilulunsad ng gobyerno at pribadong sektor.

Nung 2023, mas maraming babaeng nagtratrabaho bilang OFW- 1,099,000 kunpara sa 726,000 na lalaki.

Mas maraming babae ang parte ng labor force – 21.9 million na babae o 56.27%, mas mababa sa lalaki na may labor participation rate na 76.97% or 30.2 million.

Mas marami din ang may trabaho na lalaki kesa babae, 21.1 million na babae kumpara sa 29.3 million na lalaki.

Pero ayon sa  2022 Occupational Wages Survey, ang mga babaeng may trabaho ay mas malaki ang kita, P745.8 daily or P14,916 median monthly basic pay kumpara sa mga lalaki na kumikita ng P720.65 or P14,413.

Magiging komportable ka ba kung ang asawa mong babae ang breadwinner sa pamilya mo?

Siguro depende sa mag-asawa, lalo na kung titingnan natin ang ating kultura na lalaki pa rin ang dapat inaasahan sa pagtaguyod ng pamilya. Kaya dapat sikaping pag-usapan ng mag-asawa at maging BUKAS sa sumusunod:

B-aguhin ang pananaw sa mga tungkulin ng mag-asawa sa pamilya. Iba na ang mundo ngayon kung saan mas marami na ring opportunidad para sa mga kababaihan na nagbibigay halaga sa kanilang kaalaman at kakayahan.

U- mpisahang suportahan ang isa’t isa sa mga responsibilidad sa buhay pamilya. Iwasan ang magturo na ang lalaki ay para sa ganito at ang babae ay para sa ganun. Iisa lang ang dapat na pinanggagalingan ng ginagawa ng mag-asawa- ang pagmamahal sa mga anak at pamilya.

K- laruhin ang mga short-term at long-term financial goals, ano ang mga Ito, paano Ito aabutin, kelan, at ano ang ambag ng bawa’t isa. Dapat maliwanag ang kasunduan sa mga paraan at diskarte para maisakatuparan ang mga pangarap sa buhay.

A- ksyunan ang mga posibilidad at oportunidad na mag-aangat sa kabuhayan ng pamilya bilang mag-partner at hindi para magkompetisyon kung sino ang mas mabilis umasenso.

S- akripisyo ng mag-asawa at hindi lang ng breadwinner ang dapat bigyang halaga. Hindi lamang pinansyal na kontribusyon ang  importante kundi ang physical, emotional at mental support ng bawa’t isa para harapin ang mga problema at pagsubok sa buhay pamilya.

O, Juan, bukas ba ang isip mo?

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -