26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Bagong alituntunin sa FOA, inilunsad ng DoLE Caraga

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAGUMPAY na inilunsad ng Department of Labor and Employment-CARAGA (DOLE XIII) ang bagong Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Libertiessa sektor ng manggagawa, mamumuhunan, at pamahalaan sa rehiyon ng Caraga.

Pinangunahan nina Labor Undersecretary Atty. Felipe Egargo, Jr. (dulong kaliwa, itaas na hanay), Assistant Secretary Atty. Lennard Constantine Serrano (gitna, itaas na hanay), at DoLE Caraga Regional Director Atty. Joffrey Suyao (kanan, itaas na hanay) ang paglulunsad ng Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties sa Almont Inland Resort sa Butuan City. (Larawan mula sa DOLE XIII)

Ang Joint Memorandum Order (JMO) No. 1, Series of 2024 ay isang bagong alituntunin na dinisenyo upang magsilbing komprehensibong balangkas upang matiyak na ganap na maprotektahan ang mga karapatan ng manggagawa para sa malayang asosasyon at kalayaang-sibil.

Nakabalangkas sa JMO ang mga tungkulin at responsibilidad ng lahat ng stakeholder, tulad ng pamahalaan, manggagawa at mamumuhunan, sa pagtataguyod ng edukasyon sa paggawa at trabaho kasabay ng pagtitiyak sa kaligtasan ng publiko.

Alinsunod ito sa itinakdang pandaigdigang pamantayan ng ILO Convention No. 87, o ang “Freedom of Association and Protection of the Right to Organize,” at ILO Convention No. 98, o ang “Right to Organize and Collective Bargaining.”

Pinangunahan nina DOLE Undersecretary Felipe N. Egargo Jr., Assistant Secretary Lennard Constantine C. Serrano, at DOLE Caraga Regional Director Joffrey M. Suyao ang paglulunsad na ginanap sa Almont Inland Resort sa Butuan City.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Undersecretary Egargo na nakalatag sa alituntunin ang kolektibong pananagutan ng mga stakeholder sa pagtitiyak na ang lahat ng manggagawa sa pribadong sektor ay may kalayaang lumahok sa asosasyon at makibahagi sa collective bargaining nang walang takot sa panghihimasok, diskriminasyon o paghihiganti.

“Kinakailangan na mayroon tayong malinaw, komprehensibo, at ipinapatupad na alituntunin upang protektahan ang mga karapatang ito habang ating binabalanse ang interes ng lahat ng stakeholder,” pahayag niya.

Bilang karagdagan, sinabi ni Assistant Secretary Serrano na sa pamamagitan ng mga alituntuning ito, magkakaroon ng mahusay at epektibong koordinasyon at iisang pang-unawa ng lahat sa pangangasiwa at pagpapatupad ng mga batas-paggawa, pagbibigay ng edukasyon sa paggawa, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagdinig sa mga kaso.

Samantala, nangako si Director Suyao ng mas malalim at aktibong pakikipagtulungan sa mga tripartite partner mula sa mga manggagawa, mamumuhunan at pampublikong sektor upang matiyak ang paggalang sa mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa Caraga.

Nagsilbi bilang resource speaker sa ginanap na paglulunsad sina Labor-Arbiter at Bureau of Labor Relations Director Maria Consuelo S. Bacay at DOLE Caraga Mediator-Arbiter Rechell Bazar-Apao. Binigyang-diin nila ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga manggagawa, mamumuhunan, at stakeholder mula sa pamahalaan sa ilalim ng Omnibus Guidelines, at mga kaugnay na impormasyon para sa pagpapatupad ng Freedom of Association Roadmap. DOLE XIII, AG/gmea/IPS

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -