LAHAT halos ng bansa sa mundo ay nakikipagkalalan sa isa’t isa bunga ng epekto ng globalisasyon, murang transportasyon at mabilis na pagbabago sa mga teknolohiya sa information and communications technology (ICT). Ang mga kapaligirang nabanggit ay nagpapagaan sa pagdaloy ng kalakalan ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng mga bansa. Ngunit ang nais nating tukuyin sa maikling sanaysay na ito ay ang batayang ekonomiko kung bakit ang mga bansa ay nakikipagkalakalan sa isa’t isa.
Ang pangunahing ekonomikong dahilan ng kalakalang internasyonal ay tinatawag na komparatibong kalamangan o comparative advantage ng mga bansa. Ang isang bansa ay may komparatibong kalamangan sa isang produkto kung ang presyo ng produktong ito ay mas mura kung ihahambing sa presyo nito sa ibang bansa. Halimbawa, ipagpalagay na may dalawang bansa, Pilipinas at Japan at nagproprodyus ng parehong produkto, damit at computer. Kung mababa ang presyo ng damit sa Pilipinas kung ihahambing sa Japan ang Pilipinas ay may komparatibong kalamangan sa produktong damit. Samantala, kung mas mura ang presyo ng computer sa Japan kaysa sa Pilipinas may komparatibong kalamangan ang Japan sa computer. Ayon sa payak na halimbawang ito, ang Pilipinas ay magpapakadalubhasa sa produksiyon ng damit at iluluwas niya ito dahil may komparatibong kalamangan ito sa damit. Samantala, ang Japan ay magpapakadalubhasa at mag eeksport ng computer dahil may komparatibong kalamangan ito sa computer.
Ano naman ang dahilan kung bakit mura ang damit sa Pilipinas kaysa Japan at kung bakit mas mura ang computer sa Japan kaysa Pilipinas? May tatlong posibleng dahilan: nagkakaibang demand, nagkakaibang teknolohiya at nagkakaibang kasaganaan ng produktibong sangkap sa pagitan ng mga bansa. Sa unang dahilan, mababa ang presyo ng damit sa Pilipinas dahil maliit lamang ang demand sa damit sa Pilipinas samantalang malawak naman ang demand sa damit sa Japan. Ngunit ang ipinagpapalagay na nagkakaibang demand sa pagitan ng mga bansa ay hindi na makatotohan sa panahon ng globalisasyon. Dahil sa matinding pag-uugnayan ng mga tao sa mundo mula sa epekto ng globalisasyon ang panlasa ng mga tao sa pagitan ng mga bansa ay nagtutugma at nauuwi sa pagkakapareho ng kanilang demand. Samakatuwid, ang panlasa ng mga Filipino sa damit ay magkahawig lamang sa panlasa ng mga Hapon sa damit. Samakatuwid, hindi ang pagkakaiba ng panlasa sa pagitan ng mga bansa ang dahilan kung bakit mas mura ang damit sa Pilipinas at mahal sa Japan.
Marahil ang pagkakaiba ng teknolohiya sa pagitan ng bansa ang dahilan ng komparatibong kalamangan. Kung mas mura ang computer sa Japan kaysa sa Pilipinas ito ay maaaring ipaliwanag sa pamamaraan ng produksiyon o teknolohiyang ginagamit sa pagproseso ng computer sa pagitan ng mga bansa. Masasabing higit na episyente ang Japan sa produksiyon ng computer dahil gumagamit ito ng mga makabagong teknolohiyang nauuwi sa mababang gastos sa produksyon. Dahil dito mas murang naipagbibili ang computer ng Japan kaysa ng Pilipinas. Ngunit ang ipinagpapalagay na nagkakaiba ng teknolohiya sa pagitan ng bansa ay hindi na rin makatotohan sa panahon ng globalisasyon bunga ng matinding kalakalan sa pagitan ng mga bansa. Kahit mas mabisa ang Japan sa paggamit ng teknolohiya sa paggawa ng computer, maaari namang angkatin ang mga makabagong ng teknolohiyang ito ng Pilipinas at iprodyus ang computer sa Pilipinas gamit ang makabagong teknolohiya. Samakatuwid, halos magkakahawig lamang ang pamamaraan ng produksiyon sa pagitan ng mga bansa. Samakatuwid, batay sa pagsusuring ito, hindi ang nagkakaibang teknolohiya ang dahilan kung bakit nagkakaiba ang presyo ng computer sa Pilipinas at Japan.
Kung hindi ang nagkakaibang demand at hindi rin ang nagkakaibang teknolohiya sa pagitan ng mga bansa ang dahilan ng pagkakaiba ng presyo ng produkto sa pagitan ng mga bansa marahil ang pagkakaiba ng mga produktibong sangkap sa pagitan ng mga bansa ang nagtatalaga ng komparatibong kalamangan ng mga bansa. Ayon sa teorya nina Hecksher at Ohlin, ang isang bansa ay magpapakadalubhasa sa mga produktong gumagamit nang matindi ng kanilang saganang produktibong sangkap. Ayon sa teoryang ito at batay sa ating payak na halimbawa, ang damit ay isang produktong matindi sa paggamit ng paggawa samantala ang computer ay matindi sa paggamit ng capital. Dahil ang Pilipinas ay sagana sa paggawa relatibo sa capital kung ihahambing sa Japan. Samantala, ang Japan ay sagana sa capital relatibo sa paggawa kung ihahambing sa Pilipinas. Dahil dito mas murang maiproprodyus ng Pilipinas ang damit kaysa ng Japan. Samantala, dahil mayaman sa capital ang Japan, mas mura nilang maiproprodyus ang computer.
Ang teorya nina Hecksher at Ohlin sa kalakalan ang kasalukuyang tinatanggap at itinuturing makabagong ekonomikong paliwanag ng komparatibong kalamangan ng mga bansa. Ganoon pa man, patuloy ang pananaliksik ng mga ekonomista sa pagpuna sa mga ipinagpapalagay ng makabagong teorya. Ang kritisismo ay nakatuon sa ipinagpapalagay ng makabagong teorya na magkakatulad ang demand ng mga mamimili sa pagitan ng mga bansa at magkakatulad din ang mga teknolohiyang ginagamit ng mga industriya sa produksiyon sa pagitan ng mga bansa. Kasama rin sa pagpuna ang kongklusyon ng makabagong teorya na ang bansang sagana sa capital/paggawa ay magpapakadalubhasa sa produksiyon ng mga produktong matindi ang gamit sa capital/paggawa.