28 C
Manila
Martes, Oktubre 15, 2024

Media and Information Literacy 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

NGAYON higit kailanman ay mas naging kritikal ang papel na ginagampanan ng media and information literacy (MIL) sa ating magkakaugnay na personal, propesyonal, institusyonal, at publikong buhay.  Subalit bago magpalawig, ano nga ba ang media and information literacy at bakit ito mahalaga sa ating lahat?

Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (Unesco), ito ay tumutukoy sa kalipunan ng mga kaalaman, kasanayan, aktitud, kahusayan, at praktika tungo sa epektibong pagkalap, pagsuri, pag-interpreta, paggamit, pagbuo at pagpapalaganap ng impormasyon at media content alinsunod sa malikhain, ligal, at etikal na panuntunan.  Kapansin-pansin sa masaklaw na depinisyong ito na hindi lamang teknikal at teknolohikal na kasanayan ang tanging konsiderasyon sa MIL kundi ang multidimensyonal nitong karakter.

Subalit may alalahanin kung kailangan pa ba talagang aralin at pag-ukulan ng pansin ang MIL kung lantad at babad na naman dito ang karamihan sa atin araw-araw.  Tumataginting na oo ang tugon ng mga MIL scholar at advocate dahil sa komplikado at patuloy na nagbabagong katangian ng MIL bilang larangan.  Bukod pa rito ang lumalaganap na mga information, communication, at media disorder na banta sa pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan. Lalong naging napapanahon ang talakayan ukol sa MIL dahil sa nalalapit na selebrasyon ng Global Media and Information Literacy Week sa ika-24 hanggang 31 ng Oktubre.

Saklaw
Sa pangkalahatan, ang MIL ay sumasaklaw sa proseso ng media creation, media circulation, at media consumption. Gamit ang social media, halimbawa, tiyak na nagampanan na natin ang mga ito sa pamamagitan ng ating mga naipost, naishare, at nakonsumo sa online realm.  Bahagi ng adbokasiya ng MIL ang aktibong partisipasyon sa pampublikong diskurso sa pamamagitan ng iba’t ibang media platform at format. Taliwas ito sa kinagisnang kalakaran noon na passive consumer lamang ng media content ang publiko.

Bilang isa sa mga 21st century literacy skills, kinakapalooban ang MIL ng mga kaalaman (knowledge), kasanayan (skills), at halagahin (values) na kailangang taglayin ng mga media and information literate. Sa parametrong ito, kritikal na kasanayan ang paghahanap sa batis ng impormasyon (information source), pag-alam sa katumpakan ng impormasyon at kredibilidad ng pinanggalingan nito, at ang responsableng paggamit ng impormasyon para sa makabuluhang adhikain.

Kagaya ng ibang aralin, pinaka-epektibong matutunan ang MIL kung sinasapul nito ang tatlong magkakaugnay na domains of learning: cognitive (head), affective (heart), at psycho-motor (hand). Sa kontekstong ito, mahalaga na ang prinsipyo at praktika ng pagtuturo ay kinakapalooban ng malalim na pagkaunawa sa mga bagong konsepto, makakapwang pakikitungo sa ibang sektor, at nakakontekstong aplikasyon sa larangan at komunidad.  Ayon kay Paul Mihailidis sa kanyang akdang Civic Media Literacies: Re-Imagining Engagement for Civic Intentionality, napakahalagang taglayin ng MIL ang makakomunidad na oryentasyon sa pamamagitan ng pagpopook at pagsasapraktika ng kaalaman sa pamayanan.


Bilang larangan, ang MIL ay maaaring ituring na isang stand-alone na asignatura at isa ring istratehiya ng pagtuturo ng iba pang asignatura.  Sa Pilipinas, halimbawa, kasalukuyang itinuturo ang MIL bilang hiwalay na asignatura sa Senior High School (SHS).  Ipinapanawagan ng mga MIL advocate na mas palaganapin pa ang integrasyon nito sa paraan ng pagtuturo ng ibang asignatura tulad ng Pilosopiya, Agham, Matematika, Pagnenegosyo, Pisikal na Edukasyon at iba pa.

(Re)presentasyon
Ayon sa batikang media scholar na si David Buckingham sa kanyang akdang Media Manifesto, sentral sa ginagampanan ng midya ang representasyon ng reyalidad. May kapangyarihan ang midya hindi lamang salaminin ang reyalidad sa lipunan (reflection of social reality) kundi ang magbigay rin ng panibagong pagpapakahulugan at representasyon ng reyalidad.  Samakatuwid, hindi lamang payak na nagsasalarawan ang midya dahil may kapasidad din itong maghatid ng bagong interpretasyon at makapagbago ng paninindigan.   Ang kakanyahang ito ay maaaring gamitin sa mabuti o masamang paraan.   Isang halimbawa ay ang representasyon ng midya sa mga kababaihan bilang pasibong kasarian (atrasado) laban sa alternatibong representasyon bilang ahente ng panlipunang pagbabago (mapagpalaya).

Masaklaw ang midya bilang institusyon at larangan kaya malawak din ang aplikasyon ng MIL bilang kurso at diskurso.  Ilan sa mga pakinabang nito ay ang mga sumusunod:

  • matukoy ang mga maling impormasyon sa batayang aklat o textbook
  • maunawaan kung paano isinasalarawan ang mga katutubo sa mga palabas
  • mailantad ang diskriminasyon batay sa lahi at kasarian sa mga anunsyo o patalastas
  • punahin ang dekadenteng kultura at tema ng karahasan sa mga online game
  • maiuri ang mga elektoral na kampanya bilang makatotohanan o mapanlinlang

Communication, information, and media disorders
Bunga ng mababang antas ng media and information literacy ng ilang mamamayan ay naging bulnerable sila sa mapaminsalang pseudo-investment at political disinformation.  Marami ang nabiktima ng pyramid scams at kalunos-lunos na nasaid ang kanilang lifetime savings. Sa parehong dahilan ay malaking bilang din ang ‘nabudol’ sa mala-karnabal na kampanyang elektoral kung saan metodikal na kinasangkapan ang mga troll army at troll farm.  Kung ikokonsidera ang tatlong salik ng threat, exposure at vulnerability ay mahihinuha kung gaano kalala ang risk na hatid ng mga information and communication dysfunction sa mga mamamayan.

- Advertisement -

Nitong mga nakaraang taon ay nasaksihan natin kung paano kinasangkapan ang midya upang linlangin ang publiko at ilayo ang diskurso sa katotohanan at katwiran.  Ang isyu ng disimpormasyon ay kapwa kinakapalooban ng dimensyong moral at politikal dahil batayang usapin ito ng tama laban sa mali at ng hindi pantay na relasyon sa kapangyarihan.

Panawagan ng pagkilos
May magagawa ba tayo?  Tiyak ako na mayroon.  Sa katunayan ay marami.

Sa maagang panahon dapat nagsisimula ang media and information literacy.  Sinasabi ng mga eksperto na masyadong huli na kung sisimulan lamang ito sa mataas na paaralan at lalo na kung sa kolehiyo pa. Samakatuwid, ang MIL ay inaasahang magsimula sa bahay at sa elementarya pa lamang. Ang MIL ay kailangang tuloy-tuloy mula kabataan hanggang pagtanda dahil may iba’t ibang bulnerabilidad din batay sa edad.

Tulad ng pagiging matalino sa pagpili sa ating mga kinakain, ganoon din dapat ang ating pagiging kritikal sa pagkonsumo ng impormasyon mula sa midya.  Ang mas masahol ay nagiging tagapagpalaganap pa ang iba sa atin ng mga mali at baluktot na impormasyon.  Kaya naman kaakibat ng pagiging media and information literate ay ang pagiging self-reflective o mapagnilay.

Gamit ang socio-ecological model (SEM) ng dalubhasang si Urie Bronfenbrenner, ang MIL ay dapat tumatagos sa indibidwal, interpersonal, pangkomunidad, pampatakaran, at panlipunang antas.   Samakatwid, mahalaga ang mapagbantay na katangian ng indibidwal, positibong impluwensiya ng pamilya at mga kaibigan, kultura ng agapayan sa komunidad, at ang mga transpormatibong patakarang pang-midya.  Alinsunod sa SEM, kolektibo at komprehensibo dapat ang pagpapatupad ng ugnayan, ambagan, at pananagutan.

Habang mas nagiging mapagmanipula ang mga nasa likod ng iba’t ibang porma ng media disorder at information pathology, kailangang mas pag-ibayuhin pa ng paaralan at pamahalaan ang MIL sa bansa.  Dapat ay magkatambal na edukasyon, lehislasyon, at pag-oorganisa ng komunidad ang maging kolektibong tugon.  Mahalaga ang individual accountability pero ito ay necessary condition lamang at hindi sufficient condition. Upang maging buo o ganap, kailangang kapwa langkapan ito ng pananagutan mula sa pampubliko at pampribadong sektor.  Bukod sa pormal na edukasyon, dapat ding mas palaganapin pa ang pagiging bahagi ng MIL sa continuing at nonformal education ng mga komunidad, asosasyon, kooperatiba, at institusyong pangmidya mismo.

- Advertisement -

Dahil sa makapagpanibagong hubog na potensiyal ng MIL, alternatibong tinawag ito ni UP Manila Development Studies and Public Management Professor Roland Simbulan bilang media and transformation literacy.  Ayon sa kanya, mahalaga ang media and transformation literacy upang “mahiwalay ang katotohanan sa kasinungalingan” at “magkaroon ng kritikal at mapanuring perspektiba ukol sa mga isyung panlipunan.”  Sa aking panayam kay Prop. Simbulan, kanya ring binigyang diin ang papel nito sa pagbabagong panlipunan at kaunlaran ng nakararami alinsunod sa batayang prinsipyo na “ang kaalaman ay dapat mapakinabangan ng sangkatauhan.”

Walang puwang sa isang demokratikong lipunan ang pambabaluktot ng katotohanan.  Banta ito sa demokratikong institusyon at proseso.  Bagama’t hindi ang tanging solusyon, mahalaga ang papel ng MIL sa labang ito na dapat tinatanganan nating lahat.

Sa pinakabuod, masasabing kapwa mahalaga ang pinagtambal na midya at impormasyon sa ating indibidwal at kolektibong pag-iral.  Kasing halaga nito ang pag-uukol ng panahon at rekurso sa pag-aaral at pagsasanay sa mga larangang ito na siyang layunin ng media and information literacy bilang asignatura, perspektiba, diskurso, adkokasiya, at kilusan.

Pasa sa reaksyon, maaari ring magpadala ng mensahe rito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -