27.2 C
Manila
Martes, Oktubre 15, 2024

Bakit kandangatog ang mga senador sa muling pagtakbo ni Mayor Alice Guo?

- Advertisement -
- Advertisement -
Ikalawang Bahagi
PALAISIPAN ang tinuran ni Mayor Alice Guo na siya ay isang biktima.
Biktima nino, ng ano?
Sa isang kararaan lang na kolum (Amerika Kontra Mayor Alice Guo: Isang Simponiya, Oktubre 7, 2024) tinukoy ko ang mga pagbubulgar nina Senador Gatchalian, Hontiveros, Villanueva at Estrada sa di umano tunay na pagkatao ni Mayor Guo na isang Chino raw. Iisa ang patunay ng kanilang mga akusasyon – na isang Chino na nakakulong sa Thailand, nagngangalang She Zhijiang, ang nagbulgar di-umano na si Mayor Guo ay kapwa niya espiya para sa Communist Party of China (CPC).
Ito nga ang nakapag-aantig ng ating palaisipan kung bakit ultimo ba namang pagtakbong muli ni Mayor Alice Guo ay pagkakaabalahan pa nilang salungatin? Nagawa na nilang wasakin ang kanyang pagkatao, lahat-lahat na tungkol sa kanyang buhay. Sarilinin na lang nila dapat ang kanilang pang-uuyam sa sa mayora. Durog na durog na nga ang tao at kung tatakbo ngang muli ay dapat na hayaan na lang at sa tingin ng mga Senador ay wala nang kapag-a-pag-asa pang manalo. Pero, hindi. Patuloy ang mga senador sa kanilang arbitraryong paggamit ng   kapangyarihan ng senado upang pigilan ang nakikitang pagbabalik ni Mayor Guo sa kanyang puwesto sa Bamban.
Ang nangyari kasi, sa halip na madurog, lumaganap nang ganap ang kasikatan ni Mayor Guo. Sa karamihan ng mga Pilipino na  pinagdurusa ng pang-araw-araw na hirap sa buhay, naging simbolo si Mayor Guo ng sarili nilang paghahangad na makaahon sa mga kagipitang dinaranas. Ang kanyang pagtakas upang iwasan ang pag-aresto ng senado, sa halip na makapagpamukha sa kanya na isang puganteng kriminal ay higit pang nakapagpamistula sa kanya na bayani, ibabaw sa bawat balakid na kahaharapin. Nang sunduin siya ni Secretary Benhur Abalos upang tanggapin ang pag turn-over sa kanya ng Indonesia, nagkagulo ang mga tao sa airport sa pagpakuha ng selfie sa kanya. Gayundin sa paglapag na niya sa Pilipinas.
Anong hiwaga na ang isang taong pinakadiin-diin ng mga senador na kriminal ay sinasanto pala ng balana?
Sapagkat sa totoo lang, ang hirap paniwalaan na siya ay isang Chino at espiyang komunista. Sa mga pagdinig ng senado, wala kang mahalata ni kapirasong tunog ng pananalita ng isang Chino na natuto lamang ng Tagalog sa maikling panahon. Ang kanyang Tagalog ay hindi aral kundi bunga ng kinagisnang kulturang katutubo. Sabi nga, lingua franca ng isang isinilang at lumaki sa pamumuhay Pilipino.
Hindi ako sociologist at wala akong kakayahan na sagutin ang mga katanungan sa aspetong ito ng pagkatao ni Alice Guo. Subalit minarapat na rin lang ng mga senador na imbistigahan ang pagkatao ni Mayor Guo, itinudo na sana nila ang paghalungkat ng mga patunay sa kanilang akusasyon. At isang tiyak na patotoo sa bagay na ito ay ang kanyang  kinalakihang pagkatao. Kung kakayanin ng mga senador na papagsalitain sa kanilang imbestigasyon ang isang preso sa Thailand, nagngangalang Wang Fugui, upang patototohanan diumano ang pahayag ng bilanggo ring si She Zhijiang na espiya ng China si Mayor Guo, bakit hindi rin sila kumuha ng isang resource person na dadalirot sa pagkatao ng mayora. Ang kulturang makikita sa isang tao, hindi ang mga sasabihin ng iba, ang walang dudang patunay ng kanyang oagkatao.
Sa sociology, ang karakter  ay ang tao dagdag ang kanyang mga kalagayan. (Character is the man plus his circumstances.)
Gaano man pilitin ng isang tao na itago ang kanyang pinagmulan, lilitaw at lilitaw iyun na walang duda. Pansinin ang malaking pagkakaiba sa pananalita nina Alice at ng kapatid niyang si Shiela, na aminadong isinilang at lumaki sa China. Si Shiela ay halatang di bihasa sa sa salitang Tagalog at ang kaparaanan sa pagbuo ng pangungusap ay ayon sa lengwaheng Chino. Samantalang si Alice na isinilang at lumaki (ayon sa kanyang pahayag) sa kapaligirang Pilipino ay matatas at natural na natural sa pagsasalita ng Tagalog, maging sa pag kumbinasyon ng English at Tagalog na siyang kinahumalingan ng mga Pinoy. Masdan ang paliwanag ni Alice nang tanungin siya sa kanyang pagbabalik mula Indonesia kung bakit siya ay masayang masayang kumakaway pa sa mga tao sa airport, “Love language ko iyun sa mga taong nagmamahal sa akin.”
Love language.
Ah, anong gandang pahayag. Magagawa lamang ng isang lumaki sa kapaligirang ang Taglish ay hindi maikakailang bahagi na ng kulturang Pilipino.
Sa tingin, mahaba pang usapan ang mararating ng imbestigasyon ng senado kay Mayor Alice Guo. Sa mga nakaraang kolum, napuna ang pangyayari na ang imbestigasyon ay tila bunga ng research ng Al Jazeera, ang international media network na pag-aari ng Emir ng Qatar. Ayon sa Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), ang Qatar ay isang client state ng Estados Unidos. Bilang client state ng US, maasahan lamang na sunudsunuran siya sa Amerika. Tila ipinahihiwatig ng mga pangyayari na sinadya ng Al Jazeera na isiwalat ang lahat ng masamang ibinibintang kay Alice Guo ng senado, kabilang na ang pagiging espiya ng China.
Hindi maliwanag kung ano ang intensyon ng Al Jazeera sa mga pagbubunyag na ito. Maging ang ACPSSI ay ayaw magbigay ng paliwanag tungkol sa maaring koneksyon ng Al Jazeera sa lumilitaw na pakana ng senado na papag-apuyin sa galit ang mga Pilipino sa China sa pamamagitan ng pagkastigo kay Mayor Guo.
Gayun pa man, pinaninindigan ni ACPSSI President Herman Tiu Laurel na ang Kongreso ng Amerika ay nagpasa ng $1.6 bilyon pondo upang tustusan ang kontra-China propaganda sa South China Sea.
Napakalaking pondo niyan. Pwedeng-pwedeng tustusan ang imbestigasyon kuno ng senado, kasama na rin ang Kamara, kay Alice Guo. Masdan kung hindi ang pagsangkot sa Mayora sa maalingasngas na POGO ay hindi lumikha ng malawak na pagkamuhi sa China ng mga Pilipino.
Kung anuman ang masamang balakin sa imbestigasyon ng senado kay Alice Guo ay nakatago pa. Nangangailangang patuloy itong halukayin.
Pero isang bagay ang tiyak. Mahal si Mayor Guo ng Bamban. Malungkot nga lang na dahil sa di maiiwasang mga balakid, hindi nangyari ang hangad na muling tumakbo bilang mayor si Alice. Noon sana naganap ang intensyon ng kanyang abogado na si Atty. Stephen David na ilagay na lamang sa kamay ng mga mamamayan ng Bamban ang paghatol sa usaping ito.
Sa ganang kolum na ito, hindi pa huli ang lahat. Pwedeng iboto si Alice Guo ng mga mamamayan ng Bamban sa araw ng eleksyon sa Mayo. Mangyari pa, hindi bibilangin ang mga boto sa kanya. Pero hindi na yun mahalaga. Ang mahalaga, narinig ang boses ng Bamban.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -