Halos walo sa 10 Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo.
Ito ang resulta ng isang survey ng Pulse Asia kung saan tinanong ang mga respondent kung pabor ba sila sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Isinagawa ang naturang survey noong Marso 15 hanggang 19 ngayong taon.
Batay sa survey, 78% ng mga respondent sa buong bansa ang sumasang-ayon sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa kolehiyo, 13% ang hindi sumasang-ayon, 8% ang hindi matukoy kung sumasang-ayon ba sila o hindi, at ang natitirang iba pa ay nagsabing hindi sapat ang kanilang kaalaman upang magkaroon ng opinyon sa isyu. Suportado rin ng nakararami sa National Capital Region (77%), Balance Luzon (72%), Visayas (80%), at Mindanao (92%) ang pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo.
Kung susuriin naman ang resulta ng survey batay sa socioeconomic classes, 81% sa Classes ABC at E at 78% sa Class D ang sumusuporta sa mandatory ROTC.
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit suportado ng maraming Pilipino ang ROTC ay ang paniniwalang matututo ang kabataan ng disiplina at responsibilidad (71%). Naniniwala din ang mga sumusuporta sa panukala na paiigtingin nito ang kahandaan ng mga kabataang ipagtanggol ang bansa (60%), at mahahasa ang kanilang kakayahan bilang mga lider (59%).
“Malinaw ang boses ng ating mga kababayan sa pagsuporta sa pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo,” ani Senador Win Gatchalian, isa sa mga may akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 2034 o ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act.
“Kaya naman patuloy nating isusulong ang ating panukalang muling magkaroon ng ROTC sa kolehiyo hanggang sa maisabatas ito. Sa pamamagitan ng ROTC, maituturo natin sa mga kabataan ang disiplina, pagmamahal sa bayan, at kahandaang tumulong lalo na sa panahon ng mga sakuna,” dadgag na pahayag ng senador.
Para sa mga hindi naman pabor sa ROTC, 75% ang nagsabing pararamihin lamang nito ang mga kaso ng pang-aabuso, harassment, at hazing. May mga nagsabi ring pag-aaksaya lamang ito ng panahon na dapat sana’y iginugugol na lang nila sa pag-aaral (56%). May iba ring naniniwalang magagamit ang programa bilang instrumento ng kapangyarihan (44%).
Gayunpaman, nanindigan si Gatchalian na may safeguards ang panukalang batas. Halimbawa nito ang pagkakaroon ng Grievance Board sa bawat ROTC unit na tatanggap sa mga reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korapsyon.
Layunin ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enroll sa dalawang taong undergraduate degree, diploma, o certificate programs.